<     >  

70 - Al-Ma'aarij ()

|

(1) Humingi ang isang humihingi ng isang pagdurusang magaganap.

(2) Para sa mga tagatangging sumampalataya, wala para ritong isang tagahadlang

(3) laban kay Allāh na may mga pampanik.

(4) Papanik ang mga anghel at ang Espiritu sa Kanya sa isang araw na ang sukat nito ay limampung libong taon.

(5) Kaya magtiis ka nang pagtitiis na marilag.

(6) Tunay na sila ay nagtuturing na [ang pagdurusang] ito ay malayo

(7) samantalang nagtuturing Kaming ito ay malapit,

(8) sa Araw na ang langit ay magiging para bang latak ng langis,

(9) ang mga bundok ay magiging para bang nilipad na lana,

(10) at walang magtatanong na isang kaanak sa isang kaanak.

(11) Magkakitaan sila. Mag-aasam ang salarin na kung sana tutubusin siya mula sa isang pagdurusa sa Araw na iyon kapalit ng mga anak niya,

(12) at ng asawa niya at kapatid niya,

(13) at ng angkan niya na nagkakanlong sa kanya,

(14) at ng sinumang nasa lupa sa kalahatan, pagkatapos makapagliligtas ito sa kanya.

(15) Aba’y hindi! Tunay na iyon ay Alab,

(16) na isang palatuklap ng anit,

(17) na nag-aanyaya sa sinumang tumalikod [sa katotohanan] at nagpakalayu-layo,

(18) at umipon [ng yaman] at nag-imbak nito.

(19) Tunay na ang tao ay nilikha na ganid:

(20) kapag sumaling sa kanya ang masama ay maligalig

(21) at kapag sumaling sa kanya ang mabuti ay mapagkait,

(22) maliban sa mga nagdarasal,

(23) na sila, sa pagdarasal nila, ay mga palagian,

(24) at na [sila], sa mga yaman nila, ay may tungkuling nalalaman

(25) para sa nanghihingi at napagkaitan,

(26) at mga nagpapatotoo sa Araw ng Paggantimpala,

(27) at na sila, sa pagdurusang dulot ng Panginoon nila, ay mga nababagabag

(28) – tunay na ang pagdurusang dulot ng Panginoon nila ay walang natitiwasay –

(29) at na sila, para sa mga ari nila, ay mga tagapag-ingat,

(30) maliban sa mga maybahay nila o sa [babaing] minay-ari ng mga kanang kamay nila sapagkat tunay sila ay hindi mga masisisi

(31) – ngunit ang sinumang naghangad ng higit pa roon, ang mga iyon ay ang mga tagalabag –

(32) at na sila, sa mga ipinagkakatiwala sa kanila at sa kasunduan sa kanila, ay mga nag-iingat,

(33) at na sila, sa mga pagsasaksi nila, ay mga naninindigan,

(34) at na sila, sa pagdarasal nila, ay nangangalaga,

(35) ang mga iyon sa mga hardin ay mga pararangalan.

(36) Kaya ano ang mayroon sa mga tumangging sumampalataya na sa dako mo ay mga nagdadali-dali

(37) sa gawing kanan at sa gawing kaliwa sa magkakahiwalay na umpukan?

(38) Naghahangad ba ang bawat tao kabilang sa kanila na papasukin sa isang hardin ng kaginhawahan?

(39) Aba’y hindi! Tunay na Kami ay lumikha sa kanila mula sa nalalaman nila.

(40) Kaya talagang sumusumpa Ako sa Panginoon ng mga sikatan at mga lubugan: "Tunay na Kami ay talagang Nakakakaya

(41) na magpalit Kami ng higit na mabuti kaysa sa kanila, at Kami ay hindi mauunahan."

(42) Kaya hayaan mo silang sumuong [sa kabulaanan] at maglaro hanggang sa makipagkita sila sa araw nilang pinangangakuan sila,

(43) sa araw na lalabas sila mula sa mga puntod nang matutulin na para bang sila tungo sa mga dambana ay nagmamadali.

(44) Nagpapakumbaba ang mga paningin nila, may lumulukob sa kanila na isang kaabahan! Iyon ay ang araw na dating ipinangangako sa kanila.

<     >