<     >  

7 - Al-A'raaf ()

|

(1) Alif. Lām. Mīm. Sād.

(2) [Ito ay] isang Aklat na pinababa sa iyo, kaya huwag magkaroon sa dibdib mo ng pagkaasiwa mula rito, upang magbabala ka sa pamamagitan nito at bilang paalaala para sa mga mananampalataya.

(3) Sumunod kayo sa pinababa sa inyo mula sa Panginoon ninyo at huwag kayong sumunod sa bukod pa sa Kanya bilang mga katangkilik. Kakaunti ang isinasaalaala ninyo!

(4) Kay rami ng pamayanang ipinahamak Namin saka dumating doon ang parusa Namin sa magdamag o habang sila ay mga umiidlip sa hapon,

(5) saka walang iba ang panawagan nila noong dumating sa kanila ang parusa Namin maliban na nagsabi sila: "Tunay na kami dati ay mga tagalabag sa katarungan."

(6) Saka talagang magtatanong nga Kami sa mga pinagsuguan at talagang magtatanong nga Kami sa mga isinugo.

(7) Kaya talagang magsasalaysay nga Kami sa kanila nang may kaalaman at Kami lagi ay hindi nakaliban.

(8) Ang pagtitimbang sa Araw na iyon ay ang katotohanan. Kaya ang mga bumigat ang mga timbangan nila [ng kabutihan], ang mga iyon ay ang mga magtatagumpay.

(9) Ang mga gumaan ang mga timbangan nila [ng kabutihan], ang mga iyon ay ang mga nagpalugi sa mga sarili nila dahil sila noon sa mga tanda Namin ay lumalabag sa katarungan.

(10) Talaga ngang nagbigay-kapangyarihan Kami sa inyo sa lupa at gumawa Kami para sa inyo rito ng mga kabuhayan. Kaunti ang pinasasalamatan ninyo!

(11) Talaga ngang lumikha Kami sa inyo. Pagkatapos nag-anyo Kami sa inyo. Pagkatapos nagsabi Kami sa mga anghel: "Magpatirapa kayo kay Adan," kaya nagpatirapa sila maliban si Satanas; hindi siya naging kabilang sa mga nagpapatirapa.

(12) Nagsabi Siya: "Ano ang pumigil sa iyo na hindi ka magpatirapa noong nag-utos Ako sa iyo?" Nagsabi ito: "Ako ay higit na mainam kaysa sa kanya. Lumikha Ka sa akin mula sa apoy samantalang lumikha Ka sa kanya mula sa putik."

(13) Nagsabi Siya: "Kaya lumapag ka mula rito sapagkat hindi nagiging ukol sa iyo na magpakamalaki rito. Kaya lumabas ka; tunay na ikaw ay kabilang sa mga nanliliit."

(14) Nagsabi ito: "Magpaantala Ka sa akin hanggang sa araw na bubuhayin sila."

(15) Nagsabi Siya: "Tunay na ikaw ay kabilang sa mga ipagpapaliban."

(16) Nagsabi ito: "Kaya dahil nagpalisya Ka sa akin, talagang mag-aabang nga ako sa kanila sa landasin Mong tuwid.

(17) Pagkatapos talagang pupunta nga ako sa kanila sa harapan nila at sa likuran nila at sa dakong mga kanan nila at sa dakong mga kaliwa nila. Hindi Ka makatatagpo sa higit na marami sa kanila bilang mga tagapagpasalamat."

(18) Nagsabi Siya: "Lumabas ka mula rito bilang nilalait na pinalalayas. Talagang ang sinumang sumunod sa iyo kabilang sa kanila ay talagang magpupuno nga Ako ng Impiyerno mula sa inyo nang magkakasama.

(19) O Adan, manahan ka at ang asawa mo sa Paraiso, saka kumain kayong dalawa mula saanman ninyo loobin ngunit huwag kayong dalawa lumapit sa punong-kahoy na ito para kayong dalawa ay [hindi] maging kabilang sa mga tagalabag sa katarungan."

(20) Ngunit nagpasaring sa kanilang dalawa ang demonyo upang magtambad siya sa kanilang dalawa ng binalot para sa kanilang dalawa mula sa kahubaran nilang dalawa. Nagsabi siya: "Hindi sumaway sa inyong dalawa ang Panginoon ninyong dalawa laban sa punong-kahoy na ito maliban na kayong dalawa ay maging mga anghel o kayong dalawa ay maging kabilang sa mga nananatiling-buhay."

(21) Nakipagsumpaan siya sa kanilang dalawa: "Tunay na ako para sa inyong dalawa ay kabilang sa mga tagapayo."

(22) Kaya nagpamithi siya sa kanilang dalawa dahil sa kahibangan. Kaya noong nakatikim silang dalawa sa [bunga ng] punong-kahoy ay natambad sa kanilang dalawa ang kahubaran nilang dalawa at nagsimula silang dalawa na magkapit sa kanilang dalawa ng mula sa mga dahon ng Paraiso. Nanawagan sa kanilang dalawa ang Panginoon nilang dalawa: "Hindi ba Ako sumaway sa inyong dalawa laban sa punong-kahoy na iyon at nagsabi sa inyong dalawa: Tunay na ang demonyo para sa inyong dalawa ay isang kaaway na malinaw?"

(23) Nagsabi silang dalawa: "Panginoon namin, lumabag kami sa katarungan sa mga sarili namin. Kung hindi Ka magpapatawad sa amin at maaawa sa amin, talagang kami nga ay magiging kabilang sa mga lugi."

(24) Nagsabi Siya: "Lumapag kayo; ang iba sa inyo para sa iba ay kaaway. Ukol sa inyo sa lupa ay isang pinagtitigilan at isang natatamasa hanggang sa isang panahon."

(25) Nagsabi Siya: "Sa loob niyon mabubuhay kayo, sa loob niyon mamamatay kayo, at mula roon ilalabas kayo.

(26) O mga anak ni Adan, nagpababa nga Kami sa inyo ng kasuutan na magbabalot sa kahubaran ninyo at bilang gayak. Ang kasuutan ng pangingilag magkasala, iyon ay higit na mabuti. Iyon ay kabilang sa mga tanda ni Allāh, nang sa gayon sila ay magsasaalaala.

(27) O mga anak ni Adan, huwag ngang tutukso sa inyo ang demonyo yayamang nagpalabas siya sa mga magulang ninyo mula sa Paraiso habang nag-aalis sa kanilang dalawa ng kasuutan nilang dalawa upang magpakita siya sa kanilang dalawa ng kahubaran nilang dalawa. Tunay na siya ay nakakikita sa inyo, siya at ang mga kampon niya, mula sa kung saan hindi kayo nakakikita sa kanila. Tunay na Kami ay gumawa sa mga demonyo bilang mga katangkilik para sa mga hindi sumasampalataya."

(28) Kapag gumawa sila ng isang malaswa ay magsasabi sila: "Nakatagpo kami sa gayon sa mga magulang namin at si Allāh ay nag-utos sa amin niyon." Sabihin mo: "Tunay na si Allāh ay hindi nag-uutos ng kalaswaan; nagsasabi ba kayo hinggil kay Allāh ng hindi ninyo nalalaman?"

(29) Sabihin mo: "Nag-utos ang Panginoon ko ng pagkamakatarungan, at na magpanatili kayo ng mga mukha ninyo sa bawat patirapaan at manalangin kayo sa Kanya habang mga nagpapakawagas para sa Kanya sa relihiyon. Kung paanong nagsimula Siya sa inyo, [gayon] kayo manunumbalik."

(30) May isang pangkat na pinatnubayan Niya at may isang pangkat na nagindapat sa kanila ang kaligawan. Tunay na sila ay gumawa sa mga demonyo bilang mga katangkilik bukod pa kay Allāh at nag-aakala na mga napapatnubayan.

(31) O mga anak ni Adan, magsuot kayo ng gayak ninyo sa bawat masjid. Kumain kayo at uminom kayo at huwag kayong magpakalabis; tunay na Siya ay hindi umiibig sa mga nagpapakalabis.

(32) Sabihin mo: "Sino ang nagbawal sa gayak ni Allāh na pinalabas Niya para sa mga lingkod Niya at sa mga kaaya-aya mula sa panustos?" Sabihin mo: "Ito ay para sa mga sumampalataya sa [sandali ng] buhay na pangmundo samantalang nakalaan [sa kanila] sa Araw ng Pagbangon." Gayon Kami nagdedetalye ng mga tanda para sa mga taong umaalam.
- Isang tinatamasang kakaunti, pagkatapos ang kanlungan nila ay Impiyerno. Kay saklap ang himlayan!

(33) Sabihin mo: "Nagbawal lamang ang Panginoon ko ng mga malaswa: anumang nalantad sa mga ito at anumang nakubli, ng kasalanan, ng paglabag nang walang karapatan, na magtambal kayo kay Allāh ng anumang hindi naman Siya nagbaba roon ng isang katunayan, at na magsabi kayo hinggil kay Allāh ng hindi ninyo nalalaman."

(34) Para sa bawat kalipunan ay may taning. Kaya kapag dumating ang taning nila ay hindi sila makapagpapaantala ng isang sandali at hindi sila makapagpapauna.

(35) O mga anak ni Adan, kung may pupunta nga sa inyo na mga sugo kabilang sa inyo, na nagsasalaysay sa inyo ng mga tanda Ko, ang mga nangilag magkasala at nagsaayos ay walang pangamba sa kanila ni sila ay malulungkot.

(36) Ang mga nagpasinungaling sa mga tanda Namin at nagmalaki sa mga ito, ang mga iyon ang mga maninirahan sa Apoy; sila ay doon mga mananatili.

(37) Kaya sino pa ang higit na tagalabag sa katarungan kaysa sa sinumang gumawa-gawa laban kay Allāh ng isang kasinungalingan o nagpasinungaling sa mga tanda Niya. Ang mga iyon, aabot sa kanila ang bahagi nila mula sa talaan, na hanggang sa nang dumating sa kanila ang mga sugo Namin na magpapapanaw sa kanila ay magsasabi ang mga ito: "Nasaan ang dati ninyong dinadalanginan bukod pa kay Allāh?" Magsasabi sila: "Nawala sila sa amin." Sumaksi sila laban sa mga sarili nila na sila noon ay mga tagatangging sumampalataya.

(38) Nagsabi Siya: "Magsipasok kayo Apoy kasama sa mga kalipunang nakalipas na bago pa ninyo kabilang sa jinn at tao. Sa tuwing pumapasok ang isang kalipunan ay isinusumpa nito ang [kalipunang] huwaran nito, na hanggang sa nang nagsunuran sila roon sa kalahatan ay magsasabi ang huli sa kanila sa una sa kanila: "Panginoon Namin, ang mga ito ay nagligaw sa amin kaya bigyan Mo sila ng isang ibayong pagdurusa mula sa Apoy." Magsasabi Siya: "Ukol sa bawat isa ay ibayo, subalit hindi ninyo nalalaman."

(39) Magsasabi ang una sa kanila sa huli sa kanila: "Sapagkat hindi kayo nagkaroon higit sa amin ng anumang kalamangan, kaya lasapin ninyo ang pagdurusa dahil sa dati ninyong nakakamit."

(40) Tunay na ang mga nagpasinungaling sa mga tanda Namin at nagmalaki sa mga ito ay hindi bubuksan para sa kanila ang mga pinto ng langit at hindi sila papasok sa Paraiso hanggang sa lumagos ang kamelyo sa mata ng karayom. Gayon Kami gaganti sa mga salarin.

(41) Para sa kanila mula sa Impiyerno ay himlayan at mula sa ibabaw nila ay mga pambalot. Gayon Kami gaganti sa mga tagalabag sa katarungan.

(42) Ang mga sumampalataya at gumawa ng mga maayos – hindi Kami nag-aatang sa isang kaluluwa malibang ayon sa kakayahan nito – ang mga iyon ay ang mga maninirahan sa Paraiso; sila ay doon mga mananatili.

(43) Magtatanggal Kami ng anumang nasa mga dibdib nila na hinanakit, habang dumadaloy mula sa ilalim nila ang mga ilog. Magsasabi sila: "Ang papuri ay ukol kay Allāh na nagpatnubay sa amin para rito. Hindi sana kami naging ukol mapatnubayan kung sakaling hindi dahil nagpatnubay sa amin si Allāh. Talaga ngang naghatid ang mga sugo ng Panginoon namin ng katotohanan." Tatawagin sila: "Iyon ay ang Paraiso; ipinamana sa inyo iyon dahil sa dati ninyong ginagawa."

(44) Mananawagan ang mga maninirahan sa Paraiso sa mga maninirahan sa Apoy, na [nagsasabi]: "Nakatagpo nga kami sa ipinangako sa amin ng Panginoon namin bilang totoo, kaya nakatagpo ba kayo sa ipinangako ng Panginoon ninyo bilang totoo?" Magsasabi sila: "Oo." Kaya magpapahayag ang isang tagapagpahayag sa pagitan nila na ang sumpa ni Allāh ay nasa mga tagalabag sa katarungan,

(45) ang mga sumasagabal sa landas ni Allāh at naghahangad dito ng isang kabaluktutan samantalang sila sa Kabilang-buhay ay mga tagatangging sumampalataya."

(46) Sa pagitan ng dalawang [pangkat na] ito ay may tabing. Sa mga tuktok ay may mga lalaking nakakikilala sa lahat ayon sa mga tatak ng mga ito. Mananawagan sila sa mga maninirahan sa Paraiso, na [nagsasabi]: "Kapayapaan ay sumainyo." Hindi pa nakapasok ang mga ito roon at ang mga ito ay naghahangad.

(47) Kapag inilihis ang mga paningin nila paharap sa mga maninirahan sa Apoy ay magsasabi sila: "Panginoon Namin, huwag Kang maglagay sa amin kasama sa mga taong tagalabag sa katarungan."

(48) Mananawagan ang mga nananatili sa mga tuktok sa mga taong nakikilala nila ayon sa mga tatak ng mga ito, na magsasabi: "Walang naidulot para sa inyo ang pagtipon ninyo at ang dati ninyong ipinagmamalaki."

(49) Ang mga ito ba ang mga sumumpa kayong hindi magpapakamit sa kanila si Allāh ng awa? [Sasabihin]: "Magsipasok kayo sa Paraiso; walang pangamba sa inyo ni kayo ay malulungkot."

(50) Mananawagan ang mga naninirahan sa Apoy sa mga naninirahan sa Paraiso, na [nagsasabi]: "Magpabaha kayo sa amin ng tubig o ng anumang itinustos sa inyo ni Allāh." Magsasabi ang mga ito: "Tunay na si Allāh ay nagbawal ng dalawang ito sa mga tagatangging sumampalataya,

(51) na mga gumawa sa relihiyon nila bilang libingan at laro, at luminlang sa kanila ang buhay na pangmundo." Kaya ngayong Araw lilimot Kami sa kanila kung paanong lumimot sila sa pakikipagkita sa Araw nilang ito at sila dati sa mga tanda Namin ay nagkakaila.

(52) Talaga ngang naghatid Kami sa kanila ng isang aklat na dinetalye Namin ayon sa kaalaman bilang patnubay at awa para sa mga taong sumasampalataya.

(53) Naghihintay kaya sila maliban pa ng pagsasakatuparan nito? Sa araw na pupunta ang pagsasakatuparan nito ay magsasabi ang mga lumimot nito bago pa niyan: "Naghatid nga ang mga sugo ng Panginoon Namin ng katotohanan, kaya mayroon ba kaming anumang mga tagapagpamagitan para mamagitan sila para sa amin, o pababalikin kami para gumawa kami ng iba sa dati naming ginagawa?" Nagpalugi nga sila ng mga sarili nila at nawala sa kanila ang dati nilang ginawa-gawa.

(54) Tunay na ang Panginoon ninyo ay si Allāh na lumikha ng mga langit at lupa sa anim na araw, pagkatapos lumuklok Siya sa Trono. Nagbabalot Siya ng gabi sa maghapon na humahabol doon nang maliksi. [Lumikha Siya] ng araw, buwan, at mga bituin bilang mga pinagsisilbi ayon sa utos Niya. Pansinin, sa Kanya ang paglikha at ang pag-uutos. Napakamapagpala si Allāh, ang Panginoon ng mga nilalang.

(55) Manalangin kayo sa Panginoon ninyo nang may pagpapakumbaba at pagkukubli. Tunay na Siya ay hindi umiibig sa mga tagalabag.

(56) Huwag kayong manggulo sa lupa matapos ng pagsasaayos nito. Dumalangin kayo sa Kanya nang may pangamba at paghahangad. Tunay na ang awa ni Allāh ay malapit sa mga tagagawa ng maganda.

(57) Siya ay ang nagsusugo ng mga hangin bilang mga tagapagbalita ng nakagagalak sa harap ng awa Niya, na hanggang sa nang nagdala ang mga iyon ng mga ulap na mabigat ay umakay Kami sa mga ito tungo sa isang bayang patay saka nagpababa Kami roon ng tubig kaya nagpalabas Kami sa pamamagitan nito ng lahat ng mga bunga. Gayon Kami magpapalabas ng mga patay, nang sa gayon kayo ay magsasaalaala.

(58) Ang bayang kaaya-aya ay lumalabas ang tanim nito ayon sa pahintulot ng Panginoon nito at ang naging karima-rimarim ay hindi lumalabas ito kundi pahirapan. Gayon Kami nagsarisari ng mga tanda para sa mga taong nagpapasalamat.

(59) Talaga ngang nagsugo Kami kay Noe sa mga kababayan niya, saka nagsabi siya: “O mga kababayan ko, sumamba kayo kay Allāh; walang ukol sa inyo na anumang Diyos na iba pa sa Kanya. Tunay na ako ay nangangamba para sa inyo sa pagdurusa sa isang araw na sukdulan."

(60) Nagsabi ang pamunuan kabilang sa mga kalipi niya: "Tunay na kami ay talagang nakakikita sa iyo sa isang pagkaligaw na malinaw."

(61) Nagsabi siya: "O mga kalipi ko, walang kaligawan sa akin, subalit ako ay isang sugo mula sa Panginoon ng mga nilalang.

(62) Nagpapaabot ako sa inyo ng mga pasugo ng Panginoon ko, nagpapayo ako sa inyo, at nakaaalam ako mula kay Allāh ng hindi ninyo nalalaman.

(63) Namangha ba kayo na may dumating sa inyo na isang paalaala mula sa Panginoon ninyo dala ng isang lalaking kabilang sa inyo upang magbabala siya sa inyo, upang mangilag kayong magkasala, at nang sa gayon kayo ay kaaawaan?"

(64) Ngunit nagpasinungaling sila sa kanya, kaya pinaligtas Namin siya at ang mga kasama sa kanya sa daong at nilunod Namin ang mga nagpasinungaling sa mga tanda Namin. Tunay na sila noon ay mga taong bulag.

(65) [Nagsugo sa] `Ād ng kapatid nilang si Hūd. Nagsabi siya: "O mga kalipi ko, sumamba kayo kay Allāh; walang ukol sa inyo na anumang Diyos na iba pa sa Kanya. Kaya hindi ba kayo mangingilag magkasala?"

(66) Nagsabi ang konseho na mga tumangging sumampalataya kabilang sa mga kalipi niya: "Tunay na kami ay talagang nakakikita sa iyo sa isang kahunghangan at tunay na kami ay nakatitiyak sa iyo na kabilang sa mga sinungaling."

(67) Nagsabi siya: "O mga kalipi ko, walang kahunghangan sa akin subalit ako ay isang sugo mula sa Panginoon ng mga nilalang.

(68) Nagpapaabot ako sa inyo ng mga pasugo ng Panginoon ko, at ako para sa inyo ay isang tagapayong pinagkakatiwalaan.

(69) Namangha ba kayo na may dumating sa inyo na isang paalaala mula sa Panginoon ninyo dala ng isang lalaking kabilang sa inyo upang magbabala sa inyo? Alalahanin ninyo noong gumawa Siya sa inyo bilang mga kahalili nang matapos ng mga tao ni Noe at nagdagdag Siya sa inyo ng kalakasan sa pangangatawan. Kaya alalahanin ninyo ang mga pagpapala ng Panginoon ninyo, nang sa gayon kayo ay magtatagumpay.

(70) Nagsabi sila: "Dumating ka ba sa Amin upang sumamba kami kay Allāh lamangat umiwan Kami sa anumang dating sinasamba ng mga magulang namin? Kaya maglahad ka sa amin ng ipinangangako mo sa amin kung ikaw ay kabilang sa mga tapat."

(71) Nagsabi siya: "May bumagsak nga sa inyo mula sa Panginoon ninyo na isang kasalaulaan at isang galit. Nakikipagtalo ba kayo sa akin hinggil sa mga pangalang ipinangalan ninyo mismo at ng mga magulang ninyo, na hindi nagbaba si Allāh sa mga ito ng anumang katunayan. Kaya maghintay kayo; tunay na ako ay kasama sa inyo kabilang sa mga naghihintay."

(72) Kaya pinaligtas Namin siya at ang mga kasama sa kanya dahil sa isang awa mula sa Amin. Pumutol Kami sa ugat ng mga nagpasinungaling sa mga tanda Namin. Sila noon ay hindi mga mananampalataya.

(73) [Nagsugo sa] Thamūd ng kapatid nilang si Ṣāliḥ. Nagsabi siya: "O mga kalipi ko, sumamba kayo kay Allāh; walang ukol sa inyo na anumang Diyos na iba pa sa Kanya. May dumating nga sa inyo na isang malinaw na patunay mula sa Panginoon ninyo. Ito ay dumalagang kamelyo ni Allāh; para sa inyo ay isang tanda, kaya hayaan ninyo itong manginain sa lupain ni Allāh at huwag ninyong salingin ito ng isang kasagwaan para hindi kayo daklutin ng isang pagdurusang masakit.

(74) Alalahanin ninyo noong gumawa Siya sa inyo na mga kahalili nang matapos ng [lipi ng] `Ād at nagpatahan Siya sa inyo sa lupain. Gumagawa kayo mula sa mga kapatagan nito ng mga palasyo at lumililok kayo ng mga bundok na maging mga bahay. Kaya alalahanin ninyo ang mga biyaya ni Allāh at huwag kayong manampalasan sa lupa bilang mga tagagulo."

(75) Nagsabi ang konseho na mga nagmalaki kabilang sa mga kalipi niya sa mga minamahina – sa sinumang sumampalataya kabilang sa kanila: "Nakaaalam ba kayo na si Ṣāliḥ ay isang isinugo mula sa Panginoon niya?" Nagsabi ang mga ito: "Tunay na kami sa ipinasugo sa kanya ay mga mananampalataya."

(76) Nagsabi ang mga nagmalaki: "Tunay na kami sa sinampalatayanan ninyo ay mga tagatangging sumampalataya."

(77) Kaya kinitil nila ang dumalagang kamelyo, nanampalasan sila sa utos ng Panginoon nila, at nagsabi sila: "O Ṣāliḥ, maglahad ka sa amin ng ipinangangako mo sa amin kung ikaw ay kabilang sa mga isinugo."

(78) Kaya dumaklot sa kanila ang yanig, saka sila, sa tahanan nila, ay naging mga [patay na] nakasubsob.

(79) Kaya tumalikod siya sa kanila at nagsabi: "O mga kalipi ko, talaga ngang nagpaabot ako sa inyo ng pasugo ng Panginoon ko at nagpayo ako sa inyo subalit hindi kayo umiibig sa mga tagapayo."

(80) [Banggitin mo] si Lot noong nagsabi siya sa mga kababayan niya: "Gumagawa ba kayo ng mahalay, na walang nakauna sa inyo roon na isa man kabilang sa mga nilalang?

(81) Tunay na kayo ay talagang pumupunta sa mga lalaki dala ng pagnanasa sa bukod pa sa mga babae, bagkus kayo ay mga taong nagpapakalabis."

(82) Walang iba ang sagot ng mga kababayan niya kundi na nagsabi sila: "Palabasin ninyo sila mula sa pamayanan ninyo; tunay na sila ay mga taong nagpapakadalisay."

(83) Kaya pinaligtas Namin siya at ang mag-anak niya maliban sa maybahay niya; ito ay naging kabilang sa mga nagpapaiwan.

(84) Nagpaulan Kami sa kanila ng isang ulan, kaya tumingin ka kung papaano naging ang kinahinatnan ng mga salarin.

(85) [Nagsugo sa] Madyan ng kapatid nilang si Shu`ayb. Nagsabi siya: "O mga kalipi ko, sumamba kayo kay Allāh; walang ukol sa inyo na anumang Diyos na iba pa sa Kanya. May dumating nga sa inyo na isang malinaw na patunay mula sa Panginoon ninyo. Kaya magpalubus-lubos kayo ng pagtatakal at [pagtitimbang sa] timbangan, huwag kayong magpakulang sa mga tao sa mga bagay-bagay nila, at huwag kayong manggulo sa lupa matapos ng pagsasaayos nito. Iyon ay higit na mabuti para sa inyo kung kayo ay mga mananampalataya.

(86) Huwag kayong umupo sa bawat landasin, na nagbabanta kayo at sumasagabal kayo sa landas ni Allāh sa sinumang sumampalataya sa Kanya, at naghahangad kayo rito ng isang kabaluktutan. Alalahanin ninyo, noong kayo dati ay kakaunti, pinarami Niya kayo. Tumingin kayo kung papaano naging ang kinahinatnan ng mga tagagulo.

(87) Kung may isang pangkatin kabilang sa inyo na sumampalataya sa ipinasugo sa akin at may isang pangkating hindi sumampalataya, magtiis kayo hanggang sa humatol si Allāh sa pagitan natin. Siya ay ang pinakamainam sa mga tagahatol."

(88) Nagsabi ang konseho na mga nagmalaki kabilang sa mga kalipi niya: "Talagang magpapalabas nga Kami sa iyo, O Shu`ayb, at sa mga sumampalataya kasama sa iyo mula sa pamayanan natin, o talagang manunumbalik nga kayo sa kapaniwalaan namin." Nagsabi siya: "Kahit ba kami ay naging mga nasusuklam?

(89) Gumawa-gawa nga kami laban kay Allāh ng isang kasinungalingan kung nanumbalik kami sa kapaniwalaan ninyo matapos noong nagligtas sa amin si Allāh mula roon. Hindi nagiging ukol sa amin na manumbalik kami roon maliban na loobin ni Allāh, ang Panginoon namin. Sumakop ang Panginoon namin sa bawat bagay sa kaalaman. Kay Allāh kami nananalig. Panginoon naming, humusga Ka sa pagitan namin at ng mga kalipi namin ayon sa katotohanan, at Ikaw ay ang pinakamabuti sa mga tagahusga."

(90) Nagsabi ang konseho na mga tumangging sumampalataya kabilang sa mga kalipi niya: "Talagang kung sumunod kayo kay Shu`ayb, tunay na kayo samakatuwid ay talagang mga lugi."

(91) Kaya dumaklot sa kanila ang yanig, saka sila, sa tahanan nila, ay naging mga [patay na] nakasubsob.

(92) Ang mga nagpasinungaling kay Shu`ayb ay para bang hindi nanirahan doon. Ang mga nagpasinungaling kay Shu`ayb, sila noon ay ang mga lugi.

(93) Kaya tumalikod siya sa kanila at nagsabi: "O mga kalipi ko, talaga ngang nagpaabot ako sa inyo ng mga pasugo ng Panginoon ko at nagpayo ako sa inyo, kaya papaano akong magdadalamhati sa mga taong tagatangging sumampalataya?"

(94) Hindi Kami nagsugo sa isang pamayanan ng anumang propeta malibang nagpataw Kami sa mga mamamayan nito ng kadahupan at kariwaraan, nang sa gayon sila ay magpapakumbaba.

(95) Pagkatapos nagpalit Kami sa lugar ng masagwang lagay ng magandang lagay hanggang sa lumago sila at nagsabi: "Sumaling nga sa mga magulang namin ang kariwaraan at ang kariwasaan." Kaya dumaklot Kami sa kanila nang biglaan habang sila ay hindi nakararamdam.

(96) Kung sakaling ang mga naninirahan sa mga pamayanan ay sumampalataya at nangilag magkasala, talaga sanang nagbukas Kami sa kanila ng mga pagpapala mula sa langit at lupa subalit nagpasinungaling sila kaya dumaklot Kami sa kanila dahil sa dati nilang kinakamit.

(97) Kaya natiwasay ba ang mga naninirahan sa mga pamayanan na pumunta sa kanila ang parusa Namin sa magdamag habang sila ay mga tulog?

(98) Natiwasay ba ang mga naninirahan sa mga pamayanan na pumunta sa kanila ang parusa Namin sa kaumagahan habang sila ay naglalaro?

(99) Kaya natiwasay ba sila sa panlalansi ni Allāh sapagkat walang natitiwasay sa panlalansi ni Allāh kundi ang mga taong lugi?

(100) Hindi ba napaglinawan para sa mga nagmamana ng lupa matapos ng mga [naunang] naninirahan dito na kung sakaling niloloob Namin ay nagpasakit sana Kami sa kanila dahil sa mga pagkakasala nila? Nagpipinid Kami sa mga puso nila kaya sila ay hindi nakaririnig.

(101) Ang mga pamayanang iyon ay nagsasalaysay Kami sa iyo ng ilan sa mga balita ng mga iyon. Talaga ngang naghatid sa kanila ang mga sugo nila ng mga malinaw na patunay, ngunit hindi sila naging ukol na sumampalataya sa pinasinungalingan nila bago pa niyan. Gayon nagpipinid si Allāh sa mga puso ng mga tagatangging sumampalataya.

(102) Hindi Kami nakatagpo sa higit na marami sa kanila ng anumang kasunduan at nakatagpo lamang Kami sa higit na marami sa kanila na talagang mga suwail.

(103) Pagkatapos nagpadala Kami, nang matapos nila, kay Moises kalakip ng mga tanda Namin patungo kay Paraon at sa konseho nito, ngunit lumabag sila sa katarungan sa mga ito kaya tumingin ka kung papaano naging ang kinahinatnan ng mga tagatiwali.

(104) Nagsabi si Moises: "O Paraon, tunay na ako ay isang sugo mula sa Panginoon ng mga nilalang.

(105) Karapat-dapat na hindi ako magsabi tungkol kay Allāh malibang ng totoo. Nagdala nga ako sa inyo ng isang malinaw na patunay mula sa Panginoon ninyo kaya ipadala mo kasama sa akin ang mga anak ni Israel.

(106) Nagsabi ito: "Kung ikaw ay nagdala ng isang tanda, maglahad ka nito kung ikaw ay naging kabilang sa mga tapat."

(107) Kaya pumukol siya ng tungkod niya at biglang ito ay isang ulupong na malinaw.

(108) Humugot siya ng kamay niya at biglang ito ay maputi para sa mga tagatingin.

(109) Nagsabi ang konseho kabilang sa mga tao ni Paraon: "Tunay na ito ay talagang isang manggagaway na maalam.

(110) Nagnanais siya na magpalabas sa inyo mula sa lupain ninyo kaya ano ang ipag-uutos ninyo?"

(111) Nagsabi sila: "Mag-antala ka sa kanya at sa kapatid niya at magsugo ka sa mga lungsod ng mga tagakalap,

(112) na magdadala sila sa iyo ng bawat manggagaway na maalam."

(113) Dumating ang mga manggagaway kay Paraon. Nagsabi sila: "Tunay na mayroon kami talagang pabuya kung kami ay ang mga tagapanaig."

(114) Nagsabi ito: "Oo, at tunay na kayo ay talagang kabilang sa mga inilapit [sa akin]."

(115) Nagsabi sila: "O Moises, maaari na pumukol ka o maaari na maging kami mismo ang mga tagapukol."

(116) Nagsabi siya: "Pumukol kayo." Kaya noong pumukol sila ay gumaway sila sa mga mata ng mga tao, nagpangilabot sila sa mga ito, at naghatid sila ng isang panggagaway na sukdulan.

(117) Nagkasi Kami kay Moises, na [nagsasabi]: "Pumukol ka ng tungkod mo," kaya biglang ito ay lumalamon sa ipinanlilinlang nila.

(118) Kaya napagtibay ang katotohanan at napawalang-saysay ang dati nilang ginagawa.

(119) Kaya nadaig sila roon at umuwi na mga nanliliit.

(120) Kaya napahandusay ang mga manggagaway na mga nakapatirapa.

(121) Nagsabi sila: "Sumampalataya kami sa Panginoon ng mga nilalang,

(122) na Panginoon nina Moises at Aaron."

(123) Nagsabi si Paraon: "Sumampalataya kayo sa kanya bago ako magpahintulot sa inyo. Tunay na ito ay talagang isang panlalansi na ipinanlansi ninyo sa lungsod upang magpalabas kayo mula rito ng mga naninirahan dito, kaya malalaman ninyo.

(124) Talagang magpuputul-putol nga ako ng mga kamay ninyo at mga paa ninyo nang magkabilaan, pagkatapos talagang magbibitin nga ako sa inyo nang magkakasama."

(125) Nagsabi sila: "Tunay na kami ay sa Panginoon namin mga mauuwi.

(126) Hindi ka naghiganti sa amin kundi dahil sumampalataya kami sa mga tanda ng Panginoon namin noong dumating ang mga ito sa amin. Panginoon namin, magbuhos Ka sa amin ng pagtitiis at magpapanaw Ka sa amin bilang mga Muslim."

(127) Nagsabi ang konseho kabilang sa mga tao ni Paraon: "Magpapabaya ka ba kay Moises at sa mga kalipi niya upang manggulo sila sa lupain at magpabaya sa iyo at sa mga diyos mo?" Nagsabi siya: "Pagpapatayin natin ang mga anak na lalaki nila at pamumuhayin natin ang mga babae nila. Tunay na tayo sa ibabaw nila ay mga tagalupig."

(128) Nagsabi si Moises sa mga tao niya: "Magpatulong kayo kay Allāh at magtitiis kayo. Tunay na ang lupa ay sa kay Allāh; nagpapamana Siya nito sa sinumang niloloob Niya kabilang sa mga lingkod Niya. Ang kahihinatnan ay ukol sa mga tagapangilag magkasala."

(129) Nagsabi sila: "Sinaktan kami bago ka pa pumunta sa amin at nang matapos na dumating ka sa amin." Nagsabi siya: "Marahil ang Panginoon ninyo ay magpahamak sa kaaway ninyo at magpahalili sa inyo sa lupain para makakita Siya kung papaano kayong gumagawa."

(130) Talaga ngang dumaklot Kami sa angkan ni Paraon sa pamamagitan ng mga taon [ng tagtuyot] at isang kabawasan mula sa mga bunga, nang sa gayon sila ay magsasaalaala.

(131) Ngunit noong dumating sa kanila ang maganda ay nagsabi sila: "Ukol sa atin ito." Kung may tatama sa kanila na isang masagwa ay nag-uugnay sila ng kamalasan kay Moises at sa sinumang kasama sa kanya. Pansinin, ang kamalasan nila ay nasa ganang kay Allāh lamang subalit ang higit na marami sa kanila ay hindi nakaaalam.

(132) Nagsabi sila: "Anupaman ang ilahad mo sa amin na himala upang gumaway ka sa amin sa pamamagitan nito, hindi kami sa iyo mga mananampalataya."

(133) Kaya nagsugo Kami sa kanila ng baha, mga balang, mga kuto, mga palaka, at dugo bilang mga himalang nagdedetalye ngunit nagmalaki sila. Sila noon ay mga taong salarin.

(134) Noong bumagsak sa kanila ang pasakit ay nagsabi sila: "O Moises, manalangin ka para sa amin sa Panginoon mo sa pamamagitan ng ihinabilin Niya sa ganang iyo. Talagang kung nagpawi ka sa amin ng pasakit ay talagang sasampalataya nga kami sa iyo at talagang magpapadala nga kami kasama sa iyo ng mga anak ni Israel."

(135) Ngunit noong pumawi Kami sa kanila ng pasakit hanggang sa taning na sila ay aabot doon, biglang sila ay sumisira [sa pangako].

(136) Kaya naghiganti Kami sa kanila saka lumunod Kami sa kanila sa dagat dahil sila ay nagpasinungaling sa kanila sa mga tanda Namin at sila noon sa mga ito ay mga nalilingat.

(137) Ipinamana Namin sa mga taong dating sinisiil ang mga silangan ng lupain at ang mga kanluran nito, na nagbiyaya Kami sa mga ito. Nalubos ang napakagandang salita ng Panginoon mo sa mga anak ni Israel dahil nagtiis sila. Winasak Namin ang dating niyayari ni Paraon at ng mga tao niya at ang dati nilang ipinatatayo.

(138) Nagpalampas Kami sa mga anak ni Israel sa dagat saka napunta sila sa mga taong namimintuho sa mga anito para sa mga iyon. Nagsabi sila: "O Moises, gumawa ka para sa amin ng isang diyos kung paanong mayroon silang mga diyos." Nagsabi siya: "Tunay na kayo ay mga taong nagpapakamangmang."

(139) Tunay na ang mga ito ay dinurog ang anumang sila ay naroon at walang-kabuluhan ang anumang dati nilang ginagawa.

(140) Nagsabi siya: "Sa iba pa kay Allāh ba maghahangad ako sa inyo bilang Diyos samantalang Siya ay nagtangi sa inyo sa mga nilalang?"

(141) [Banggitin] noong pinaligtas Namin kayo mula sa angkan ni Paraon. Nagpapataw sila sa inyo ng kasagwaan ng pagdurusa: pinagpapatay nila ang mga lalaking anak ninyo at pinamumuhay nila ang mga babae ninyo. Sa gayon ay may isang pagsubok, mula sa Panginoon ninyo, na sukdulan.

(142) Nakipagtipan Kami kay Moises nang tatlumpong gabi at lumubos Kami sa mga ito sa [pagdagdag ng] sampu, kaya nalubos ang takdang oras ng Panginoon niya sa apatnapung gabi. Nagsabi si Moises sa kapatid niyang si Aaron: "Humalili ka sa akin sa mga tao ko, magsaayos ka, at huwag kang sumunod sa landas ng mga tagatiwali."

(143) Noong dumating si Moises para sa takdang oras at kumausap rito ang Panginoon nito ay nagsabi ito: "Panginoon ko, magpakita Ka sa akin, titingin ako sa Iyo." Nagsabi Siya: "Hindi ka makakikita sa Akin, subalit tumingin ka sa bundok sapagkat kung namalagi iyon sa lugar niyon ay makakikita ka sa Akin." Kaya noong lumantad ang Panginoon niya sa bundok ay ginawa Niya ito na isang patag. Bumagsak si Moises na hinimatay. Noong nagkamalay ito ay nagsabi ito: "Kaluwalhatian sa iyo! Nagbabalik-loob ako sa Iyo, at ako ay ang una sa mga mananampalataya."

(144) Nagsabi Siya: "O Moises, tunay na Ako ay humirang sa iyo sa mga tao sa mga pasugo Ko at sa pananalita Ko, kaya kunin mo ang ibinigay Ko sa iyo at maging kabilang ka sa mga tagapagpasalamat."

(145) Nagsulat Kami para sa kanya sa mga tablero ng bawat bagay bilang pangaral at pagdedetalye para sa bawat bagay, kaya kunin mo ang mga ito nang may lakas at ipag-utos mo sa mga tao mo na kumuha sila ng pinakamaganda sa mga ito. Ipakikita Ko sa inyo ang tahanan ng mga suwail.

(146) Maglilihis Ako palayo sa mga tanda Ko sa mga nagpapakamalaki sa lupa nang walang karapatan. Kung makakikita sila ng bawat tanda ay hindi sila sasampalataya rito. Kung makakikita sila ng landas ng pagkagabay ay hindi sila gagawa rito bilang landas. Kung makakikita sila ng landas ng pagkalisya ay gagawa sila rito bilang landas. Iyon ay dahil sila ay nagpasinungaling sa mga tanda Namin, at sila noon sa mga ito ay mga nalilingat.

(147) Ang mga nagpasinungaling sa mga tanda Namin at sa pakikipagkita sa Kabilang-buhay ay nawalang-kabuluhan ang mga gawa nila. Ginagantihan kaya sila ng maliban pa sa dati nilang ginagawa?

(148) Gumawa ang mga tao ni Moises, nang matapos [ng paglisan] niya, mula sa mga hiyas nila ng isang guyang rebulto na mayroon itong pag-unga. Hindi ba sila nakakita na ito ay hindi nagsasalita sa kanila at hindi pumapatnubay sa kanila sa isang landas? Gumawa sila nito habang sila noon ay mga tagalabag sa katarungan.

(149) Noong nagsisi sila at nakita nila na sila ay naligaw nga, nagsabi sila: "Talagang kung hindi naawa sa atin ang Panginoon Natin at nagpatawad sa atin, talagang tayo nga ay magiging kabilang sa mga lugi."

(150) Noong bumalik si Moises sa mga tao niya, na galit na galit na naghihinagpis, ay nagsabi siya: "Kay saklap ang ipinanghalili ninyo sa akin nang matapos [ng paglisan] ko. Nagmadali ba kayo sa nauukol sa Panginoon ninyo?" Itinapon niya ang mga tablero at dumaklot siya sa ulo ng kapatid niya, na hinihila ito patungo sa kanya. Nagsabi ito: "Anak ng ina ko, tunay na ang mga tao ay nagmahina sa akin. Sila ay halos papatay sa akin. Kaya huwag kang magpatuwa dahil sa akin sa mga kaaway at huwag kang maglagay sa akin kasama sa mga taong tagalabag sa katarungan."

(151) Nagsabi siya: "Panginoon ko, magpatawad Ka sa akin at sa kapatid ko at magpapasok Ka sa amin sa awa Mo. Ikaw ay ang pinakamaawain sa mga naaawa."

(152) Tunay na ang mga gumawa sa guya [bilang diyos] ay may aabot sa kanila na isang galit mula sa Panginoon nila at isang kaabahan sa buhay na pangmundo. Gayon Kami gumaganti sa mga tagagawa-gawa [ng kabulaanan].

(153) Ang mga gumawa ng mga masagwang gawa, pagkatapos nagbalik-loob nang matapos niyon at sumampalataya, tunay na ang Panginoon mo, nang matapos niyon, ay talagang Mapagpatawad, Maawain.

(154) Noong humupa kay Moises ang galit ay kinuha niya ang mga tablero. Sa nakatitik sa mga ito ay may patnubay at awa para sa kanila na sa Panginoon nila ay nangingilabot.

(155) Pumili si Moises sa mga tao niya ng pitumpung lalaki para sa takdang oras sa Amin, ngunit noong dumaklot sa kanila ang pagyanig ay nagsabi siya: "Panginoon ko, kung sakaling niloob Mo ay nagpahamak Ka sana sa kanila bago pa niyan at sa akin. Magpapahamak Ka ba sa amin dahil sa ginawa ng mga hunghang kabilang sa amin? Ito ay walang iba kundi pagsubok Mo, na nagliligaw Ka sa pamamagitan nito ng sinumang niloloob Mo at nagpapatnubay Ka sa sinumang niloloob Mo. Ikaw ay ang Katangkilik namin kaya magpatawad Ka sa Amin at maawa Ka sa amin. Ikaw ay ang pinakamainam sa mga tagapagpatawad.

(156) Magtakda Ka para sa amin sa Mundong ito ng isang maganda at sa Kabilang-buhay; tunay na kami ay nagbalik sa Iyo." Nagsabi Siya: "Ang pagdurusang dulot Ko ay pinatatama Ko sa sinumang niloloob Ko. Ang awa Ko ay sumakop sa bawat bagay kaya magtatakda Ako nito para sa mga nangingilag magkasala at nagbibigay ng zakāh, at sa kanila na sa mga tanda Namin ay sumasampalataya,

(157) na mga sumusunod sa Sugo na Propetang iliterato, na nakatatagpo sila sa kanya na nakasulat sa ganang kanila sa Torah at Ebanghelyo, na nag-uutos sa kanila sa nakabubuti, sumasaway sa kanila sa nakasasama, nagpapahintulot sa kanila ng mga kaaya-aya, nagbabawal sa kanila ng mga karima-rimarim, at nag-aalis sa kanila ng pabigat sa kanila at mga kulyar na dating nasa kanila. Kaya ang mga sumampalataya sa kanya, nagpitagan sa kanya, nag-adya sa kanya, at sumunod sa liwanag na pinababa kasama sa kanya, ang mga iyon ay ang mga magtatagumpay."

(158) Sabihin mo: "O mga tao, tunay na ako ay Sugo ni Allāh sa inyo sa kalahatan, na ukol sa Kanya ang paghahari sa mga langit at lupa. Walang Diyos kundi Siya; nagbibigay-buhay Siya at nagbibigay-kamatayan Siya. Kaya sumampalataya kayo kay Allāh at sa Sugo Niya, ang Propeta na iliterato, na sumasampalataya kay Allāh at sa mga salita Niya. Sumunod kayo sa kanya, nang sa gayon kayo ay mapapatnubayan."

(159) Kabilang sa nilikha Namin ay isang kalipunang nagpapatnubay ayon sa katotohanan at ayon dito ay nagpapatupad ng katarungan.

(160) Naghati-hati Kami sa kanila sa labindalawang lipi bilang mga kalipunan. Nagkasi Kami kay Moises noong humingi ng tubig sa kanya ang mga tao niya, [na nagsasabi]: "Humampas ka ng tungkod mo sa bato." Kaya may tumagas mula roon na labindalawang bukal. Nakaalam nga ang bawat [lipi ng] mga tao sa inuman nila. Naglilim Kami sa kanila ng mga ulap at nagpababa Kami sa kanila ng mana at mga pugo, [na nagsasabi]: "Kumain kayo mula sa mga kaaya-aya na itinustos Namin sa inyo." Hindi sila lumabag sa katarungan sa Amin, subalit sila noon sa mga sarili nila ay lumalabag sa katarungan.

(161) [Banggitin] noong sinabi sa kanila: "Tumahan kayo sa pamayanang ito, kumain kayo mula rito saanman ninyo loobin, magsabi kayo: 'Pag-aalis-sala,' at magsipasok kayo sa pinto na mga nakayukod; magpapatawad Kami sa inyo sa mga kamalian ninyo. Magdaragdag Kami sa mga tagagawa ng maganda."

(162) Ngunit nagpalit ang mga lumabag sa katarungan kabilang sa kanila ng isang sabing iba sa sinabi sa kanila, kaya nagsugo Kami sa kanila ng isang pasakit mula sa langit dahil sila noon ay lumalabag sa katarungan.

(163) Tanungin mo sila tungkol sa pamayanan, na iyon noon ay nasa tabi ng dagat, noong lumalabag sila sa Sabado, noong pumupunta sa kanila ang mga isda nila sa araw ng Sabado nila nang mga nakalitaw, samantalang sa araw na hindi sila nangingilin ay hindi pumupunta ang mga ito sa kanila. Gayon Kami sumusubok sa kanila dahil sila noon ay nagpapakasuwail.

(164) [Banggitin] noong may nagsabing isang kalipunan kabilang sa kanila: "Bakit kayo nangangaral sa mga tao na si Allāh ay magpapahamak sa mga iyon o magpaparusa sa mga iyon ng isang matinding pagdurusa?" ay nagsabi sila: "Upang mapawalang-sala sa Panginoon ninyo at nang sa gayon sila ay mangingilag magkasala."

(165) Kaya noong lumimot sila sa ipinaalaala sa kanila, pinaligtas Namin ang mga sumasaway sa kasagwaan at dumaklot Kami sa mga lumabag sa katarungan sa pamamagitan ng isang pagdurusang masaklap dahil dati silang nagpapakasuwail.

(166) Kaya noong nagtampalasan sila sa sinaway sa kanila ay nagsabi Kami sa kanila: "Kayo ay maging mga unggoy na ipinagtatabuyan."

(167) [Banggitin] noong nagpahayag ang Panginoon mo na talagang magpapadala nga Siya laban sa kanila hanggang sa Araw ng Pagbangon ng magpapataw sa kanila ng kasagwaan ng pagdurusa. Tunay na ang Panginoon mo ay talagang mabilis ang parusa, at tunay na Siya ay talagang Mapagpatawad, Maawain.

(168) Naghati-hati Kami sa kanila sa lupa bilang mga kalipunan. Kabilang sa kanila ang mga maayos at kabilang sa kanila ang mababa roon. Sumubok Kami sa kanila ng mga magandang gawa at mga masagwang gawa, nang sa gayon sila ay babalik.

(169) Saka may humalili, nang matapos nila, na mga kahalili na nagmana ng Kasulatan, na kumukuha ng alok ng pinakamababang at nagsasabi: "Magpapatawad sa atin." Kung may pumunta sa kanila na isang alok na tulad niyon ay kukuha sila niyon. Hindi ba kinuha sa kanila ang kasunduan ng Kasulatan na huwag sila magsabi tungkol kay Allāh maliban ng katotohanan, at nag-aral naman sila ng nasa loob nito? Ang tahanan sa Kabilang-buhay ay higit na mabuti para sa mga nangingilag magkasala, kaya hindi ba kayo nakapag-uunawa?

(170) Ang mga kumakapit sa Kasulatan at nagpapanatili ng pagdarasal, tunay na Kami ay hindi magwawala sa pabuya ng mga tagapagsaayos.

(171) [Banggitin] noong nag-angat Kami ng bundok sa ibabaw nila na para bang ito ay isang kulandong at nakatiyak sila na ito ay babagsak sa kanila. [Sinabi]: "Kunin ninyo ang ibinigay Namin sa inyo nang may lakas at tandaan ninyo ang nariyan, nang sa gayon kayo ay mangingilag magkasala."

(172) [Banggitin] noong kinuha ng Panginoon mo mula sa mga anak ni Adan mula sa mga likod nila ang mga supling nila at pinasaksi Niya sila sa mga sarili nila: "Hindi ba Ako ay Panginoon ninyo?" ay nagsabi sila: "Opo; sumaksi kami," upang hindi kayo magsabi sa Araw ng Pagbangon: "Tunay na Kami dati tungkol dito ay mga nalilingat,"

(173) o [upang hindi] kayo magsabi: "Nagtambal lamang ang mga ninuno namin bago pa niyan at kami dati ay mga supling nang matapos nila; kaya magpapahamak Ka ba sa amin dahil sa ginawa ng mga tagapagpabula?"

(174) Gayon Kami nagdedetalye ng mga tanda, at nang sa gayon sila ay babalik.

(175) Bumigkas ka sa kanila ng balita ng binigyan Namin ng mga tanda Namin ngunit kumalas siya sa mga ito kaya sumunod sa kanya ang demonyo, at siya ay naging kabilang sa mga nalilisya.

(176) Kung sakaling niloob Namin ay talaga sanang nag-angat Kami sa kanya sa pamamagitan ng mga [tandang] ito subalit siya ay nahilig sa lupa at sumunod sa pithaya niya. Kaya ang paghahalintulad sa kanya ay kahalintulad ng aso: kung dadaluhong ka rito ay maglalawit-lawit ng dila ito o [kung] mag-iiwan ka rito ay maglalawit-lawit ng dila ito. Iyon ang paghahalintulad sa mga taong nagpasinungaling sa mga tanda Namin. Kaya magsalaysay ka ng mga kasaysayan, nang sa gayon sila ay mag-iisip-isip.

(177) Kay sagwa bilang paghahalintulad ang mga taong nagpasinungaling sa mga tanda Namin, at sa mga sarili nila sila noon ay lumalabag sa katarungan!

(178) Ang sinumang pinapatnubayan ni Allāh, siya ang napapatnubayan. Ang sinumang pinaliligaw Niya, ang mga iyon ay ang mga lugi.

(179) Talaga ngang lumalang Kami para sa Impiyerno ng marami kabilang sa jinn at tao. Mayroon silang mga puso na hindi sila nakauunawa sa pamamagitan ng mga ito, mayroon silang mga mata na hindi sila nakakikita sa pamamagitan ng mga ito, at mayroon silang mga tainga na hindi sila nakaririnig sa pamamagitan ng mga ito. Ang mga iyon ay gaya ng mga hayupan, bagkus sila ay higit na ligaw. Ang mga iyon ay ang mga nalilingat.

(180) Taglay ni Allāh ang mga pangalang napakagaganda kaya dumalangin kayo sa Kanya sa pamamagitan ng mga ito. Hayaan ninyo ang mga sumisinsay sa mga pangalan Niya; gagantihan sila sa dati nilang ginagawa.

(181) Kabilang sa nilikha Namin ay isang kalipunang nagpapatnubay ayon sa katotohanan at ayon dito ay nagpapatupad ng katarungan.

(182) Ang mga nagpasinungaling sa mga tanda Namin ay magpapain Kami sa kanila mula sa kung saan hindi nila nalalaman.

(183) Magpapalugit Ako para sa kanila. Tunay na ang pakana Ko ay matibay.

(184) Hindi ba sila nag-isip-isip? Sa kasamahan nila ay walang anumang kabaliwan. Walang iba siya kundi isang mapagbabalang malinaw.

(185) Hindi ba sila tumingin sa kaharian ng mga langit at lupa at nilikha ni Allāh na bagay, at na marahil maging napalapit na ang taning nila? Kaya sa aling pag-uusap matapos nito sasampalataya sila?

(186) Ang sinumang pinaligaw ni Allāh ay walang tagapagpatnubay para sa kanya. Nagpapabaya Siya sa kanila sa pagmamalabis nila habang nag-aapuhap sila.

(187) Nagtatanong sila sa iyo tungkol sa Huling Sandali: Kailan ang pagdaong niyon? Sabihin mo: "Ang kaalaman dito ay nasa ganang Panginoon ko lamang; walang maglalantad dito para sa oras nito kundi Siya. Bumigat ito sa mga langit at lupa. Hindi ito pupunta sa inyo malibang biglaan." Nagtatanong sila sa iyo na para bang ikaw ay mausisa tungkol dito. Sabihin mo: "Ang kaalaman dito ay nasa Panginoon ko lamang, subalit ang higit na marami sa mga tao ay hindi nakaaalam."

(188) Sabihin mo: "Hindi ako nakapagdudulot para sa sarili ko ng pakinabang ni pinsala maliban sa niloob ni Allāh. Kung sakaling nangyaring ako ay nakaaalam sa Lingid, talaga sanang nakapagparami ako ng kabutihan at hindi sumaling sa akin ang kasagwaan. Walang iba ako kundi isang mapagbabala at isang mapagbalita ng nakagagalak para sa mga taong sumasampalataya."

(189) Siya ay ang lumikha sa inyo mula sa nag-iisang kaluluwa at gumawa Siya mula rito ng maybahay nito upang matiwasay ito roon. Kaya noong lumukob ito roon ay nagdala iyon ng isang magaang dala saka nagpatuloy iyon dito. Ngunit noong nabigatan iyon ay nanalangin ang dalawa sa Panginoon ng dalawa: "Talagang kung magbibigay Ka sa amin ng isang [anak na] maayos, talagang kami nga ay magiging kabilang sa mga tagapagpasalamat."

(190) Ngunit noong nagbigay Siya sa kanilang dalawa ng isang anak na maayos ay gumawa silang dalawa para sa Kanya ng mga katambal kaugnay sa ibinigay Niya sa kanilang dalawa, ngunit pagkataas-taas si Allāh kaysa sa anumang itinatambal nila.

(191) Nagtatambal ba sila ng hindi lumilikha ng anuman samantalang ang mga ito ay nililikha?

(192) Hindi nakakakaya ang mga ito para sa kanila ng isang pag-aadya, at hindi sa mga sarili ng mga ito nakapag-aadya ang mga ito.

(193) Kung mag-aanyaya kayo sa mga ito tungo sa patnubay ay hindi susunod ang mga ito sa inyo. Magkatulad sa inyo na nag-anyaya kayo sa mga ito o kayo ay mga nananahimik.

(194) Tunay na ang mga dinadalanginan ninyo bukod pa kay Allāh ay mga lingkod na mga tulad ninyo. Kaya dumalangin kayo saka tumugon sila sa inyo, kung kayo ay mga tapat.

(195) Mayroon ba silang mga paang naglalakad sila sa pamamagitan ng mga ito, o mayroon silang mga kamay na sumusunggab sila sa pamamagitan ng mga ito, o mayroon silang mga matang nakakikita sila sa pamamagitan ng mga ito, o mayroon silang mga taingang nakaririnig sila sa pamamagitan ng mga ito? Sabihin mo: "Dumalangin kayo sa mga pantambal ninyo, pagkatapos magpakana kayo sa akin saka huwag kayong magpaliban sa akin."

(196) Tunay na ang Katangkilik ko ay si Allāh na nagbaba ng Aklat. Siya ay tumatangkilik sa mga maayos.

(197) Ang mga dinadalanginan ninyo bukod pa sa Kanya ay hindi nakakakaya ng pag-aadya sa inyo at hindi sa mga sarili nila nag-aadya.

(198) Kung mag-aanyaya kayo sa kanila sa patnubay ay hindi sila makaririnig. Nakakikita ka sa kanila na tumitingin sa iyo samantalang sila ay hindi nakakikita.

(199) Tumanggap ka ng paumanhin, mag-utos ka ng nakabubuti, at umayaw ka sa mga mangmang.

(200) Kung may magbubuyo nga sa iyo mula sa demonyo na isang pambubuyo ay humiling ka ng pagkukupkop ni Allāh. Tunay na Siya ay Madinigin, Maalam.

(201) Tunay na ang mga nangilag magkasala, kapag may sumaling sa kanila na isang udyok mula sa demonyo ay nagsasaalaala sila kaya biglang sila ay mga nakakikita.

(202) Ang mga kapatid nila ay umaayuda sa kanila sa pagkalisya, pagkatapos hindi nagkukulang.

(203) Kapag hindi ka naglahad sa kanila ng isang tanda ay nagsasabi sila: "Bakit kasi hindi ka kumatha-katha nito." Sabihin mo: "Sumusunod lamang ako sa ikinakasi sa akin mula sa Panginoon ko. Ito ay mga pagkawari mula sa Panginoon ninyo, isang patnubay, at isang awa para sa mga taong sumasampalataya."

(204) Kapag binigkas ang Qur’ān ay makinig kayo roon at manahimik kayo, nang sa gayon kayo ay kaaawaan.

(205) Alalahanin mo ang Panginoon mo sa sarili mo nang may pagpapakumbaba at pangamba at walang kalakasan sa pagsasabi, sa mga umaga at mga hapon, at huwag kang maging kabilang sa mga nalilingat.

(206) Tunay na ang mga [anghel] sa piling ng Panginoon mo ay hindi nagmamalaki [sa pagtanggi] sa pagsamba sa Kanya, nagluluwalhati sa Kanya, at sa Kanya nagpapatirapa.

<     >