<     >  

20 - Taa-Haa ()

|

(1) Ṭā. Hā.

(2) Hindi Kami nagpababa sa iyo ng Qur'ān upang lumumbay ka,

(3) malibang bilang pagpapaalaala para sa sinumang natatakot,

(4) isang pagbababa [ng kasi] mula sa lumikha ng lupa at mga langit na pinakamatataas.

(5) Ang Napakamaawain ay sa trono lumuklok.

(6) Sa Kanya ang anumang nasa mga langit, ang anumang nasa lupa, ang anumang nasa pagitan ng mga ito, at ang anumang nasa ilalim ng alabok.

(7) Kung maglalantad ka ng sasabihin, tunay na Siya ay nakaaalam sa lihim at sa higit na kubli.

(8) Si Allāh ay walang Diyos kundi Siya. Ukol sa Kanya ang mga pangalang pinakamagaganda.

(9) Nakarating kaya sa iyo ang sanaysay kay Moises?

(10) Noong nakakita siya ng isang apoy ay nagsabi siya sa mag-anak niya: "Mamalagi kayo; tunay na ako ay nakatanaw ng isang apoy. Harinawa ako ay makapaghahatid sa inyo mula roon ng isang pamparikit o makatagpo ako sa apoy ng isang patnubay."

(11) Kaya noong nakapunta siya roon ay tinawag siya: "O Moises,

(12) tunay na Ako ay ang Panginoon mo. Kaya maghubad ka ng mga panyapak mo; tunay na ikaw ay nasa pinabanal na lambak ng Ṭuwā.

(13) Ako ay pumili sa iyo kaya makinig ka sa ikakasi:

(14) Tunay na Ako ay si Allāh; walang Diyos kundi Ako, kaya sumamba ka sa Akin at magpanatili ka sa pagdarasal para sa pag-alaala sa Akin.

(15) Tunay na ang Huling Sandali ay darating. Halos ako ay magkubli nito upang gantimpalaan ang bawat kaluluwa sa anumang ipinagpunyagi nito.

(16) Kaya huwag ngang bumalakid sa iyo palayo roon ang sinumang hindi sumasampalataya roon at sumunod sa pithaya niya para [hindi] ka mapahamak.

(17) Ano yaong nasa kanang kamay mo, O Moises?"

(18) Nagsabi ito: "Ito ay tungkod ko; sumasandal ako rito at nagpapalagas ako [ng mga dahon] sa pamamagitan nito para sa mga tupa ko. Mayroon ako ritong mga pinaggagamitang iba pa."

(19) Nagsabi Siya: "Ihagis mo iyan, O Moises."

(20) Kaya inihagis nito iyon saka biglang iyon ay naging isang ahas na sumisibad.

(21) Nagsabi Siya: "Kunin mo iyan at huwag kang mangamba; magpapanumbalik Kami riyan sa unang lagay niyan.

(22) Idikit mo ang kamay mo sa tagiliran mo, lalabas itong maputi na walang batik bilang isa pang tanda,

(23) upang magpakita Kami sa iyo ng ilan sa mga tanda Naming pinakamalalaki.

(24) Pumunta ka kay Paraon; tunay na siya ay nagpakalabis."

(25) Nagsabi ito: "Panginoon ko, magpaluwag Ka para sa akin ng dibdib ko;

(26) magpadali Ka para sa akin ng nauukol sa akin;

(27) magkalag Ka ng buhol mula sa dila ko,

(28) makauunawa sila sa sasabihin ko;

(29) gumawa Ka para sa akin ng isang katuwang mula sa mag-anak ko,

(30) si Aaron na kapatid ko;

(31) magpatindi Ka sa pamamagitan niya ng lakas ko;

(32) at magpalahok Ka sa kanya sa nauukol sa akin

(33) upang magluwalhati kami sa Iyo nang madalas

(34) at umalaala kami sa Iyo nang madalas.

(35) Tunay na Ikaw, laging sa amin, ay Nakakikita."

(36) Nagsabi Siya: "Binigyan ka nga ng hiling mo, O Moises.

(37) Talaga ngang nagmagandang-loob Kami sa iyo sa isa pang pagkakataon,

(38) noong nagkasi Kami sa ina mo ng ikinakasi,

(39) na [nagsasabi]: 'Maghagis ka sa kanya sa baul saka maghagis ka nito sa ilog saka magtapon nito ang ilog sa pampang, kukunin siya ng isang kaaway para sa Akin at isang kaaway para sa kanya.' Nag-ukol Ako sa iyo ng isang pag-ibig mula sa Akin at upang mahubog ka sa ilalim ng mata Ko."

(40) [Nagmagandang-loob sa iyo] noong pumunta ang babaing kapatid mo saka nagsabi: "Gagabay po kaya ako sa inyo sa mag-aaruga sa kanya?" Kaya nagpabalik Kami sa iyo sa ina mo upang magalak ang mata nito at hindi ito malungkot. Pumatay ka ng isang tao ngunit nagligtas Kami sa iyo mula sa dalamhati at sumubok Kami sa iyo ng isang pagsubok saka namalagi ka ng mga taon sa mga mamamayan ng Madyan. Pagkatapos dumating ka [rito] sa takdang [panahon], O Moises.

(41) Humalal Ako sa iyo para sa sarili Ko.

(42) Pumunta ka mismo at ang kapatid mo kalakip ng mga tanda Ko at huwag kayong dalawang lumubay sa pag-alaala sa Akin.

(43) Pumunta kayong dalawa kay Paraon; tunay na siya ay nagmalabis.

(44) Saka magsabi kayong dalawa sa kanya ng isang pagsasabing banayad nang sa gayon siya ay magsasaalaala o matatakot.

(45) Nagsabi silang dalawa: "Panginoon namin, tunay na kami ay nangangamba na magdali-dali siya [sa pagpaparusa] sa amin o magmalabis siya."

(46) Nagsabi Siya: "Huwag kayong dalawang mangamba. Tunay na Ako ay kasama sa inyong dalawa; nakaririnig Ako at nakakikita Ako.

(47) Kaya pumunta kayong dalawa sa kanya saka magsabi kayong dalawa sa kanya: 'Tunay na kami ay dalawang sugo ng Panginoon mo kaya ipadala mo kasama sa amin ang mga anak ni Israel at huwag mo silang pagdusahin. Naghatid nga kami sa iyo ng isang tanda mula sa Panginoon mo. Ang kapayapaan ay sa sinumang sumunod sa patnubay.

(48) Tunay na kami ay kinasihan nga na ang pagdurusa ay sa sinumang nagpasinungaling at tumalikod."

(49) Nagsabi ito: "Kaya sino ang Panginoon ninyong dalawa, O Moises?"

(50) Nagsabi siya: "Ang Panginoon namin ay ang nagbigay sa bawat bagay ng kaanyuan nito, pagkatapos nagpatnubay."

(51) Nagsabi ito: "Kaya paano naman ang lagay ng mga salinlahing una?"

(52) Nagsabi siya: "Ang kaalaman doon ay nasa ganang Panginoon ko sa isang talaan. Hindi naliligaw ang Panginoon ko at hindi Siya nakalilimot.

(53) [Siya] ang gumawa para sa inyo ng lupa bilang nakalatag, nagsingit para sa inyo rito ng mga landas, at nagpababa mula sa langit ng tubig." Kaya nagpalabas sa pamamagitan nito ng mga kaurian ng halamang sarisari.

(54) Kumain kayo at magpastol kayo ng mga hayupan ninyo. Tunay na sa gayon ay talagang may mga tanda para sa mga may katinuan.

(55) Mula rito lumikha Kami sa inyo, dito magpapanumbalik Kami sa inyo, at mula rito magpapalabas Kami sa inyo sa isang pagkakataong iba pa.

(56) Talaga ngang nagpakita Kami sa kanya ng mga tanda Namin sa kabuuan ng mga ito ngunit nagpasinungaling siya at tumanggi siya.

(57) Nagsabi ito: "Dumating ka ba sa amin upang magpalabas ka sa amin mula sa lupain namin sa pamamagitan ng panggagaway mo, O Moises?

(58) Kaya talagang magdadala nga kami sa iyo ng isang panggagaway tulad niyon. Kaya gumawa ka sa pagitan namin at ninyo ng isang tipanang hindi sisira niyon kami ni kayo sa isang pook na kalagitnaan."

(59) Nagsabi siya: "Ang tipanan ninyo ay ang araw ng gayak at na kalapin ang mga tao sa gitnang-umaga."

(60) Kaya tumalikod si Paraon saka bumuo ito ng pakana nito, pagkatapos pumunta ito.

(61) Nagsabi sa kanila si Moises: "Kapighatian sa inyo! Huwag kayong gumawa-gawa laban kay Allāh ng isang kasinungalingan sapagkat pupuksa Siya sa inyo sa pamamagitan ng isang pagdurusa. Nabigo nga ang sinumang gumawa-gawa."

(62) Kaya naghidwaan sila sa nauukol sa kanila sa pagitan nila at naglihim sila ng sarilinang pag-uusap.

(63) Nagsabi sila: "Tunay na ang dalawang ito ay talagang dalawang manggagaway na nagnanais na magpalabas sa inyo mula sa lupain ninyo sa pamamagitan ng panggagaway nilang dalawa at mag-alis sa pamamaraan ninyong pinakauliran.

(64) Kaya magkaisa kayo sa pakana ninyo, pagkatapos pumunta kayo nang pahanay. Nagtagumpay nga sa araw na ito ang nangibabaw."

(65) Nagsabi sila: "O Moises, maaaring pumukol ka o maaaring maging kami ang una sa pupukol."

(66) Nagsabi siya: "Bagkus pumukol kayo." Kaya biglang ang mga lubid nila at ang mga tungkod nila ay ginuniguni sa kanya, dahil sa panggagaway nila, na ang mga ito ay sumisibad.

(67) Kaya nakadama sa sarili niya ng isang pangangamba si Moises.

(68) Nagsabi Kami: "Huwag kang mangamba; tunay na ikaw ay ang pinakamataas."

(69) Magpukol ka ng nasa kanang kamay mo, lalamon ito sa niyari nila. Yumari lamang sila ng isang pakana ng isang manggagaway at hindi nagtatagumpay ang manggagaway saanman siya pumunta.

(70) Kaya napahandusay ang mga manggagaway na mga nakapatirapa. Nagsabi sila: "Sumampalataya kami sa Panginoon nina Aaron at Moises."

(71) Nagsabi ito: "Naniwala kayo sa kanya bago ako magpahintulot sa inyo. Tunay na siya ay talagang ang pasimuno ninyo na nagturo sa inyo ng panggagaway. Kaya talagang magpuputul-putol nga ako ng mga kamay ninyo at mga paa ninyo nang kabilaan, talagang magbibitin nga ako sa inyo sa mga puno ng mga datiles, at talagang makaaalam nga kayo kung alin sa atin ang higit na matindi sa [pagdudulot ng] pagdurusa at higit na nananatili."

(72) Nagsabi sila: "Hindi kami magtatangi sa iyo higit sa dumating sa amin na mga malinaw na patunay at [higit] sa lumalang sa amin. Kaya magtadhana ka ng anumang ikaw ay magtatadhana. Nagtatadhana ka lamang sa buhay na ito sa Mundo.

(73) Tunay na kami ay sumampalataya sa Panginoon namin upang magpatawad Siya sa amin sa mga kamalian namin at sa ipinilit mo sa amin na panggagaway. Si Allāh ay higit na mabuti at higit na nananatili."

(74) Tunay na ang sinumang pumunta sa Panginoon niya bilang salarin, tunay na ukol sa kanya ay Impiyerno. Hindi siya mamamatay roon at hindi mabubuhay.

(75) Ang sinumang pumunta sa Kanya bilang mananampalataya ay gumawa nga ng mga maayos na gawa. Kaya ang mga iyon ay ukol sa kanila ang mga antas na pinakamatataas:

(76) ang mga hardin ng Eden na dumadaloy mula sa ilalim ng mga ito ang mga ilog bilang mga mananatili sa mga ito. Iyon ay ang ganti sa sinumang nagpakadalisay.

(77) Talaga ngang nagkasi Kami kay Moises, na [nagsasabi]: "Maglakbay ka sa gabi kasama ng mga lingkod ko saka gumawa ka para sa kanila ng isang tuyong daan sa dagat; huwag kang mangamba sa pagkaabot at huwag kang matakot."

(78) Kaya nagpasunod sa kanila si Paraon ng mga kawal niya saka bumalot sa kanila mula sa dagat ang bumalot sa kanila.

(79) Nagligaw si Paraon sa mga tao niya at hindi nagpatnubay.

(80) O mga anak ni Israel, nagligtas nga Kami sa inyo mula sa kaaway ninyo, nakipagtipan Kami sa inyo sa kanang gilid ng bundok, at nagbaba Kami sa inyo ng manna at pugo.

(81) Kumain kayo mula sa mga kaaya-aya na itinustos Namin sa inyo at huwag kayong magmalabis dito para [hindi] dumapo sa inyo ang galit Ko. Ang sinumang dumapo sa kanya ang galit Ko ay napariwara nga.

(82) Tunay na Ako ay talagang Palapatawad para sa sinumang nagbalik-loob, sumampalataya, at gumawa ng maayos, pagkatapos napatnubayan.

(83) Ano ang nagpamadali sa iyo palayo sa mga tao mo, O Moises?

(84) Nagsabi ito: "Sila itong nasa bakas ko at nagmadali ako tungo sa iyo, Panginoon ko, upang malugod Ka."

(85) Nagsabi Siya: "Ngunit tunay na Kami ay sumulit nga sa mga tao mo noong matapos mo, at nagligaw sa kanila ang Sāmirīy."

(86) Kaya bumalik si Moises sa mga tao niya na galit na naghihinagpis. Nagsabi ito: "O mga tao ko, hindi ba nangako sa inyo ang Panginoon ninyo ng isang pangakong maganda? Kaya tumagal ba sa inyo ang panahon o nagnais kayo na may dumapo sa inyo na isang galit mula sa Panginoon ninyo kaya sumira kayo sa naipangako sa akin?"

(87) Nagsabi sila: "Hindi kami sumira sa ipinangako sa iyo dahil sa pagkukusa namin subalit kami ay pinagdala ng mga pasanin mula sa mga gayak ng mga tao kaya itinapon namin ang mga ito [sa isang hukay] saka gayon pumukol ang Sāmirīy."

(88) Saka nagpalabas siya para sa kanila ng isang guyang rebulto na mayroon itong pag-unga saka nagsabi sila: "Ito ay diyos ninyo at diyos ni Moises, ngunit nakalimot siya."

(89) Kaya hindi ba sila nakakikita na hindi ito nagbabalik sa kanila ng isang pagsasabi at hindi nakapagdudulot para sa kanila ng isang pinsala ni isang pakinabang?

(90) Talaga ngang nagsabi sa kanila si Aaron bago pa niyan: "O mga tao ko, sinulit lamang kayo sa pamamagitan nito. Tunay na ang Panginoon ninyo ay ang Napakamaawain kaya sumunod kayo sa akin at tumalima kayo sa utos ko."

(91) Nagsabi sila: "Hindi kami hihinto rito bilang mga namimintuho hanggang sa bumalik sa amin si Moises."

(92) Nagsabi siya: "O Aaron, ano ang pumigil sa iyo, noong nakakita ka sa kanila na naligaw,

(93) na hindi ka sumunod sa akin? Kaya sumuway ka ba sa utos ko?"

(94) Nagsabi ito: "O anak ng ina ko, huwag kang dumaklot sa balbas ko ni sa ulo ko. Tunay na ako ay natakot na magsabi ka: 'Naghati-hati ka sa pagitan ng mga anak ni Israel at hindi ka nag-abang sa sasabihin ko.'"

(95) Nagsabi siya: "Kaya ano ang pakay mo, O Sāmirīy?"

(96) Nagsabi ito: "Nakakita ako ng hindi nila nakita kaya dumakot ako ng isang dakot mula sa bakas ng sugo at ihinagis ko iyon. Gayon humalina sa akin ang sarili ko."

(97) Nagsabi siya: "Kaya umalis ka sapagkat tunay na ukol sa iyo sa buhay na magsabi ka: 'Walang pananaling!' Tunay na ukol sa iyo ay isang ipinangako na hindi sisirain sa iyo. Tumingin ka sa diyos mo na namalagi ka riyan bilang namimintuho, talagang susunugin nga namin iyan, pagkatapos talagang isasabog nga namin iyan sa dagat sa isang pagsasabog.

(98) Tanging ang Diyos ninyo ay si Allāh na walang Diyos kundi Siya. Sumakop Siya sa bawat bagay sa kaalaman.

(99) Gayon Kami nagsasalaysay sa iyo ng ilan sa mga balita ng nauna na. Nagbigay nga Kami mula sa nasa Amin ng isang paalaala.

(100) Ang sinumang umayaw rito, tunay na siya ay magpapasan sa Araw ng Pagbangon ng isang pabigat,

(101) bilang mga mananatili roon. Kay sagwa ito sa para sa kanila sa Araw ng Pagbangon bilang pasanin!

(102) Sa Araw na iihip sa tambuli at kakalap Kami sa mga salarin sa Araw na iyon habang [may matang] bughaw.

(103) Magbubulungan sila sa gitna nila: "Hindi kayo namalagi kundi nang sampung [gabi]."

(104) Kami ay higit na maalam sa sinasabi nila noong nagsasabi ang pinakamagaling sa kanila sa pamamaraan: "Hindi kayo namalagi kundi nang isang araw."

(105) Nagtatanong sila sa iyo tungkol sa mga bundok kaya sabihin mo: "Isasabog ang mga ito ng Panginoon ko sa isang pagsasabog.

(106) Hahayaan Niya ang mga ito na maging kapatagang pantay.

(107) Hindi ka makakikita roon ng isang lubak ni isang umbok."

(108) Sa Araw na iyon susundan nila ang tagapag-anyaya nang walang paglihis sa kanya at magpapakumbaba ang mga tinig para sa Napakamaawain kaya wala kang maririnig kundi isang bulong.

(109) Sa Araw na iyon ay hindi magpapakinabang ang pamamagitan maliban sa sinumang nagpahintulot doon ang Napakamaawain at nalugod Siya roon sa sinasabi.

(110) Nakaaalam Siya sa anumang nasa pagitan ng mga kamay nila at anumang nasa likuran nila habang hindi sila nakasasaklaw sa Kanya sa kaalaman.

(111) Nagpakumbaba ang mga mukha sa Buhay na Mapagpanatili samantalang nabigo nga ang sinumang nagpasan ng isang kawalang-katarungan.

(112) Ang sinumang gumagawa ng ilan sa mga maayos samantalang siya ay mananampalataya, hindi siya mangangamba sa isang kawalang-katarungan ni isang pang-aapi.

(113) Gayon Kami nagpababa ng isang Qur'ān na Arabe at nagdetalye Kami rito ng banta nang sa gayon sila ay mangingilag magkasala o magsasanhi ito sa kanila ng isang pag-aalaala.

(114) Kaya pagkataas-taas si Allāh, ang Haring Totoo. Huwag kang magmadali sa pagbigkas ng Qur'ān bago pa matapos sa iyo ang pagkasi nito at magsabi ka: "Panginoon ko magdagdag Ka sa akin ng kaalaman."

(115) Talaga ngang naghabilin Kami kay Adan bago pa niyan ngunit nakalimot siya at hindi Kami nakatagpo sa kanya ng pagtitika.

(116) [Banggitin] noong nagsabi Kami sa mga anghel: "Magpatirapa kayo kay Adan," kaya nagpatirapa naman sila maliban si Satanas; tumanggi ito.

(117) Kaya nagsabi Kami: "O Adan, tunay na ito ay isang kaaway para sa iyo at para sa asawa mo; kaya huwag nga siyang magpapalabas sa inyong dalawa mula sa hardin para malumbay ka."

(118) Tunay na ukol sa iyo na hindi ka magutom dito at hindi ka maghubad,

(119) at na ikaw ay hindi mauuhaw rito at hindi mainitan.

(120) Ngunit nagpasaring sa kanya ang demonyo. Nagsabi ito: "O Adan, gagabay kaya ako sa iyo sa Punong-kahoy ng Kawalang-hanggan at isang kahariang hindi nalalaspag?"

(121) Kaya kumain silang dalawa mula roon, saka lumitaw sa kanilang dalawa ang kahubaran nilang dalawa. Nagsimula silang dalawa na nagtatakip sa kanilang dalawa ng mga dahon ng hardin. Sumuway si Adan sa Panginoon niya kaya nalisya siya.

(122) Pagkatapos humalal sa kanya ang Panginoon niya saka tumatanggap sa pagbabalik-loob niya at nagpatnubay.

(123) Nagsabi Siya: "Lumapag kayong dalawa mula rito sa kalahatan. Ang iba sa inyo sa iba pa ay kaaway. Kaya kung may pumunta nga sa inyo mula sa Akin na isang patnubay, ang sinumang sumunod sa patnubay Ko ay hindi maliligaw at hindi malulumbay."

(124) Ang sinumang umayaw sa pag-aalaala sa Akin, tunay na ukol sa kanya ay isang pamumuhay na hikahos. Kakalap Kami sa kanya sa Araw ng Pagbangon na isang bulag.

(125) Magsasabi ito: "Panginoon ko, bakit Ka kumalap sa akin na isang bulag samantalang ako nga dati ay isang nakakikita?"

(126) Magsasabi Siya: "Gayon pumunta sa iyo ang mga tanda Namin saka lumimot ka sa mga iyon. Gayon ngayong Araw lilimutin ka."

(127) Gayon Kami gaganti sa sinumang nagpakalabis at hindi sumampalataya sa mga tanda ng Panginoon niya. Talagang ang pagdurusa sa Kabilang-buhay ay higit na matindi at higit na nananatili.

(128) Kaya hindi ba napaglinawan para sa kanila kung ilan ang ipinahamak Namin bago nila na mga salinlahi habang naglalakad ang mga iyon sa mga tirahan ng mga iyon? Tunay na sa gayon ay talagang may mga tanda para sa mga may katinuan.

(129) Kung hindi dahil sa isang salitang nauna mula sa Panginoon mo, talaga sanang ito ay naging kinakailangan, at [kung hindi rin dahil sa] isang taning na tinukoy.

(130) Kaya magtiis ka sa anumang sinasabi nila at magluwalhati ka kalakip ng papuri sa Panginoon mo bago ng pagsikat ng araw at bago ng paglubog nito; at mula sa mga bahagi ng gabi ay magluwalhati ka at sa mga dulo ng maghapon, nang sa gayon ikaw ay malulugod.

(131) Huwag ka ngang magpaabot ng mga mata tungo sa ipinatamasa Namin sa mga kaurian kabilang sa kanila bilang karangyaan ng buhay na pangmundo upang sumulit Kami sa kanila roon. Ang panustos ng Panginoon mo ay higit na mabuti at higit na nananatili.

(132) Mag-utos ka sa mag-anak mo ng pagdarasal at magpakamatiisin ka rito. Hindi Kami humihingi sa iyo ng isang panustos; Kami ay tumutustos sa iyo. Ang [pinapupurihang] kahihinatnan ay ukol sa [mga may] pangingilag magkasala.

(133) Nagsabi sila: "Bakit kaya hindi siya nagdala sa atin ng isang tanda mula sa Panginoon niya? Hindi ba pumunta sa kanila ang malinaw na patunay ng nasa mga unang kalatas?"

(134) Kung sakaling Kami ay nagpahamak sa kanila sa pamamagitan ng isang pagdurusa bago pa niya ay talagang magsasabi sila: "Panginoon namin, bakit kaya hindi Ka nagsugo sa amin ng isang sugo para sumunod kami sa mga tanda Mo bago pa na maaba kami at mapahiya kami?"

(135) Sabihin mo: "Bawat [isa] ay nag-aantabay; kaya mag-antabay kayo sapagkat makaaalam kayo kung sino ang mga kasamahan sa landasing matuwid at kung sino ang napatnubayan."

<     >