<     >  

27 - An-Naml ()

|

(1) Ṭā’. Sīn. Ang mga ito ay ang mga talata ng Qur’ān at ng isang Aklat na malinaw

(2) bilang patnubay at bilang balitang nakagagalak para sa mga mananampalataya,

(3) na mga nagpapanatili ng pagdarasal at nagbibigay ng zakāh, at sila sa Kabilang-buhay, sila ay nakatitiyak.

(4) Tunay na ang mga hindi sumasampalataya sa Kabilang-buhay ay ipinang-akit Namin para sa kanila ang mga gawain nila kaya naman nag-aapuhap sila.

(5) Ang mga iyon ay ang mga ukol sa kanila ang kasagwaan ng pagdurusa; at sila sa Kabilang-buhay, sila ay ang mga pinakalugi.

(6) Tunay na ikaw ay talagang ginagawaran ng Qur’ān mula sa panig ng Marunong, Maalam.

(7) [Banggitin] noong nagsabi si Moises sa mag-anak niya: "Tunay na ako ay nakatanaw ng apoy. Magdadala ako sa inyo mula roon ng isang balita o magdadala ako sa inyo ng isang ningas na pamparikit, nang sa gayon kayo ay makapagpapainit.

(8) Ngunit noong dumating siya roon, tinawag siya: "Pinagpala ang sinumang nasa apoy at ang sinumang nasa paligid nito." Kaluwalhatian kay Allāh, ang Panginoon ng mga nilalang!

(9) [Nagsabi si Allāh]: "O Moises, tunay na Ako ay si Allāh, ang Makapangyarihan, ang Marunong.

(10) Pumukol ka ng tungkod mo." Ngunit noong nakita niya ito na kumikislut-kislot na para bang ito ay isang ahas, tumalikod siya habang tumatakas at hindi bumalik [sa dinaanan. Sinabi]: "O Moises, huwag kang mangamba. Tunay na Ako ay hindi pinangangambahan, sa harap Ko, ng mga isinugo,

(11) maliban sa sinumang lumabag sa katarungan, pagkatapos nagpalit ng isang kagandahan matapos ng isang kasagwaan. Tunay na Ako ay Mapagpatawad, Maawain.

(12) Ipasok mo ang kamay mo sa eskotadura mo, lalabas ito na maputi na walang sakit. Iyapos mo sa iyo ang kamay mo laban sa sindak. [Ito ay] nasa siyam na tanda para kay Paraon at mga tao niya. Tunay na sila ay mga taong suwail."

(13) Ngunit noong dumating sa kanila ang mga tanda Namin, na nagbibigay-paningin, ay nagsabi sila: "Ito ay isang panggagaway na malinaw."

(14) Nagkaila sila sa mga ito – samantalang tumiyak sa mga ito ang mga sarili nila – bilang paglabag sa katarungan at bilang pagmamataas. Kaya tumingin ka kung papaano naging ang kinahinatnan ng mga tagagulo.

(15) Talaga ngang nagbigay Kami kina David at Solomon ng kaalaman. Nagsabi silang dalawa: "Ang papuri ay ukol kay Allāh na nagtangi sa amin higit sa marami sa mga lingkod Niyang mga mananampalataya."

(16) Nagmana si Solomon kay David at nagsabi: "O mga tao, tinuruan kami ng pagbigkas ng mga ibon at binigyan kami mula sa bawat bagay. Tunay na ito ay talagang ang kabutihang-loob na malinaw."

(17) Kinalap para kay Solomon ang mga kawal niya mula sa jinn, tao, at ibon, saka sila ay hinahanay.

(18) Hanggang sa nang nakapunta sila sa lambak ng mga langgam, may nagsabing isang langgam: "O mga langgam, magsipasok kayo sa mga tirahan ninyo; huwag nga dumudurog sa inyo si Solomon at ang mga kawal niya habang sila ay hindi nakadarama."

(19) Kaya ngumiti-ngiti si Solomon na natatawa sa sabi niyon at nagsabi siya: "Panginoon ko, mag-udyok Ka sa akin na magpasalamat ako sa biyaya Mong ibiniyaya Mo sa akin at sa ama ko at na gumawa ako ng maayos na kinalulugdan Mo, at magpapasok Ka sa akin, sa pamamagitan ng awa Mo, sa mga lingkod Mong mga maayos."

(20) Nagsiyasat siya sa mga ibon saka nagsabi siya: "Ano ang mayroon sa akin na hindi ako nakakikita sa abubilya, o siya ay naging kabilang sa mga lumiliban?

(21) Talagang pagdurusahin ko nga siya ng isang pagdurusang matindi, o talagang kakatayin ko nga siya, o talagang magdadala nga siya sa akin ng isang katunayang malinaw."

(22) Kaya namalagi ito nang hindi malayo saka nagsabi ito: "Nakasaklaw ako sa hindi ka nakasaklaw at naghatid ako sa iyo mula sa Sheba ng isang balitang tiyak.

(23) Tunay na ako ay nakatagpo ng isang babaing naghahari sa kanila, nabigyan mula sa bawat bagay, at mayroon siyang isang tronong dakila.

(24) Nakatagpo ako sa kanya at mga tao niya na nagpapatirapa sa araw bukod pa kay Allāh. Ipinaakit sa kanila ng demonyo ang mga gawa nila – saka bumalakid iyon sa kanila sa landas kaya sila ay hindi napapatnubayan –

(25) upang hindi sila magpatirapa kay Allāh na nagpapalabas ng nakatago sa mga langit at lupa at nakaaalam sa anumang ikinukubli nila at anumang inihahayag nila.

(26) Si Allāh – walang Diyos kundi Siya – ay ang Panginoon ng tronong dakila."

(27) Nagsabi siya: "Titingin kami kung nagtotoo ka ba o ikaw ay naging kabilang sa mga sinungaling.

(28) Umalis ka kalakip ng sulat kong ito at magpahatid ka nito sa kanila. Pagkatapos tumalikod ka palayo sa kanila saka tumingin ka kung ano ang [sagot na] ibabalik nila."

(29) Nagsabi siya: "O konseho, tunay na ako ay pinadalhan ng isang liham na marangal.

(30) Tunay na ito ay mula kay Solomon at tunay na ito ay sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain,

(31) na [nagsasaad]: Huwag kayong magmataas sa akin at pumunta kayo sa akin bilang mga tagapagpasakop."

(32) Nagsabi siya: "O konseho, maghabilin kayo sa akin sa usapin ko. Hindi nangyaring ako ay magpapasya ng isang usapin hanggang sa sumaksi kayo sa akin."

(33) Nagsabi sila: "Tayo ay mga may lakas na matindi at ang usapin ay nasa iyo, kaya tumingin ka kung ano ang ipag-uutos mo."

(34) Nagsabi siya: "Tunay na ang mga hari, kapag pumasok sila sa isang pamayanan, ay nanggugulo roon at gumagawa sa mga kamahal-mahalan sa mga naninirahan doon bilang mga kaaba-aba. Gayon sila gumawa.

(35) Tunay na ako ay magsusugo sa kanila kalakip ng isang regalo saka titingin sa kung ano [sagot na] ibabalik ng mga isinugo.

(36) Kaya noong dumating [ang sugo] kay Solomon ay nagsabi siya: "Mag-aayuda ba kayo sa akin ng yaman gayong ang ibinigay sa akin ni Allāh ay higit na mabuti kaysa sa ibinigay Niya sa inyo? Bagkus kayo sa regalo ninyo ay natutuwa.

(37) Bumalik ka sa kanila sapagkat talagang magdadala nga kami sa kanila ng mga kawal na walang lakas sa kanila laban sa mga ito at talagang magpapalabas nga Kami sa kanila mula roon bilang mga kaaba-aba habang sila ay mga nanliliit.

(38) Nagsabi siya: "O konseho, alin sa inyo ang magdadala sa akin ng trono niya bago sila pumunta sa aking bilang mga tagapagpasakop?"

(39) May nagsabing isang makapangyarihan kabilang sa mga jinn: "Ako ay magdadala sa iyo niyon bago ka makatayo mula sa pinanatilihan mo. Tunay na ako para roon ay talagang malakas na mapagkakatiwalaan."

(40) Nagsabi ang may taglay na kaalaman mula sa kasulatan: "Ako ay magdadala sa iyo niyon bago makabalik sa iyo ang pagkurap mo." Kaya noong nakita niya iyon na nakalapag sa piling niya ay nagsabi siya: "Ito ay bahagi ng kabutihang-loob ng Panginoon ko upang sulitin Niya ako kung magpapasalamat ba ako o tatanggi akong magpasalamat. Ang sinumang nagpasalamat ay nagpasalamat lamang para sa sarili niya. Ang sinumang tumangging magpasalamat, tunay na ang Panginoon ko ay Walang-pangangailangan, Mapagbigay."

(41) Nagsabi siya: "Magpabalatkayo kayo para sa kanya ng trono niya, titingnan natin kung mapapatnubayan ba siya o siya ay kabilang sa mga hindi napapatnubayan."

(42) Kaya noong dumating siya ay sinabi: "Ganito ba ang trono mo?" Nagsabi siya: "Para bang ito ay iyon." [Nagsabi si Solomon]: "Binigyan kami ng kaalaman bago pa niya at dati na kaming mga tagapagpasakop."

(43) Bumalakid sa kanya ang dati nang sinasamba niya bukod pa kay Allāh. Tunay na siya dati ay kabilang sa mga taong tagatangging sumampalataya.

(44) Sinabi sa kanya: "Pumasok ka sa palasyo." Kaya noong nakita niya ito ay nag-akala siyang ito ay isang lawa at naglantad siya ng mga lulod niya. Nagsabi [si Solomon]: "Tunay na ito ay isang palasyong pinakintaban ng inilatag na mga salamin. Nagsabi siya: "Panginoon ko, tunay na ako ay lumabag sa katarungan sa sarili ko. Nagpasakop ako kasama kay Solomon kay Allāh ang Panginoon ng mga nilalang."

(45) Talaga ngang nagsugo Kami sa Thamūd ng kapatid nilang si Ṣāliḥ, na [nagsasabi]: "Sumamba kayo kay Allāh," saka biglang sila ay dalawang pangkat na nag-aalitan.

(46) Nagsabi siya: "O mga kalipi ko, bakit kayo nagmamadali sa masagwa bago ng maganda? Bakit nga ba hindi kayo humihingi ng tawad kay Allāh nang sa gayon kayo ay kaaawaan?"

(47) Nagsabi sila: "Nagmasamang-pangitain kami sa iyo at sa sinumang kasama sa iyo." Nagsabi siya: "Ang masamang pangitain ninyo ay nasa ganang kay Allāh, bagkus kayo ay mga taong tinutukso."

(48) Dati sa lungsod ay may siyam na lalaking nanggugulo sa lupain at hindi nagsasaayos.

(49) Nagsabi sila: "Magsumpaan kayo kay Allāh na talagang susugod nga tayo sa gabi sa kanya at sa mag-anak niya, pagkatapos talagang magsasabi nga tayo sa katangkilik niya: "Hindi kami nakasaksi sa pagkapahamak ng mag-anak niya. Tunay na kami ay talagang mga tapat."

(50) Nanlansi sila ng isang panlalansi at nanlansi Kami ng isang panlalansi samantalang sila ay hindi nakararamdam.

(51) Kaya tumingin ka kung papaano naging ang kinahinatnan ng panlalansi nila, na Kami ay nagwasak sa kanila at sa mga kalipi nila nang magkakasama.

(52) Kaya ang mga iyon ay ang mga bahay nila: hungkag, dahil lumabag sila sa katarungan. Tunay na sa gayon ay talagang may tanda para sa mga taong umaalam.

(53) Nagligtas Kami sa mga sumampalataya at dati na silang nangingilag magkasala.

(54) [Banggitin mo] si Lot noong nagsabi siya sa mga kababayan niya: "Pumupunta ba kayo sa mahalay habang kayo ay nakakikita?"

(55) Tunay na kayo ba ay talagang pumupunta sa mga lalaki dala ng pagnanasa bukod pa sa mga babae? Bagkus kayo ay mga taong nagpakamangmang.

(56) Ngunit walang iba ang sagot ng mga kababayan niya kundi na nagsabi sila: "Palabasin ninyo ang mag-anak ni Lot mula sa pamayanan ninyo; tunay na sila ay mga taong nagpapakalinis."

(57) Kaya pinaligtas Namin siya at ang mag-anak niya maliban sa maybahay niya; nagtakda Kami rito [na maging] kabilang sa mga nagpapaiwan.

(58) Nagpaulan Kami sa kanila ng isang ulan, saka kay saklap ang ulan ng mga binalaan.

(59) Sabihin mo: "Ang papuri ay ukol kay Allāh at kapayapaan ay sa mga lingkod Niyang hinirang Niya. Si Allāh ba ay higit na mabuti o ang itinatambal ninyo?

(60) O ang lumikha ng mga langit at lupa at nagpababa para sa inyo mula sa langit ng tubig kaya nagpatubo sa pamamagitan nito ng mga hardin na may dilag na hindi naging ukol sa inyo na magpatubo kayo ng mga punong-kahoy ng mga iyon ay isang diyos kasama kay Allāh? Bagkus sila ay mga taong nagpapantay [sa Kanya sa iba].

(61) O ang gumawa ba sa lupa bilang pamamalagian, gumawa sa gitna nito ng mga ilog, gumawa para rito ng mga matatag na bundok, at gumawa sa pagitan ng dalawang dagat ng isang harang ay isang diyos ba kasama kay Allāh? Bagkus ang higit na marami sa kanila ay hindi nakaaalam.

(62) O ang sumasagot ba sa nagigipit kapag dumalangin ito sa Kanya, nag-aalis ng kasagwaan, at gumagawa sa inyo bilang mga kahalili sa lupa ay isang diyos ba kasama kay Allāh? Kaunti ang isinasaalaala ninyo!

(63) O ang nagpapatnubay sa inyo sa mga kadiliman ng katihan at karagatan at ang nagsusugo ng mga hangin bilang balitang nakagagalak sa harap ng awa Niya ay isang diyos ba kasama kay Allāh? Pagkataas-taas si Allāh kaysa sa anumang itinatambal nila.

(64) O ang nagsisimula ng paglikha, pagkatapos nagpapanumbalik nito, at ang nagtutustos sa inyo mula sa langit at lupa ay isang diyos ba kasama kay Allāh?" Sabihin mo: "Magbigay kayo ng patotoo ninyo kung kayo ay mga tapat."

(65) Sabihin mo: "Hindi nalalaman ng sinumang nasa mga langit at lupa ang Lingid maliban kay Allāh, at hindi nila nararamdaman kung kailan sila bubuhayin."

(66) Bagkus nagwakas ang kaalaman nila hinggil sa Kabilang-buhay. Bagkus sila ay nasa isang pagdududa hinggil doon. Bagkus sila mula roon ay mga bulag.

(67) Nagsabi ang mga tumangging sumampalataya: "Kapag kami ba ay naging alabok at [gayon din] ang mga magulang namin, tunay na kami ba ay talagang mga palalabasin [sa mga libingan]?

(68) Talaga ngang pinangakuan nito Kami mismo at ang mga magulang namin bago pa niyan. Walang iba ito kundi ang mga alamat ng mga sinauna."

(69) Sabihin mo: "Humayo kayo sa lupain saka tumingin kayo kung papaano naging ang kinahinatnan ng mga salarin."

(70) Huwag kang malungkot sa kanila at huwag kang maging nasa isang paninikip dahil sa anumang ipinakakana nila.

(71) Nagsasabi sila: "Kailan ang pangakong ito kung kayo ay mga tapat?"

(72) Sabihin mo: "Marahil maging napaaga para sa inyo ang ilan sa minamadali ninyo."

(73) Tunay na ang Panginoon mo ay talagang may kabutihang-loob sa mga tao subalit ang higit na marami sa kanila ay hindi nagpapasalamat.

(74) Tunay na ang Panginoon mo ay talagang nakaaalam ng anumang kinikimkim ng mga dibdib nila at anumang inihahayag nila.

(75) Walang anumang nakalingid sa langit at lupa malibang nasa isang talaang malinaw.

(76) Tunay na itong Qur’ān ay nagsasalaysay sa mga anak ni Israel ng higit na marami sa [bagay na] sila hinggil doon ay nagkakaiba-iba.

(77) Tunay na ito ay talagang isang patnubay at isang awa para sa mga mananampalataya.

(78) Tunay na ang Panginoon mo ay huhusga sa pagitan nila sa pamamagitan ng kahatulan Niya. Siya ay ang Makapangyarihan, ang Maalam.

(79) Kaya manalig ka kay Allāh; tunay na ikaw ay nasa katotohanang malinaw.

(80) Tunay na ikaw ay hindi nakapagpaparinig sa mga patay at hindi nakapagpaparinig sa mga bingi ng panawagan kapag bumaling sila na mga tumatalikod.

(81) Ikaw ay hindi tagapagpatnubay ng mga bulag palayo sa pagkaligaw nila. Hindi ka nakapagpaparinig maliban sa sinumang sumasampalataya sa mga tanda Namin kaya sila ay mga tagapagpasakop.

(82) Kapag naganap ang sabi laban sa kanila, magpapalabas Kami para sa kanila ng isang gumagalaw na nilalang mula sa lupa na kakausap sa kanila [na nagsasabi] na ang mga tao noon sa mga tanda Namin ay hindi nakatitiyak.

(83) [Banggitin mo] ang araw na kakalap Kami mula sa bawat kalipunan ng isang pulutong kabilang sa nagpapasinungaling sa mga tanda Namin saka sila ay pagpapangkatin.

(84) Hanggang sa nang dumating sila ay magsasabi Siya: "Nagpasinungaling ba kayo sa mga tanda Ko samantalang hindi kayo nakasaklaw sa mga ito sa kaalaman, o ano ang dati ninyong ginagawa?"

(85) Magaganap ang sabi sa kanila dahil lumabag sila sa katarungan kaya sila ay hindi makabibigkas.

(86) Hindi ba sila nakakita na Kami ay gumawa sa gabi upang matiwasay sila rito at sa maghapon bilang nagbibigay-paningin? Tunay na sa gayon ay talagang may mga tanda para sa mga taong sumasampalataya.

(87) [Banggitin mo] ang araw na iihip sa tambuli saka manghihilakbot ang sinumang nasa mga langit at ang sinumang nasa mga lupa, maliban sa sinumang niloob ni Allāh, habang lahat ay pupunta sa Kanya na mga nagpapakaaba.

(88) Makikita mo ang mga bundok, habang nag-aakala kang ang mga ito ay nakatigil samantalang ang mga ito ay dumaraan gaya ng pagdaan ng mga ulap, bilang pagkayari ni Allāh na nagpahusay sa bawat bagay. Tunay na Siya ay Mapagbatid sa anumang ginagawa ninyo.

(89) Ang sinumang magdala ng magandang gawa, ukol sa kanya ay higit na mabuti kaysa roon habang sila, mula sa hilakbot sa araw na iyon, ay mga matitiwasay.

(90) Ang sinumang magdala ng masagwang gawa, isusubsob ang mga mukha nila sa Apoy. [Sasabihin:] "Gagantihan kaya kayo maliban pa ng anumang dati ninyong ginagawa?"

(91) [Sabihin mo]: "Inutusan lamang ako na sumamba sa Panginoon ng bayang ito, na nagpabanal nito – at sa Kanya ang bawat bagay – at inutusan ako na maging kabilang ako sa mga tagapagpasakop

(92) at na bumigkas ako ng Qur’ān." Kaya ang sinumang napatnubayan ay napapatnubayan lamang para sa sarili niya at ang sinumang naligaw ay sabihin mo: "Ako ay kabilang sa mga tagapagbabala lamang."

(93) Sabihin mo: "Ang papuri ay ukol kay Allāh. Magpapakita Siya sa inyo ng mga tanda Niya kaya makakikilala kayo sa mga ito. Ang Panginoon mo ay hindi nalilingat sa anumang ginagawa ninyo."

<     >