<     >  

48 - Al-Fath ()

|

(1) Tunay na Kami ay nagpawagi sa iyo ng isang malinaw na pagwagi

(2) upang magpatawad sa iyo si Allāh sa anumang nauna na pagkakasala mo at anumang naantala, [upang] lumubos Siya sa biyaya Niya sa iyo, [upang] magpatnubay Siya sa iyo sa isang landasing tuwid,

(3) at [upang] mag-adya Siya sa iyo ng isang pag-aadyang makapangyarihan.

(4) Siya ay ang nagpababa ng katiwasayan sa mga puso ng mga mananampalataya upang madagdagan sila ng pananampalataya kasama sa pananampalataya nila. Sa kay Allāh ang mga kawal ng mga langit at lupa. Laging si Allāh ay Maalam, Marunong.

(5) [Ito ay] upang magpapasok Siya sa mga lalaking mananampalataya at mga babaing mananampalataya sa mga hardin na dumadaloy mula sa ilalim ng mga ito ang mga ilog bilang mga mananatili sa mga ito, [upang] magtakip-sala Siya sa kanila sa mga masagwang gawa nila – laging iyon sa ganang kay Allāh ay isang pagkatamong sukdulan –

(6) at [upang] pagdusahin Niya ang mga lalaking mapagpaimbabaw at ang mga babaing mapagpaimbabaw, at ang mga lalaking tagapagtambal at ang mga babaing tagapagtambal, na mga nagpapalagay kay Allāh ng pagpapalagay ng kasagwaan. Sumakanila ang pananalanta ng kasagwaan! Nagalit si Allāh sa kanila, sumumpa Siya sa kanila, at naghanda Siya para sa kanila ng Impiyerno. Kay saklap iyon bilang kahahantungan!

(7) Sa kay Allāh ang mga kawal ng mga langit at lupa. Laging si Allāh ay Makapangyarihan, Marunong.

(8) Tunay na Kami ay nagsugo sa iyo bilang tagasaksi, bilang tagapagbalita ng nakagagalak, at bilang mapagbabala,

(9) upang sumampalataya kayo kay Allāh at sa Sugo Niya, kumatig kayo rito, gumalang kayo rito, at magluwalhati kayo sa Kanya sa umaga at sa hapon.

(10) Tunay na ang mga nangangako ng katapatan sa iyo ay nangangako lamang ng katapatan kay Allāh habang ang kamay ni Allāh ay nasa ibabaw ng mga kamay nila. Kaya ang sinumang sumira ay sumisira lamang siya laban sa sarili niya. Ang sinumang tumupad sa pakikipagkasunduan kay Allāh ay magbibigay Siya sa kanya ng isang pabuyang sukdulan.

(11) Magsasabi sa iyo ang mga pinaiwan kabilang sa mga Arabeng disyerto: "Umabala sa amin ang mga ari-arian namin at ang mga mag-anak namin kaya magpatawad Ka sa amin." Nagsasabi sila sa pamamagitan ng mga dila nila ng wala sa mga puso nila. Sabihin mo: "Sino ang makapagdudulot para sa inyo laban kay Allāh ng anuman kung nagnais Siya sa inyo ng isang kapinsalaan o nagnais Siya sa inyo ng isang kapakinabangan? Bagkus laging si Allāh sa anumang ginagawa ninyo ay Mapagbatid.

(12) Bagkus nagpalagay kayo na hindi uuwi ang Sugo at ang mga mananampalataya sa mga mag-anak nila magpakailanman, ipinang-akit iyon sa mga puso ninyo, nagpalagay kayo ng pagpapalagay ng kasagwaan, at kayo ay naging mga taong napariwara."

(13) At ang sinumang hindi sumampalataya kay Allāh at sa Sugo Niya ay tunay na Kami ay naglaan para sa mga tagatangging sumampalataya ng isang Liyab.

(14) Sa kay Allāh ang paghahari sa mga langit at lupa. Nagpapatawad Siya sa kaninumang niloloob Niya at nagpaparusa Siya sa sinumang niloloob Niya. Laging si Allāh ay Mapagpatawad, Maawain.

(15) Magsasabi ang mga pinaiwan kapag lumisan kayo patungo sa mga samsam upang kumuha ng mga iyon: "Magpaubaya kayo sa amin, susunod kami sa inyo." Nagnanais sila na magpalit ng Pananalita ni Allāh. Sabihin mo: "Hindi kayo susunod sa amin; gayon nagsabi si Allāh bago pa niyon." Kaya magsasabi sila: "Bagkus naiinggit kayo sa amin." Bagkus sila noon ay hindi nakauunawa kundi nang kaunti.

(16) Sabihin mo sa mga pinaiwan kabilang sa mga Arabeng disyerto: "Aanyayahan kayo tungo sa mga taong may pakikidigmang matindi. Makikipaglaban kayo sa kanila o magpapasakop sila. Kaya kung tatalima kayo ay magbibigay sa inyo si Allāh ng isang pabuyang maganda. Kung tatalikod kayo kung paanong tumalikod kayo bago pa niyon, pagdurusahin Niya kayo ng isang pagdurusang masakit."

(17) Walang pagkaasiwa sa bulag, walang pagkaasiwa sa pilay, at walang pagkaasiwa sa may-sakit [na magpaiwan]. Ang sinumang tumatalima kay Allāh at sa Sugo Niya ay magpapapasok Siya rito sa mga hardin na dumadaloy mula sa ilalim ng mga ito ang mga ilog. Ang sinumang tumalikod ay pagdurusahin Niya ito ng isang pagdurusang masakit.

(18) Talaga ngang nalugod si Allāh sa mga mananampalataya noong nangangako sila ng katapatan sa iyo sa ilalim ng punong-kahoy sapagkat nakaalam Siya sa nasa mga puso nila kaya naman nagpababa Siya ng katiwasayan sa kanila at gumantimpala Siya sa kanila ng isang pagpapawaging malapit,

(19) at maraming samsam na makukuha nila. Laging si Allāh ay Makapangyarihan, Marunong.

(20) Nangako sa inyo si Allāh ng maraming samsam na makukuha ninyo kaya minadali Niya para sa inyo ang mga ito at pumigil Siya sa mga kamay ng tao laban sa inyo, at upang ang mga ito ay maging isang tanda para sa mga mananampalataya at magpatnubay Siya sa inyo sa isang landasing tuwid.

(21) May iba pa na hindi kayo nakakaya sa mga iyon, na sumaklaw si Allāh sa mga iyon. Laging si Allāh sa bawat bagay ay May-kakayahan.

(22) Kung sakaling kumalaban sa inyo ang mga tumangging sumampalataya ay talaga sanang nagbaling sila ng mga likod, pagkatapos hindi sila nakatatagpo ng isang katangkilik ni isang mapag-adya.

(23) [Nagsakalakaran] ng kalakaran ni Allāh na nagdaan na bago pa niyon at hindi ka makatatagpo para sa kalakaran ni Allāh ng isang pagpapalit.

(24) Siya ay ang pumigil sa mga kamay nila laban sa inyo at sa mga kamay ninyo laban sa kanila sa lambak ng Makkah nang matapos na nagpanalo Siya sa inyo laban sa kanila. Laging si Allāh sa anumang ginagawa ay Nakakikita.

(25) Sila ay ang mga tumangging sumampalataya at sumagabal sa inyo sa Masjid na Pinakababanal at sa inaalay habang pinigilan na makarating sa pinag-aalayan nito. Kung hindi dahil sa mga lalaking mananampalataya at mga babaing mananampalataya na hindi kayo nakaalam sa kanila – na baka makapaslang kayo sa kanila para may tumama sa inyo dahil sa kanila na isang kapintasan nang wala sa kaalaman – [pinahintulutan sana kayong pumasok sa Makkah] upang magpapapasok si Allāh sa awa Niya ng sinumang niloloob Niya. Kung sakaling nabukod sila ay talaga sanang pinagdusa Namin ang mga tumanging sumampalataya kabilang sa kanila ng isang pagdurusang masakit.

(26) Noong naglagay ang mga tumangging sumampalataya sa mga puso nila ng kapalaluan, kapalaluan ng Kamangmangan, ay nagpababa si Allāh ng katiwasayan Niya sa Sugo Niya at sa mga mananampalataya, nagpanatili Siya sa kanila sa salita ng pangingilag magkasala, at sila ay higit na may karapatan doon at higit na karapat-dapat doon. Laging si Allāh sa bawat bagay ay Maalam.

(27) Talaga ngang nagsakatuparan si Allāh sa Sugo Niya ng panaginip ayon sa katotohanan. Talagang papasok nga kayo sa Masjid na Pinakababanal, kung niloob ni Allāh, na mga ligtas na mga nag-ahit ng mga ulo ninyo at mga nagpaiksi [ng buhok], na hindi kayo nangangamba, saka nakaalam Siya ng hindi ninyo nalaman kaya gumawa Siya bukod pa roon ng isang pagpapawaging malapit.

(28) Siya ay ang nagsugo sa Sugo Niya kalakip ng patnubay at Relihiyon ng Katotohanan upang magpangibabaw Siya nito sa relihiyon sa kabuuan nito. Nakasapat si Allāh bilang Saksi.

(29) Si Muḥammad ay ang Sugo ni Allāh. Ang mga kasama sa kanya ay mga matindi sa mga tagatangging sumasampalataya, mga maawain sa isa’t isa sa kanila. Makikita mo sila na mga nakayukod, mga nakapatirapa, na naghahangad ng isang kabutihang-loob mula kay Allāh at ng isang kasiyahan [Niya]. Ang tatak nila ay nasa mga mukha nila, mula sa bakas ng pagpapatirapa. Iyon ay ang pagkakalarawan sa kanila sa Torah. Ang pagkakalarawan naman sa kanila sa Ebanghelyo ay gaya ng tanim na nagluwal ng usbong nito, saka pinalakas nito iyon, saka kumapal iyon, saka tumayo iyon sa puno nito, na nagpatuwa sa mga tagatanim, upang magpangitngit Siya sa pamamagitan nila sa mga tagatangging sumampalataya. Nangako si Allāh sa mga sumampalataya at mga gumawa ng mga maayos kabilang sa kanila ng isang kapatawaran at isang pabuyang sukdulan.

<     >