<     >  

5 - Al-Maaida ()

|

(1) O mga sumampalataya, magpatupad kayo sa mga kontrata. Ipinahintulot para sa inyo ang hayop ng mga hayupan maliban sa bibigkasin pa sa inyo, habang hindi naman mga napahihintulutan ng pangangaso samantalang kayo ay mga nasa iḥrām. Tunay na si Allāh ay naghahatol ng ninanais Niya.

(2) O mga sumampalataya, huwag kayong lumapastangan sa mga sagisag ni Allāh ni sa Buwang Pinakababanal ni sa handog, ni sa mga nakakuwintas [na alay], ni sa mga nagsasadya sa Bahay na Pinakababanal na naghahangad ng isang kabutihang-loob mula sa Panginoon nila at isang pagkalugod. Kapag kumalas kayo [sa iḥrām ay maaaring] mangaso kayo. Huwag ngang mag-uudyok sa inyo ang pagkasuklam sa ilang tao na sumagabal sa inyo sa Masjid na Pinakababanal na lumabag kayo. Magtulungan kayo sa pagpapakabuti at pangingilag magkasala at huwag kayong magtulungan sa kasalanan at paglabag. Mangilag kayong magkasala kay Allāh. Tunay na si Allāh ay matindi ang parusa.

(3) Ipinagbawal sa inyo ang namatay [bago nakatay], ang dugo, ang laman ng baboy, ang anumang inihandog sa iba pa kay Allāh, ang nasakal, ang hinambalos, ang nalaglag, ang nasuwag, ang anumang kinainan ng mabangis na hayop maliban sa nakatay ninyo [bago namatay], ang inialay sa mga dambana, at na magsapalaran kayo sa pamamagitan ng mga tagdan. Iyon ay kasuwailan. Sa araw na ito ay nawalan ang mga tumangging sumampalataya ng pag-asa [na tatalikod kayo] sa Relihiyon ninyo, kaya huwag kayong matakot sa kanila at matakot kayo sa Akin. Sa araw na ito bumuo Ako para sa inyo ng Relihiyon ninyo, lumubos Ako sa inyo ng biyaya Ko at nalugod Ako para sa inyo sa Islām bilang relihiyon. Ngunit ang sinumang napilitan dahil sa kagutuman, nang hindi nagkakahilig sa pagkakasala, tunay na si Allāh ay Mapagpatawad, Maawain.
- Ang patpat ng palaso hindi kasama ang ulo at ang buntot nito.

(4) Nagtatanong sila sa iyo kung ano ang ipinahintulot para sa kanila. Sabihin mo: "Ipinahintulot sa inyo ang mga kaaya-aya at ang [nahuli ng] tinuruan ninyo na mga nangangasong hayop, bilang mga sinanay mangaso, na tinuturuan ninyo ang mga ito ng mula sa itinuro sa inyo ni Allāh. Kaya kumain kayo mula sa nahuli ng mga ito para sa inyo at bumanggit kayo ng pangalan ni Allāh dito." Mangilag kayong magkasala kay Allāh. Tunay na si Allāh ay mabilis ang pagtutuos.

(5) Sa araw na ito, ipinahintulot para sa inyo ang mga kaaya-aya. Ang pagkain ng mga nabigyan ng Kasulatan ay ipinahihintulot para sa inyo. Ang pagkain ninyo ay ipinahihintulot para sa kanila. Ang mga babaing malinis ang puri kabilang sa mga mananampalataya at ang mga babaing malinis ang puri kabilang sa mga nabigyan ng Kasulatan bago pa ninyo kapag nagbigay kayo sa kanila ng mga bigay-kaya sa kanila, bilang mga nagpapakalinis ng puri, hindi bilang mga mangangalunya, at hindi mga gumagawa ng mga kalaguyo. Ang sinumang tumanggi sa pananampalataya ay nawalang-kabuluhan nga ang gawa niya. Siya sa Kabilang-buhay ay kabilang sa mga lugi.

(6) O mga sumampalataya, kapag tumayo kayo patungo sa pagdarasal ay maghugas kayo ng mga mukha ninyo, mga kamay ninyo hanggang sa mga siko – humaplos kayo sa mga ulo ninyo – at mga paa ninyo hanggang sa mga bukungbukong. Kung kayo ay kailangang-maligo ay maligo kayo. Kung kayo ay mga may-sakit o nasa isang paglalakbay, o dumating ang isa sa inyo mula sa dumihan, o sumaling kayo ng mga babae saka hindi kayo nakatagpo ng tubig, ay magsadya kayo sa isang lupang kaaya-aya saka humaplos kayo sa mga mukha ninyo at mga kamay ninyo [ng alikabok] mula roon. Hindi nagnanais si Allāh na maglagay sa inyo ng pagkaasiwa, subalit nagnanais Siya na dumalisay sa inyo at lumubos sa pagpapala Niya sa inyo, nang sa gayon kayo ay magpapasalamat.

(7) Umalaala kayo sa biyaya ni Allāh sa inyo at kasunduan Niya na nakipagkasunduan Siya sa inyo sa pamamagitan nito noong nagsabi kayo: "Nakarinig kami at tumalima kami." Mangilag kayong magkasala kay Allāh. Tunay na si Allāh ay Maalam sa nilalaman ng mga dibdib.

(8) O mga sumampalataya, kayo ay maging mga mapagpanatili para kay Allāh, mga saksi sa pagkamakatarungan. Huwag ngang mag-uudyok sa inyo ang pagkasuklam sa ilang tao upang hindi kayo magmakatarungan. Magmakatarungan kayo; ito ay pinakamalapit sa pangingilag magkasala. Mangilag kayong magkasala kay Allāh. Tunay na si Allāh ay Mapagbatid sa anumang ginagawa ninyo.

(9) Nangako si Allāh sa mga sumampalataya at gumawa ng mga maayos na ukol sa kanila ay isang kapatawaran at isang pabuyang sukdulan.

(10) Ang mga tumangging sumampalataya at nagpasinungaling sa mga tanda Namin ay ang mga iyon ang mga maninirahan sa Impiyerno.

(11) O mga sumampalataya, alalahanin ninyo ang biyaya ni Allāh sa inyo noong may naglayon na mga tao na mag-abot laban sa inyo ng mga kamay nila ngunit pumigil Siya sa mga kamay nila palayo sa inyo. Mangilag kayong magkasala kay Allāh. Kay Allāh ay manalig ang mga mananampalataya.

(12) Talaga ngang tumanggap si Allāh ng tipan sa mga anak ni Israel. Nagpadala mula sa kanila ng labindalawang pinuno. Nagsabi si Allāh: "Tunay na Ako ay kasama sa inyo. Talagang kung nagpanatili kayo ng pagdarasal, nagbigay kayo ng zakāh, sumampalataya kayo sa mga sugo Ko, kumatig kayo sa kanila, at nagpautang kayo kay Allāh ng isang magandang pautang, talagang magtatakip-sala nga Ako para sa inyo sa mga masagwang gawa ninyo at talagang magpapapasok nga Ako sa inyo sa mga hardin na dumadaloy mula sa ilalim ng mga ito ang mga ilog. Kaya ang sinumang tumangging sumampalataya matapos niyon kabilang sa inyo ay naligaw nga sa katumpakan ng landas."

(13) Kaya dahil sa pagkalas nila sa tipan sa kanila, isinumpa Namin sila at ginawa Namin ang puso nila na matigas. Naglilihis sila sa mga salita palayo sa mga katuturan ng mga ito. Lumimot sila ng isang bahagi mula sa ipinaalaala sa kanila. Hindi ka titigil sa pagkabatid sa kataksilan mula sa kanila maliban sa kaunti sa kanila, ngunit magpaumanhin ka sa kanila at magpawalang-sala ka. Tunay na si Allāh ay umiibig sa mga tagagawa ng maganda.

(14) Mula sa mga nagsabi: "Tunay na kami ay mga Kristiyano," tumanggap Kami ng tipan sa kanila, ngunit lumimot sila sa isang bahagi mula sa ipinaalaala sa kanila kaya nag-udyok Kami sa pagitan nila ng pagkamuhi at pagkapoot hanggang sa Araw ng Pagbangon. Magbabalita sa kanila si Allāh hinggil sa anumang dating pinaggagawa nila.

(15) O mga May Kasulatan, dumating nga sa inyo ang Sugo Namin na naglilinaw sa inyo ng marami mula sa dating itinatago ninyo mula sa Kasulatan at nagsasaisang-tabi sa marami. May dumating nga sa inyo mula kay Allāh na isang liwanag at isang Aklat na naglilinaw,

(16) na nagpapatnubay sa pamamagitan nito si Allāh sa sinumang sumunod sa kaluguran Niya, na mga landas ng kapayapaan, nagpapalabas Siya sa kanila mula sa mga kadiliman tungo sa liwanag ayon sa pahintulot Niya, at nagpapatnubay Siya sa kanila tungo sa landasing tuwid.

(17) Talaga ngang tumangging sumampalataya ang mga nagsabi: "Tunay na si Allāh ay ang Kristo na anak ni Maria." Sabihin mo: "Kaya sino ang nakapangyayari laban kay Allāh sa anuman kung nagnais Siya na magpahamak sa Kristo na anak ni Maria, sa ina niya, at sa sinumang nasa lupa sa kalahatan?" Sa kay Allāh ang paghahari sa mga langit at lupa at anumang nasa pagitan ng mga ito. Lumilikha Siya ng anumang niloloob Niya. Si Allāh, sa bawat bagay, ay May-kakayahan.

(18) Nagsabi ang mga Hudyo at ang mga Kristiyano: "Kami ay mga anak ni Allāh at mga iniibig Niya." Sabihin mo: "Ngunit bakit pagdurusahin Niya kayo sa mga pagkakasala ninyo? Bagkus kayo ay mga tao kabilang sa nilikha Niya. Magpapatawad Siya sa sinumang loloobin Niya at magpaparusa Siya sa sinumang loloobin Niya. Sa kay Allāh ang paghahari sa mga langit at lupa at anumang nasa pagitan ng mga ito, at tungo sa Kanya ang kahahantungan.

(19) O mga May Kasulatan, dumating nga sa inyo ang Sugo Namin na naglilinaw sa inyo sa isang yugto ng kawalan ng mga sugo upang [hindi] kayo magsabi: “Walang dumating sa amin na anumang mapagbalita ng nakagagalak ni mapagbabala,” sapagkat may dumating nga sa inyo na isang mapagbalita ng nakagagalak isang mapagbabala. Si Allāh, sa bawat bagay, ay May-kakayahan.

(20) [Banggitin] noong nagsabi si Moises sa mga kalipi niya: "O mga kalipi ko, alalahanin ninyo ang biyaya ni Allāh sa inyo noong gumawa Siya sa inyo ng mga propeta, gumawa sa inyo na mga hari, at nagbigay sa inyo ng hindi Niya ibinigay sa isa man mula sa mga nilalang.

(21) O mga kalipi ko, magsipasok kayo sa lupaing pinabanal na itinakda ni Allāh para sa inyo at huwag kayong umurong sa mga likod ninyo para umuwi kayo na mga lugi."

(22) Nagsabi sila: "O Moises, tunay na sa loob niyon ay may mga taong higante at tunay na kami ay hindi papasok doon hanggang sa lumalabas sila mula roon. Kaya kung lalabas sila mula roon, tunay na kami ay mga papasok."

(23) May nagsabing dalawang lalaki kabilang sa mga nangangamba, na nagbiyaya si Allāh sa kanilang dalawa: "Magsipasok kayo sa kanila sa pinto sapagkat kapag pumasok kayo roon ay tunay na kayo ay mga mananaig. Kay Allāh ay manalig kayo, kung kayo ay mga mananampalataya."

(24) Nagsabi sila: "O Moises, tunay na kami ay hindi papasok doon magpakailanman hanggat namamalagi sila roon. Kaya pumunta ka at ang Panginoon mo at makipaglaban kayong dalawa; tunay na kami rito ay mga uupo."

(25) Nagsabi siya: "Panginoon ko, tunay na ako ay hindi nakapangyayari maliban sa sarili ko at kapatid ko, kaya magpahiwalay Ka sa pagitan namin at ng mga taong suwail."

(26) Nagsabi Siya: "Kaya tunay na iyon ay ipagbabawal sa kanila nang apatnapung taon habang nagpapagala-gala sa lupa. Kaya huwag kang magdalamhati sa mga taong suwail."

(27) Bumigkas ka sa kanila ng balita ng dalawang anak ni Adan ayon sa katotohanan noong naghandog silang dalawa ng handog saka tinanggap mula isa sa kanila at hindi naman tinanggap mula sa iba. Nagsabi [si Cain]: "Talagang papatayin nga kita." Nagsabi naman [si Abel]: "Tumatanggap lamang si Allāh mula sa mga tagapangilag magkasala.

(28) Talagang kung nag-abot ka sa akin ng kamay mo upang pumatay sa akin, ako ay hindi mag-aabot ng kamay ko sa iyo upang pumatay sa iyo. Tunay na ako ay nangangamba kay Allāh, na Panginoon ng mga nilalang.

(29) Tunay na ako ay nagnanais na bumalik ka kalakip ng kasalanan ko at kasalanan mo para ikaw ay maging kabilang sa mga maninirahan sa Apoy. Iyon ay ganti sa mga tagalabag sa katarungan."

(30) Nagpatalima sa kanya ang sarili niya ng pagpatay sa kapatid niya kaya pinatay niya ito saka siya ay naging kabilang siya sa mga lugi.

(31) Kaya nagpadala si Allāh ng isang uwak na kakahig sa lupa upang magpakita ito sa kanya kung papaanong magkukubli ng bangkay ng kapatid niya. Nagsabi siya: "O kapighatian sa akin, pinanghinaan ako na maging tulad ng uwak na ito para magkubli ako ng bangkay ng kapatid ko." Kaya siya ay naging kabilang sa mga nagsisisi.

(32) Alang-alang doon, nag-atas Kami sa mga anak ni Israel na ang sinumang pumatay sa isang tao nang hindi dahil [sa pagpatay] sa isang tao o sa [paggawa ng] kaguluhan sa lupa ay para bang pumatay siya sa mga tao sa kalahatan, at ang sinumang nagbigay-buhay rito ay para bang nagbigay-buhay siya sa mga tao sa kalahatan. Talaga ngang naghatid sa kanila ang mga sugo Namin ng mga malinaw na patunay. Pagkatapos, tunay na marami mula sa kanila, matapos niyon, sa lupa ay talagang mga nagpapakalabis.

(33) Ang ganti lamang sa mga nakikipagdigma kay Allāh at sa Sugo Niya at nagpupunyagi sa lupa ng kaguluhan ay na pagpapatayin sila o bitayin sila o pagpuputulin ang mga kamay nila at ang mga paa nila nang magkabilaan o ipatapon sila sa [ibang] lupain. Iyon ay ukol sa kanila: isang kahihiyan sa Mundo; at ukol sa kanila sa Kabilang-buhay ay isang pagdurusang sukdulan,

(34) maliban sa mga nagbalik-loob bago pa kayo makakaya [na makadakip] sa kanila. Kaya alamin ninyo na si Allāh ay Mapagpatawad, Maawain.

(35) O mga sumampalataya, mangilag kayong magkasala kay Allāh, maghangad kayo tungo sa Kanya ng pampalapit, at makibaka kayo alang-alang sa landas Niya, nang sa gayon kayo ay magtatagumpay.

(36) Tunay na ang mga tumangging sumampalataya, kung sakaling sa kanila ang anumang nasa lupa sa kalahatan at ang tulad nito kasama rito upang matubos sila sa pamamagitan niyon mula sa pagdurusa sa Araw ng Pagbangon ay hindi iyon matatanggap mula sa kanila. Ukol sa kanila ay isang pagdurusang masakit.

(37) Magnanais sila na lumabas mula sa Apoy ngunit sila ay hindi mga lalabas mula roon. Ukol sa kanila ay isang pagdurusang mananatili.

(38) Ang lalaking magnanakaw at ang babaing magnanakaw ay putulin ninyo ang mga kamay nila bilang ganti sa nakamit nilang dalawa, bilang parusang panghalimbawa mula kay Allāh. Si Allāh ay Makapangyarihan, Marunong.

(39) Kaya ang sinumang nagbalik-loob nang matapos ng kawalang-katarungan niya at nagsaayos, tunay na si Allāh ay tatanggap sa kanya ng pagbabalik-loob. Tunay na si Allāh ay Mapagpatawad, Maawain.

(40) Hindi ka ba nakaaalam na si Allāh ay may-ari ng paghahari sa mga langit at lupa; pinagdurusa Niya ang sinumang loloobin Niya at pinatatawad Niya ang sinumang loloobin Niya. Si Allāh sa bawat bagay ay May-kakayahan.

(41) O Sugo, huwag magpalungkot sa iyo ang mga nagmamabilis sa kawalang-pananampalataya kabilang sa mga nagsabi: "Sumampalataya kami," sa pamamagitan ng mga bibig nila samantalang hindi sumampalataya ang mga puso nila, at kabilang sa mga nagpakahudyo. Mga palapakinig sa kasinungalingan, mga palapakinig sa mga ibang taong hindi nakapunta sa iyo, naglilihis sila sa mga salita nang matapos [ng paglalagay] ng mga katuturan ng mga ito. Nagsasabi sila: "Kung binigyan kayo nito ay kunin ninyo, at kung hindi kayo binigyan nito ay mangilag kayo. Ang sinumang nagnais si Allāh ng tukso sa kanya ay hindi ka makapangyayari para sa kanya laban kay Allāh sa anuman. Ang mga iyon ay ang mga hindi nagnais si Allāh na magdalisay sa mga puso nila. Ukol sa kanila sa Mundo ay isang kahihiyan at ukol sa kanila sa Kabilang-buhay ay isang pagdurusang sukdulan.

(42) Mga palakinig sa kasinungalingan, mga palakain ng kinita sa masama, kaya kung dumating sila sa iyo ay humatol ka sa pagitan nila o umayaw ka palayo sa kanila. Kung aayaw ka palayo sa kanila ay hindi sila makapipinsala sa iyo ng anuman. Kung hahatol ka ay humatol ka sa pagitan nila ayon sa pagkamakatarungan. Tunay na si Allāh ay umiibig sa mga nagpapakamakatarungan.

(43) Papaanong nagpapahatol sila sa iyo samantalang taglay nila ang Torah na naroon ang kahatulan ni Allāh, pagkatapos tatalikod sila nang matapos niyon. Ang mga iyon ay hindi ang mga mananampalataya.

(44) Tunay na Kami ay nagpababa ng Torah, na doon ay may patnubay at liwanag. Humahatol sa pamamagitan nito ang mga propeta na mga nagpasakop para sa mga nagpakahudyo, at ang mga rabbi, at ang mga pantas sa pamamagitan ng pinaingatan sa kanila mula sa Kasulatan ni Allāh. Sila noon doon ay mga saksi. Kaya huwag kayong matakot sa mga tao at matakot kayo sa Akin. Huwag kayong magtinda sa mga tanda Ko sa kakaunting halaga. Ang sinumang hindi humatol ng ayon sa pinababa ni Allāh, ang mga iyon ay ang mga tagatangging sumampalataya.

(45) Nagtakda Kami sa kanila roon na ang buhay ay sa buhay, ang mata ay sa mata, ang ilong ay sa ilong, ang tainga ay sa tainga, ang ngipin ay sa ngipin, at ang mga sugat ay may pantay na ganti. Ngunit ang sinumang nagkawanggawa [ng pagpapaumanhin] doon, ito ay isang panakip-sala para sa kanya. Ang sinumang hindi humatol ng ayon sa pinababa ni Allāh, ang mga iyon ay ang mga tagalabag sa katarungan.

(46) Nagpatunton Kami, sa mga bakas nila, kay Jesus na anak ni Maria, bilang tagapagpatotoo para sa nauna sa kanya na Torah. Nagbigay Kami sa kanya ng Ebanghelyo, na dito ay may patnubay at liwanag, bilang tagapagpatotoo para sa nauna rito na Torah bilang patnubay at bilang pangaral para sa mga tagapangilag magkasala.

(47) Humatol ang mga May Ebanghelyo ng ayon sa pinababa ni Allāh sa loob niyon! Ang sinumang hindi humatol ng ayon sa pinababa ni Allāh, ang mga iyon ay ang mga suwail.

(48) Nagpababa Kami sa iyo ng Aklat kalakip ng katotohanan bilang tagapagpatotoo para sa nauna rito na kasulatan at bilang tagapangibabaw rito. Kaya humatol ka sa pagitan nila ng ayon sa pinababa ni Allāh at huwag kang sumunod sa mga pithaya nila kapalit ng dumating sa iyo na katotohanan. Para sa bawat kabilang sa inyo ay gumawa Kami ng isang pagbabatas at isang pamamaraan. Kung sakaling niloob ni Allāh ay talaga sanang gumawa Siya sa inyo na nag-iisang kalipunang subalit [pinag-iiba kayo] upang sumubok Siya sa inyo sa ibinigay Niya sa inyo. Kaya mag-unahan kayo sa mga kabutihan. Tungo kay Allāh ang babalikan ninyo sa kalahatan saka magbabalita Siya sa inyo hinggil sa anumang kayo dati kaugnay roon ay nagkakaiba-iba.

(49) Na humatol ka sa pagitan nila ng ayon sa pinababa ni Allāh, huwag kang sumunod sa mga pithaya nila, at mag-ingat ka sa kanila na makatukso sila sa iyo palayo sa ilan sa pinababa ni Allāh sa iyo. Kaya kung tumalikod sila ay alamin mo na nagnanais lamang si Allāh na magpatama sa kanila ng ilan sa mga pagkakasala nila. Tunay na marami sa mga tao ay talagang mga suwail.

(50) Kaya ang paghatol ng Kamangmangan ba ay hinahangad nila? Sino pa ang higit na magaling kaysa kay Allāh sa paghatol para sa mga taong nakatitiyak?

(51) O mga sumampalataya, huwag kayong gumawa sa mga Hudyo at mga Kristiyano bilang mga katangkilik. Ang ilan sa kanila ay mga katangkilik ng iba. Ang sinumang tumatangkilik sa kanila kabilang sa inyo, tunay na siya ay kabilang sa kanila. Tunay na si Allāh ay hindi nagpapatnubay sa mga taong tagalabag sa katarungan.

(52) Kaya nakikita mo ang mga sa mga sa mga puso nila ay may karamdaman na nagmamabilis [sa pagtangkilik] sa mga iyon, na nagsasabi: "Natatakot kami na may tumama sa amin na isang pananalanta." Ngunit harinawang si Allāh ay magdala ng pagwawagi o isang utos mula sa ganang Kanya kaya sila, dahil sa inililihim nila sa mga sarili nila, ay magiging mga nagsisisi.

(53) Magsasabi ang mga sumampalataya: "Ang mga ito ba ang mga sumumpa kay Allāh nang taimtiman sa mga panunumpa nila na tunay na sila ay talagang kasama sa inyo." Nawalang-kabuluhan ang mga gawa nila kaya sila ay naging mga lugi.

(54) O mga sumampalataya, ang sinumang tatalikod kabilang sa inyo sa relihiyon niya ay papalitan ni Allāh ng mga taong iibig Siya sa kanila at iibig sila sa Kanya, na mga kaaba-aba sa mga mananampalataya, na mga makapangyarihan sa mga tagatangging sumampalataya, na nakikibaka ayon sa landas ni Allāh at hindi nangangamba sa paninisi ng isang naninisi. Iyon ay ang kagandahang-loob ni Allāh; nagbibigay Siya nito sa sinumang loloobin Niya. Si Allāh ay Malawak, Maalam.

(55) Ang katangkilik ninyo lamang ay si Allāh, ang Sugo Niya, at ang mga sumampalataya na nagpapanatili sa pagdarasal at nagbibigay ng zakāh habang sila ay mga nakayukod.

(56) Ang sinumang tatangkilik kay Allāh, sa Sugo Niya, at sa mga sumampalataya ay tunay na ang lapian ni Allāh ay ang mga mananaig.

(57) O mga sumampalataya, huwag kayong gumawa, bilang mga katangkilik, sa mga gumawa sa relihiyon ninyo ng pangungutya at paglalaro kabilang sa mga nabigyan ng Kasulatan bago pa ninyo, at sa mga tagatangging sumampalataya. Mangilag kayong magkasala kay Allāh, kung kayo ay mga mananampalataya.

(58) Kapag nanawagan kayo tungo sa pagdarasal, gumagawa sila rito ng pangungutya at paglalaro. Iyon ay dahil sila ay mga taong hindi nakapag-uunawa.

(59) Sabihin mo: "O mga May Kasulatan, naghihinanakit kaya kayo sa amin maliban pa na sumampalataya kami kay Allāh, sa pinababa sa amin, at sa pinababa bago pa niyan, at dahil ang higit na marami sa inyo ay mga suwail?"

(60) Sabihin mo: "Magbabalita kaya Ako sa inyo hinggil sa higit na masama kaysa roon bilang ganti mula sa ganang kay Allāh? [Hinggil ito] sa isinumpa ni Allāh; kinagalitan Niya; at ginawa Niya kabilang sa kanila na mga unggoy, mga baboy, at mga alipin ng mapagmalabis. Ang mga iyon ay higit na masama sa kalagayan at higit na ligaw palayo sa katumpakan ng landas."

(61) Kapag dumating sila sa inyo ay nagsasabi sila: "Sumampalataya kami," samantalang pumasok na sila taglay ang kawalang-pananampalataya at lumabas na sila taglay ito. Si Allāh ay higit na maalam sa anumang dati nilang itinatago.

(62) Nakakikita ka ng marami kabilang sa kanila na nagmamabilis sa kasalanan, paglabag, at pagkain nila ng kinita sa masama. Talagang kay saklap ang dati nilang ginagawa.

(63) Bakit kasi hindi sumasaway sa kanila ang mga rabbi at ang mga pantas sa pagsasabi nila ng kasalanan at pagkain nila ng kinita sa masama. Talagang kay saklap ang dati nilang pinaggagawa.

(64) Nagsabi ang mga Hudyo: "Ang kamay ni Allāh ay nakakulyar." Makulyar nawa ang mga kamay nila at isinumpa sila dahil sa sinabi nila. Bagkus ang dalawang Kamay Niya ay mga nakabukas; gumugugol Siya kung papaanong Niyang niloloob. Talagang magdaragdag nga sa marami kabilang sa kanila ang pinababa sa iyo mula sa Panginoon mo ng isang pagmamalabis at isang kawalang-pananampalataya. Pumukol Kami sa pagitan nila ng pagkamuhi at pagkapoot hanggang sa Araw ng Pagbangon. Sa tuwing nagpapaningas sila ng isang apoy para sa digmaan, umaapula rito si Allāh. Nagpupunyagi sila sa lupa ng kaguluhan. Si Allāh ay hindi umiibig sa mga tagagulo.

(65) Kung sakaling ang mga May Kasulatan ay sumampalataya at nangilag magkasala ay talaga sanang magtatakip-sala Kami sa kanila sa mga masagwang gawa nila at talaga sanang magpapapasok Kami sa kanila sa mga hardin ng lugod.

(66) Kung sakaling sila ay nagpanatili sa Torah, Ebanghelyo, at anumang pinababa sa kanila mula sa Panginoon nila, talaga sanang kumain sila mula sa itaas nila at mula sa ilalim ng mga paa nila. Kabilang sa kanila ay isang kalipunang makatwiran ngunit marami sa kanila ay kay sagwa ang ginagawa nila.

(67) O Sugo, magpaabot ka ng pinababa sa iyo mula sa Panginoon mo. Kung hindi mo gag̶̶awin ay hindi ka nagpapaabot ng pasugo Niya. Si Allāh ay magsasanggalang sa iyo sa mga tao. Tunay na si Allāh ay hindi nagpapatnubay sa mga taong tagatangging sumampalataya.

(68) Sabihin mo: "O mga May Kasulatan, kayo ay hindi batay sa anuman hanggang sa magpanatili kayo sa Torah, Ebanghelyo, at anumang pinababa sa inyo mula sa Panginoon ninyo." Talagang magdaragdag nga sa marami sa kanila ang pinababa sa iyo mula sa Panginoon mo ng isang pagmamalabis at isang kawalang-pananampalataya. Kaya huwag kang magdalamhati sa mga taong tagatangging sumampalataya.

(69) Tunay na ang mga sumampalataya, ang mga nagpakahudyo, ang mga Sabeo, at ang mga Kristiyano, ang sinumang sumampalataya kay Allāh at sa Huling Araw at gumawa ng maayos ay walang pangamba sa kanila ni sila ay malulungkot.

(70) Talaga ngang tumanggap Kami ng tipan sa mga anak ni Israel at nagsugo Kami sa kanila ng mga sugo. Sa tuwing may nagdadala sa kanila na isang sugo ng hindi pinipithaya ng mga sarili nila, sa isang pangkat ay nagpapasinungaling sila at sa isang pangkat ay pumapatay sila.

(71) Nag-akala sila na walang maging isang ligalig kaya nabulag sila at nabingi sila. Pagkatapos tumanggap si Allāh ng pagbabalik-loob sa kanila. Pagkatapos may nabulag at nabinging marami sa kanila. Si Allāh ay nakakikita sa anumang ginagawa nila.

(72) Talaga ngang tumangging sumampalataya ang mga nagsabi: "Tunay na si Allāh ay ang Kristo na anak ni Maria," samantalang nagsabi ang Kristo: "O mga anak ni Israel, sumamba kayo kay Allāh, na Panginoon ko at Panginoon ninyo." Tunay na ang sinumang nagtatambal kay Allāh ay nagkait nga si Allāh sa kanya ng Paraiso at ang kanlungan niya ay ang Apoy. Walang ukol sa mga tagalabag sa katarungan na mga tagaadya.

(73) Talaga ngang tumangging sumampalataya ang mga nagsabi: "Tunay na si Allāh ay ikatlo ng tatlo." Walang anumang Diyos maliban sa nag-iisang Diyos. Kung hindi sila titigil sa sinasabi nila ay talagang dadapuan nga ang mga tumangging sumampalataya kabilang sa kanila ng isang pagdurusang masakit.

(74) Kaya hindi ba sila nagbabalik-loob kay Allāh at humihingi ng tawad sa Kanya? Si Allāh ay Mapagpatawad, Maawain.

(75) Walang iba ang Kristo na anak ni Maria kundi isang sugo, na nakalipas na bago pa niya ang mga sugo. Ang ina niya ay isang matapat. Silang dalawa noon ay kumakain ng pagkain. Tumingin ka kung papaanong naglilinaw Kami para sa kanila ng mga tanda. Pagkatapos tumingin ka kung paanong nalilinlang sila.

(76) Sabihin mo: "Sumasamba ba kayo bukod pa kay Allāh sa hindi nakapagdudulot para sa inyo ng isang pinsala ni pakinabang." Si Allāh ay ang Madinigin, ang Maalam.

(77) Sabihin mo: "O mga May Kasulatan, huwag kayong magpalabis sa relihiyon ninyo ng hindi katotohanan at huwag kayong sumunod sa mga pithaya ng mga taong naligaw na bago pa niyan, nagligaw sa marami, at naligaw palayo sa katumpakan ng landas."

(78) Isinumpa ang mga tumangging sumampalataya kabilang sa mga anak ni Israel ayon sa dila ni David at Jesus na anak ni Maria. Iyon ay dahil sumuway sila at sila noon ay lumalabag.

(79) Sila noon ay hindi nagsasawayan laban sa isang nakasasamang ginawa nila. Talagang kay saklap ang dati nilang ginagawa.

(80) Nakakikita ka ng marami kabilang sa kanila na tumatangkilik sa mga tumangging sumampalataya. Talagang kay saklap ang ipinauna para sa kanila ng mga sarili nila, na nainis si Allāh sa kanila. Sa pagdurusa, sila ay mga mananatili.

(81) Kung sakaling sila noon ay sumasampalataya kay Allāh, sa Propeta, at sa pinababa rito, hindi sana sila gumawa sa mga iyon bilang mga katangkilik; subalit marami sa kanila ay mga suwail.

(82) Talagang makatatagpo ka nga na ang pinakamatindi sa mga tao sa pagkamuhi sa mga sumampalataya ay mga Hudyo at ang mga nagtambal [kay Allāh]. Talagang makatatagpo ka nga na ang pinakamalapit sa kanila sa pagmamahal para sa mga sumampalataya ay ang mga nagsabi: "Tunay na kami ay mga Kristiyano." Iyon ay dahil kabilang sa kanila ay mga ministro at mga monghe, at na sila ay hindi nagmamalaki.

(83) Kapag nakarinig sila ng pinababa sa Sugo ay makakikita ka sa mga mata nila na nag-uumapaw sa luha dahil sa nakilala nila na katotohanan. Nagsasabi sila: "Panginoon Namin, sumampalataya kami kaya magtala Ka sa amin kasama sa mga tagasaksi.

(84) Ano ang mayroon sa amin na hindi kami sumasampalataya kay Allāh at sa dumating sa amin na katotohanan, at naghahangad kami na magpapasok sa amin ang Panginoon namin [sa Paraiso] kasama sa mga taong maayos?

(85) Kaya naggantimpala sa kanila si Allāh, dahil sa sinabi nila, ng mga hardin na dumadaloy mula sa ilalim ng mga ito ang mga ilog bilang mga mananatili sa mga ito. Iyon ay ang ganti sa mga tagagawa ng maganda.

(86) Ang mga tumangging sumampalataya at nagpasinungaling sa mga tanda Namin, ang mga iyon ay mga maninirahan sa Impiyerno.

(87) O mga sumampalataya, huwag kayong magbawal ng mga kaaya-ayang ipinahintulot ni Allāh para sa inyo at huwag kayong lumabag. Tunay na si Allāh ay hindi umiibig sa mga tagalabag.

(88) Kumain kayo mula sa itinustos sa inyo ni Allāh bilang ipinahintulot na kaaya-aya. Mangilag kayong magkasala kay Allāh, na kayo ay sa Kanya mga mananampalataya.

(89) Hindi naninisi sa inyo si Allāh dahil sa pagkadulas sa mga panunumpa ninyo subalit naninisi Siya sa inyo dahil sa [pagsira ng] isinagawa ninyo na mga panunumpa. Kaya ang panakip-sala niyon ay ang pagpapakain sa sampung dukha ng katamtaman sa ipinakakain ninyo sa mag-anak ninyo o ang pagpapadamit sa kanila o ang pagpapalaya sa isang alipin, ngunit ang sinumang hindi nakatagpo ay pag-aayuno ng tatlong araw. Iyon ay panakip-sala sa mga panunumpa ninyo kapag nanumpa kayo. Pag-ingatan ninyo ang mga panunumpa ninyo. Gayon naglilinaw si Allāh para sa inyo ng mga tanda Niya, nang sa gayon kayo ay magpapasalamat.

(90) O mga sumampalataya, ang alak, ang pagpusta, ang [pag-aalay sa] mga dambana, at [ang pagsasapalaran gamit] ang mga tagdan ng palaso ay kasalaulaan lamang kabilang sa gawain ng demonyo, kaya umiwas kayo rito, nang sa gayon kayo ay magtatagumpay.

(91) Nagnanais lamang ang demonyo na magsadlak sa pagitan ninyo ng poot at suklam dahil sa alak at pagpusta, at humadlang sa inyo sa pag-alaala kay Allāh at sa pagdarasal, kaya kayo ba ay mga titigil?

(92) Tumalima kayo kay Allāh at tumalima kayo sa Sugo at mag-ingat kayo. Ngunit kung tumalikod kayo ay alamin ninyo na tungkulin sa Sugo Namin ang pagpapaabot na malinaw lamang.

(93) Walang maisisisi sa mga sumampalataya at gumawa ng mga maayos kaugnay sa anumang kinain nila [noon] kapag nangilag silang magkasala, sumampalataya sila, at gumawa sila ng mga maayos, pagkatapos nangilag silang magkasala at sumampalataya sila, pagkatapos nangilag silang magkasala at gumawa sila ng maganda. Si Allāh ay umiibig sa mga tagagawa ng maganda.

(94) O mga sumampalataya, talagang magsusulit nga sa inyo si Allāh sa pamamagitan ng isang bagay gaya ng pinangangasong hayop, na nagtatamo nito ang mga kamay ninyo at ang mga sibat ninyo, upang maghayag si Allāh sa sinumang nangangamba sa Kanya nang nakalingid. Kaya ang sinumang lumabag matapos niyon, ukol sa kanya ay isang pagdurusang masakit.

(95) O mga sumampalataya, huwag kayong pumatay ng pinangangasong hayop habang kayo ay mga nasa iḥrām. Ang sinumang pumatay nito kabilang sa inyo nang sinasadya, may isang ganti, na tulad ng pinatay niya, mula sa mga hayupan, na hahatol dito ang dalawang may katarungan kabilang sa inyo bilang handog na aabot sa Ka`bah; o may isang panakip-sala na pagpapakain ng mga dukha o katumbas niyon na pag-aayuno upang makalasap siya ng kasaklapan ng kalagayan nila. Nagpaumanhin si Allāh sa anumang nagdaan. Ang sinumang nanumbalik ay maghihiganti si Allāh sa kanya. Si Allāh ay Makapangyarihan, May paghihiganti.

(96) Ipinahintulot para sa inyo ang nahuhuli sa dagat at ang pagkain doon bilang natatamasa para sa inyo at para sa mga manlalakbay. Ipinagbawal sa inyo ang nahuhuli sa katihan hanggat kayo ay nananatiling mga nasa iḥrām. Mangilag kayong magkasala kay Allāh na tungo sa Kanya kakalapin kayo.

(97) Ginawa ni Allāh ang Ka`bah, ang Bahay na Pinakababanal, bilang pagpapanatili para sa mga tao, ang Buwang Pinakababanal, ang alay, at ang mga nakakuwintas. Iyon ay upang makaalam kayo na si Allāh ay nakaaalam sa anumang nasa mga langit at anumang nasa lupa at na si Allāh, sa bawat bagay, ay Maalam.

(98) Alamin ninyo na si Allāh ay matindi ang parusa at na si Allāh ay Mapagpatawad, Maawain.

(99) Walang tungkulin ang Sugo kundi ang pagpapaabot. Si Allāh ay nakaaalam sa anumang ihinahayag ninyo at sa anumang itinatago ninyo.

(100) Sabihin mo: "Hindi nagkakapantay ang karima-rimarim at ang kaaya-aya, kahit pa man nagpahanga sa iyo ang dami ng karima-rimarim." Kaya mangilag kayong magkasala kay Allāh, O mga may isip, nang sa gayon kayo ay magtatagumpay.

(101) O mga sumampalataya, huwag kayong magtanong tungkol sa mga bagay na kung ihahayag ang mga ito sa inyo ay magpapasama ng loob sa inyo ang mga ito. Kung magtatanong kayo tungkol sa mga ito sa sandaling ibinababa ang Qur’ān ay ihahayag ang mga ito sa inyo. Nagpaumanhin si Allāh sa mga ito. Si Allāh ay Mapagpatawad, Matimpiin.

(102) May nagtanong nga ng mga ito na mga tao bago pa ninyo, pagkatapos sila sa mga ito ay naging mga tagatangging sumampalataya.

(103) Hindi nagtalaga si Allāh ng baḥīrah, ni sā’ibah, ni waṣīlah, ni ḥāmī, subalit ang mga tumangging sumampalataya ay gumawa-gawa kay Allāh ng kasinungalingan, at ang higit na marami sa kanila ay hindi nakapag-uunawa.

(104) Kapag sinabi sa kanila: "Halikayo sa pinababa ni Allāh at sa Sugo" ay nagsasabi sila: "Kasapatan sa amin ang natagpuan namin sa mga magulang namin." Kahit ba noon ang mga magulang nila ay hindi nakaaalam ng anuman at hindi napapatnubayan?

(105) O mga sumampalataya, mangalaga kayo sa mga sarili ninyo. Hindi makapipinsala sa inyo ang sinumang naligaw kapag napatnubayan kayo. Tungo kay Allāh ang babalikan ninyo sa kalahatan saka magbabalita Siya sa inyo hinggil sa anumang dati ninyong ginagawa.

(106) O mga sumampalataya, ang pagsasaksi sa pagitan ninyo kapag dumalo sa isa sa inyo ang kamatayan sa sandali ng tagubilin ay [gagawin ng] dalawang may katarungan kabilang sa inyo o dalawang iba pa kabilang sa iba sa inyo kung kayo ay naglakbay sa lupain at tumama sa inyo ang pagtama ng kamatayan. Pipigil kayo sa kanilang dalawa nang matapos ng pagdarasal at manunumpa silang dalawa kay Allāh, kung nag-aalinlangan kayo: "Hindi kami magbebenta nito sa isang halaga kahit pa man iyon ay isang may pagkakamag-anak at hindi kami magtatago ng pagsasaksi kay Allāh; tunay na kami, kung gayon, ay talagang kabilang sa mga nagkakasala."

(107) Ngunit kung natuklasan na silang dalawang ay naging karapat-dapat sa isang kasalanan, may dalawang ibang tatayo sa katayuan nilang dalawa, na dalawang pinakamalapit na kaanak kabilang sa mga naging karapat-dapat [sa pagmamana], saka manunumpa ang dalawang ito kay Allāh: "Talagang ang pagsasaksi namin ay higit na totoo kaysa sa pagsasaksi nilang dalawa at hindi kami lumabag; tunay na kami, samakatuwid, ay talagang kabilang sa mga tagalabag sa katarungan."

(108) Iyon ay higit na malamang na magsagawa sila ng pagsasaksi ayon sa katunayan nito o mangamba sila na tanggihan ang mga panunumpa matapos ng mga panunumpa nila. Mangilag kayong magkasala kay Allāh at duminig kayo. Si Allāh ay hindi nagpapatnubay sa mga taong suwail.

(109) Sa araw na kakalap si Allāh sa mga sugo saka magsasabi Siya: "Ano ang isinagot sa inyo?" ay magsasabi sila: "Walang kaalaman sa amin; tunay na Ikaw ay ang Palaalam sa mga lingid."

(110) [Banggitin] kapag magsasabi si Allāh: "O Jesus na anak ni Maria, bumanggit ka sa biyaya Ko sa iyo at sa ina mo noong umalalay Ako sa iyo sa pamamagitan ng Espiritu ng Kabanalan habang nagsasalita ka sa mga tao habang nasa duyan at nasa kasapatang-gulang; noong nagturo Ako sa iyo ng pagsulat, karunungan, at Torah, at Ebanghelyo; noong lumilikha ka mula sa putik ng gaya ng anyo ng ibon ayon sa pahintulot Ko saka umiihip ka rito kaya ito ay nagiging ibon, at nagpapagaling ka ng ipinanganak na bulag at ng ketungin ayon sa pahintulot Ko; noong nagpapalabas ka sa mga patay ayon sa pahintulot Ko; at noong pumigil Ako sa mga anak ni Israel palayo sa iyo noong naghatid ka sa kanila ng mga malinaw na patunay at nagsabi ang mga tumangging sumampalataya kabilang sa kanila: Walang iba ito kundi isang panggagaway na malinaw."

(111) [Banggitin] noong nagkasi Ako sa mga disipulo, na [nagsasabi]: "Sumampalataya kayo sa Akin at sa Sugo Ko" ay nagsabi sila: "Sumampalataya kami at sumaksi Ka na kami ay mga Muslim."

(112) [Banggitin] noong nagsabi ang mga disipulo: "O Jesus na anak na Maria, makakakaya kaya ang Panginoon mo na magpababa sa atin ng isang hapag mula sa langit?" ay nagsabi siya: "Mangilag kayong magkasala kay Allāh kung kayo ay mga mananampalataya."

(113) Nagsabi sila: "Nagnanais kami na kumain mula roon, mapanatag ang mga puso namin, makaalam kami na nagpakatapat ka nga sa amin, at kami roon ay maging kabilang sa mga tagasaksi."

(114) Nagsabi si Jesus na anak ni Maria: "O Allāh, Panginoon namin, magpababa Ka sa amin ng isang hapag mula sa langit, na para sa amin ay magiging isang pagdiriwang para sa una sa amin at huli sa amin at isang tanda mula sa Iyo. Magtustos Ka sa amin, at Ikaw ay pinakamainam sa mga tagatustos."

(115) Nagsabi si Allāh: "Tunay na Ako ay magbababa nito sa inyo; kaya ang sinumang tatangging sumampalataya matapos niyon kabilang sa inyo, tunay na Ako ay magpaparusa sa kanya ng isang pagdurusang hindi Ako nagpaparusa nito sa isa kabilang sa mga nilalang."

(116) [Banggitin] kapag magsasabi si Allāh: "O Jesus na anak ni Maria, ikaw ba ay nagsabi sa mga tao: Gawin ninyo ako at ang ina ko bilang dalawang diyos bukod pa kay Allāh?" Magsasabi ito: "Kaluwalhatian sa Iyo! Hindi nagiging ukol sa akin na magsabi ako ng anumang wala akong karapatan. Kung nangyaring nagsabi ako niyon ay nakaalam Ka nga niyon. Nakaaalam Ka ng nasa sarili ko ngunit hindi ako nakaaalam ng nasa sarili Mo. Tunay na Ikaw ay ang Palaalam sa mga lingid.

(117) Hindi ako nagsabi sa kanila maliban ng ipinag-utos Mo sa akin na: Sumamba kayo kay Allāh na Panginoon ko at Panginoon ninyo. Ako noon sa kanila ay isang saksi hanggat nananatili ako sa piling nila; ngunit noong kumuha Ka sa akin, Ikaw ay ang Mapagmasid sa kanila. Ikaw sa bawat bagay ay Saksi.

(118) Kung magpaparusa Ka sa kanila, tunay na sila ay mga lingkod Mo; at kung magpapatawad Ka sa kanila, tunay na Ikaw ay ang Makapangyarihan, ang Marunong."

(119) Magsasabi si Allāh: "Ito ay Araw na magpapakinabang sa mga tapat ang katapatan nila. Ukol sa kanila ay mga hardin na dumadaloy mula sa ilalim ng mga ito ang mga ilog bilang mga nananatili sa mga ito magpakailanman." Nalugod si Allāh sa kanila at nalugod naman sila sa Kanya. Iyon ay ang pagkatamong sukdulan.

(120) Sa kay Allāh ang paghahari sa mga langit at lupa at anumang nasa mga ito. Siya sa bawat bagay ay May-kakayahan.

<     >