(1) Ang pagbubunyi, dahil sa mga katangian ng kalubusan at kapitaganan at dahil sa mga biyayang hayag at kubli, ay ukol kay Allāh lamang na nagpababa ng Qur'ān sa Lingkod Niya at Sugo Niyang si Muḥammad – sumakanya ang basbas at ang pagbati ng kapayapaan. Hindi Siya naglagay sa Qur'ān na ito ng isang pagkabaluktot at isang pagkiling palayo sa katotohanan.
(2) Bagkus gumawa Siya rito bilang tuwid, na walang salungatan dito at walang pagkakaiba-iba, upang magpangamba sa mga tagatangging sumampalataya laban sa isang pagdurusang malakas mula sa ganang Kanya na naghihintay sa kanila, at upang magpabatid sa mga mananampalatayang gumagawa ng mga gawaing maayos hinggil sa magpapagalak sa kanila: na ukol sa kanila ay isang gantimpalang maganda, na hindi napapantayan ng anumang gantimpala.
(3) bilang mga mananatili sa gantimpalang ito magpakailanman sapagkat hindi ito mapuputol sa kanila.
(4) at magpangamba sa mga Hudyo, mga Kristiyano, at ilan sa mga tagapagtambal, na nagsabi: "Gumawa si Allāh ng anak."
(5) Ang mga gumagawa-gawang ito ay walang anumang kaalaman o patunay sa inaangkin nila na pag-uugnay ng anak kay Allāh at ang mga ninuno nilang tinularan nila roon ay wala ring kaalaman. Bumigat sa kapangitan ang salitang iyon na lumalabas sa mga bibig nila nang walang pagpapakaunawa. Wala silang sinasabi kundi pananalitang sinungaling na walang batayan at walang saligan.
(6) Kaya baka ikaw, O Sugo, ay magpapahamak sa sarili mo dala ng lungkot at dalamhati kung hindi sila sumampalataya sa Qur'ān na ito, ngunit huwag mong gawin sapagkat hindi kailangan sa iyo ang kapatnubayan nila; tanging ang kailangan sa iyo ay ang pagpapaabot.
(7) Tunay na Kami ay gumawa sa anumang nasa ibabaw ng lupa na mga nilikha bilang karikitan para rito upang sumulit Kami sa kanila kung alin sa kanila ang pinakamaganda sa gawa ayon sa nagpapalugod sa Amin at kung alin sa kanila ang pinakamasagwa sa gawa upang gumanti Kami sa bawat isa ayon sa nagiging karapat-dapat dito.
(8) Tunay na Kami ay talagang magpapanibagong-anyo sa nasa balat ng lupa na mga nilikha upang maging lupang hungkag sa mga halaman. Iyon ay matapos ng pagwawakas ng buhay ng mga nilikhang nasa ibabaw nito kaya magsaalang-alang sila niyon.
(9) Huwag kang magpalagay, O Sugo, na ang kasaysayan ng magkakasama sa yungib at ng tablero nilang sinulatan ng mga pangalan nila ay kabilang sa mga tanda Naming kataka-taka, bagkus ang iba pa rito ay higit na kataka-taka, gaya ng pagkalikha sa mga langit at lupa.
(10) Banggitin mo, O Sugo, nang nagpakandili ang mga kabataang mananampalataya dahil sa pagtakas dahil sa relihiyon nila saka nagsabi sila sa panalangin nila sa Panginoon nila: "Panginoon namin, magbigay Ka sa amin mula sa ganang Iyo ng isang awa sa pamamagitan ng pagpapatawad Mo sa amin sa mga pagkakasala namin at pagliligtas Mo sa amin mula sa mga kaaway namin. Gumawa Ka para sa amin, kaugnay sa nauukol sa paglikas palayo sa mga tagatangging sumampalataya at [nauukol] sa pananampalataya, ng isang pagkapatnubay tungo sa daan ng katotohanan at isang pagkatama."
(11) Pagkatapos, matapos ng paglalakbay nila at pagpapakandili nila sa yungib, nagtakip Kami sa mga tainga nila ng isang tabing sa pagkarinig sa mga tunog at nagpukol Kami sa kanila ng pagkatulog sa loob ng maraming taon.
(12) Pagkatapos, matapos ng pagkatulog nilang matagal ay ginising Namin sila upang magpaalam Kami – ayon sa kaalaman ng paghahayag – kung alin sa dalawang pangkating nagtutunggalian sa [haba ng] yugto ng pamamalagi nila sa yungib ang higit na maalam sa sukat ng yugtong iyon.
(13) Kami ay nagpapabatid sa iyo, O Sugo, ng ulat sa kanila ayon sa katapatang walang mapag-aalinlanganan kasama dito. Tunay na sila ay mga kabataang sumampalataya sa Panginoon nila at gumawa ng pagtalima sa Kanya. Nagdagdag Kami sa kanila ng kapatnubayan at pagpapatatag sa katotohanan.
(14) Nagpalakas Kami sa mga puso nila sa pamamagitan ng pananampalataya, katatagan dito, at pagtitiis sa pag-iwan sa mga tinubuang-bayan, nang tumindig sila habang mga nagpapahayag sa harapan ng haring tagatangging sumampalataya ng pananampalataya nila kay Allāh lamang saka nagsabi sila rito: "Ang Panginoon Naming sinampalatayanan namin at sinamba namin ay ang Panginoon ng mga langit at ang Panginoon ng lupa. Hindi kami sasamba sa anumang iba pa sa Kanya na mga diyos na ipinagpapalagay ayon sa kasinungalingan [dahil] talaga ngang makapagsasabi Kami, kung sumamba Kami sa iba sa Kanya, ng isang pananalitang mapaniil na malayo sa katotohanan."
(15) Pagkatapos lumingon ang iba sa kanila sa iba pa habang mga nagsasabi: "Ang mga ito, ang mga tao namin, ay gumawa bukod pa kay Allāh ng mga sinasambang sinasamba nila gayong sila ay hindi nagmamay-ari para sa pagsamba sa mga iyon ng isang patotoong maliwanag. Kaya walang isang higit na tagalabag sa katarungan kaysa sa sinumang lumikha-likha laban kay Allāh ng isang kasinungalingan sa pamamagitan ng pag-uugnay ng katambal sa Kanya."
(16) Nang lumayo kayo sa mga kababayan ninyo at umiwan kayo sa anumang sinasamba nila bukod pa kay Allāh kaya wala kayong sinasamba maliban kay Allāh lamang saka nagpakandili kayo sa yungib bilang pagtakas dahil sa relihiyon ninyo, nagkaloob naman para sa inyo ang Panginoon ninyo – kaluwalhatian sa Kanya – mula sa awa Niya ng mangangalaga sa inyo laban sa mga kaaway ninyo at magsasanggalang sa inyo. Magpapagaan para sa inyo ng nauukol sa inyo ang pakikinabangan ninyo mula sa ipanunumbas Niya sa inyo kapalit ng pamumuhay sa piling ng mga kababayan ninyo.
(17) Kaya sumunod sila sa ipinag-utos sa kanila. Nagsanhi si Allāh ng pagkatulog sa kanila at nangalaga Siya sa kanila laban sa kaaway nila. Makikita mo, O tagapanood sa kanila, ang araw, kapag lumitaw iyon sa silangan niyon, na kumikiling palayo sa yungib nila sa dakong kanan ng papasok dito, at kapag lumubog iyon sa sandali ng paglubog niyon, na lumilihis palayo sa yungib sa dakong kaliwa niyon kaya hindi tumatama iyon dito. Sila ay nasa isang lilim na palagian, na hindi nakasasakit sa kanila ang init ng araw habang sila ay nasa isang kalawakan ng yungib. Naidudulot sa kanila mula sa hangin ang kinakailangan nila. Ang nangyayaring iyon sa kanila na pagkakanlong sa kanila sa yungib, ang pagsasanhi ng pagkatulog para sa kanila, ang paglihis ng araw palayo sa kanila, ang paglawak ng pook nila, at ang pagliligtas sa kanila laban sa mga kababayan nila ay kabilang sa mga kataka-taka mula sa gawa ni Allāh, na nagpapatunay sa kakayahan Niya. Ang sinumang itinuon ni Allāh sa daan ng kapatnubayan ay ito ang napapatnubayan nang totohanan. Ang sinumang binigo Niya roon at pinaligaw Niya ay hindi ka makatatagpo para rito ng isang tagapag-adya na magtutuon dito sa kapatnubayan at maggagabay dito roon dahil ang kapatnubayan ay nasa kamay ni Allāh at hindi nasa kamay nito mismo.
(18) Magpapalagay ka, O nakatingin sa kanila, na sila ay mga gising dahil sa pagkabukas ng mga mata nila gayong ang totoo ay na sila ay mga natutulog. Nagpapabaling Kami sa kanila sa pagtulog nila: minsan sa kanan at minsan sa kaliwa, upang hindi kainin ng lupa ang mga katawan nila, habang ang aso nilang sumasama sa kanila ay nakalatag ang dalawang unahang biyas nito sa pasukan ng yungib. Kung sakaling tumingin ka sa kanila at nakapanood ka sa kanila ay talaga sanang tumalikod ka palayo sa kanila habang tumatakas dala ng pangamba dahil sa kanila at talaga sanang napuno ang sarili mo ng hilakbot dahil sa kanila.
(19) Gaya ng ginawa Namin sa kanila kabilang sa binanggit Namin na mga kataka-taka sa kakayahan Namin, ginising Namin sila matapos ng isang yugtong matagal upang magtanong ang isa't isa sa kanila tungkol sa yugto na namalagi sila habang mga natutulog. Kaya sumagot ang iba sa kanila: "Namalagi tayong mga natutulog nang isang araw o isang bahagi ng isang araw." Sumagot naman ang iba pa sa kanila kabilang sa hindi nahayag sa kanila ang yugto ng pamamalagi nila habang mga natutulog: "Ang Panginoon ninyo ay higit na nakaaalam sa yugto ng pamamalagi ninyo habang mga natutulog, kaya magpaubaya kayo sa Kanya ng kaalaman niyon at magpakaabala kayo sa makatutulong sa inyo. Kaya magsugo kayo ng isa sa inyo kalakip ng mga pilak na salapi ninyong ito patungo sa nakagisnang lungsod natin, saka tumingin siya kung alin sa mga naninirahan doon ang higit na kaaya-aya sa pagkain at higit na kaaya-aya sa kinikita, saka magdala siya sa inyo ng pagkain mula roon, maghinay-hinay siya sa pagpasok niya, paglabas niya, at pakikitungo niya, maging mahusay siya, at huwag siyang magpabaya na may isang makaalam sa pook ninyo dahil sa ireresulta dahil doon na isang kapinsalaang mabigat.
(20) Tunay na ang mga kababayan ninyo, kung makababatid sa inyo at makaalam sa pook ninyo, ay papatay sa inyo sa pamamagitan ng pagpukol ng bato o magpapabalik sa inyo sa kapaniwalaan nilang nakalihis, na kayo dati ay nakabatay roon bago nagmagandang-loob si Allāh sa inyo ng kapatnubayan tungo sa relihiyon ng katotohanan. Kung bumalik kayo roon ay hindi kayo magtatagumpay magpakailanman: hindi sa buhay na pangmundo at hindi sa Kabilang-buhay. Bagkus malulugi kayo sa dalawang ito ng pagkaluging mabigat dahilan sa pag-iwan ninyo sa relihiyon ng katotohanang ipinatnubay sa inyo ni Allāh at sa pagbalik ninyo sa kapaniwalaang nakalihis na iyon."
(21) Gaya ng paggawa Namin sa kanila ng mga gawaing kataka-takang nagpapatunay sa kakayahan Namin gaya ng pagpapatulog sa kanila nang maraming taon at paggising sa kanila matapos niyon, ipinabatid Namin sa kanila ang mga naninirahan sa lungsod nila upang malaman ng mga naninirahan sa lungsod nila na ang pangako Namin ng pag-aadya sa mga mananampalataya at ng pagbuhay ay totoo at na ang Araw ng Pagbangon ay darating nang walang duda hinggil doon. Kaya noong nabunyag ang lagay ng magkakasama sa yungib at namatay sila, nagkaiba-iba ang mga nakababatid sa kanila kung ano ang gagawin ng mga ito patungkol sa kanila. May nagsabing isang pangkat kabilang sa mga ito: "Magpatayo kayo sa pintuan ng yungib nila ng isang gusaling tatakip sa kanila at mangangalaga sa kanila. Ang Panginoon nila ay higit na nakaaalam sa kalagayan nila saka ang kalagayan nila ay humihiling na mayroon silang pagkatangi sa ganang Kanya." Nagsabi naman ang mga may impluwensiya kabilang sa mga walang kaalaman ni pahayag na tumpak: "Talagang gagawa nga kami sa ibabaw ng pook nilang ito ng isang patirapaan para sa pagsamba bilang pagpaparangal para sa kanila at pagpapaalaala sa pook nila."
(22) Magsasabi ang ilan sa mga tagapagtalakay sa kasaysayan nila tungkol sa bilang nila: "Sila ay tatlo, na ang ikaapat sa kanila ay ang aso nila." Magsasabi naman ang iba sa mga iyon: "Sila ay lima, na ang ikaanim sa kanila ay ang aso nila." Ang kapwa pangkatin ay nagsabi lamang ng sinabi nito bilang pagsunod sa palagay nila nang walang patunay. Magsasabi pa ang iba sa mga iyon: "Sila ay pito, na ang ikawalo sa kanila ay ang aso nila." Sabihin mo, O Sugo: "Ang Panginoon ko ay higit na maalam sa bilang nila; walang nakaaalam sa bilang nila kundi kaunting kabilang sa tinuruan ni Allāh ng bilang nila. Kaya huwag kang makipagtalo, hinggil sa bilang nila ni hinggil sa iba pa rito na mga kalagayan nila, sa mga May Kasulatan ni sa iba pa sa mga ito malibang ayon sa pakikipagtalong hayag na walang kalaliman doon, sa pamamagitan ng pagkakasya sa bumaba sa iyo na pagkasi patungkol sa kanila. Huwag kang magtanong sa isa kabilang sa mga iyon hinggil sa mga detalye patungkol sa kanila sapagkat tunay na ang mga iyon ay hindi nakaalam niyon."
(23) Huwag ka ngang magsasabi, O Sugo, sa anumang ninanais mong gawin bukas: "Tunay na ako ay gagawa ng bagay na ito bukas," dahil ikaw ay hindi nakaaalam kung makagagawa ka kaya nito o may hahadlang sa pagitan mo at niyon. Ito ay isang panuto para sa bawat Muslim.
(24) Maliban na isalalay mo ang paggawa nito sa kalooban ni Allāh sa pamamagitan ng pagsabi mo ng: "Gagawin ko ito – kung niloob ni Allāh – bukas." Alalahanin mo ang Panginoon mo sa pamamagitan ng pagsabi mo ng: "Kung niloob ni Allāh," kung nakalimot kang magsabi nito; at sabihin mo: "Umaasa ako na gumabay sa akin ang Panginoon ko para sa higit na malapit kaysa sa bagay na ito sa kapatnubayan at pagtutuon."
(25) Nanatili ang magkakasama sa yungib sa yungib nila nang tatlong daan at siyam na taon.
(26) Sabihin mo, O Sugo: "Si Allāh ay higit na maalam sa tagal ng ipinanatili nila sa yungib nila. Nagpabatid nga Siya sa atin ng yugto ng pananatili nila roon kaya walang masasabing ukol sa isa man matapos ng pagsabi Niya – kaluwalhatian sa Kanya. Ukol sa Kanya lamang – kaluwalhatian sa Kanya – ang anumang nakalingid sa mga langit at ang anumang nakalingid sa lupa sa paglikha at kaalaman. Kay husay ng pagkakita Niya – kaluwalhatian sa Kanya – sapagkat Siya ay nakakikita sa bawat bagay. Kay husay ng pagkarinig Niya sapagkat Siya ay nakaririnig sa bawat bagay. Walang ukol sa kanila bukod pa sa Kanya na anumang katangkilik na tatangkilik sa nauukol sa kanila. Hindi Siya nagpapatambal sa paghahatol Niya sa isa man sapagkat Siya ang namumukod-tangi lamang sa paghahatol."
(27) Bumigkas ka, O Sugo, at gumawa ka ayon sa ikinasi ni Allāh sa iyo mula sa Qur'ān sapagkat walang tagapagpalit sa mga salita Niya dahil ang mga ito ay katapatan sa kabuuan ng mga ito at katarungan sa kabuuan ng mga ito. Hindi ka makatatagpo bukod pa sa Kanya – kaluwalhatian sa Kanya – ng isang madudulugang dudulugan mo ni isang mapagpapakupkupang pagpapakupkupan mo maliban pa sa Kanya.
(28) Mag-obliga ka sa sarili mo sa pagsama sa mga dumadalangin sa Panginoon nila ng panalangin ng pagsamba at panalangin ng paghiling sa simula ng maghapon at wakas nito, habang mga nagpapakawagas sa Kanya. Huwag lumampas ang dalawang mata mo palayo sa kanila, na nagnanais ng pakikisama sa mga may kayamanan at kamaharlikaan. Huwag kang tumalima sa sinumang ginawa Namin ang puso niya na nalilingat sa pag-alaala sa Amin sa pamamagitan ng pagtatakip Namin dito, kaya nag-utos siya sa iyo ng pagpapalayo sa mga maralita buhat sa pagtitipon mo at nagpauna siya ng pinipithaya ng sarili niya kaysa sa pagtalima sa Panginoon niya habang ang mga gawain niya ay naging pagkasayang.
(29) Sabihin mo, O Sugo, sa mga naliligtang ito sa pag-alaala kay Allāh dahil sa pagkalingat ng mga puso nila: "Ang inihatid ko sa inyo ay ang katotohanan. Ito ay mula sa ganang kay Allāh, hindi mula sa ganang akin. Hindi ako tutugon sa panawagan ninyo sa akin na itaboy ko ang mga mananampalataya. Kaya ang sinumang lumuob kabilang sa inyo ng pananampalataya sa katotohanang ito ay sumampalataya siya rito at magagalak siya sa ganti rito; at ang sinumang lumuob kabilang sa inyo ng kawalang-pananampalataya rito ay tumanggi siyang sumampalataya at maliligalig siya sa parusang naghihintay sa kanya." Tunay na Kami ay naghanda para sa mga tagalabag sa katarungan sa mga sarili nila, dahil sa pagpili sa kawalang-pananampalataya, ng apoy na papaligid sa kanila ang mga bakod nito kaya hindi nila kakayaning tumakas mula roon. Kung hihiling sila ng isang saklolo sa pamamagitan ng tubig dahil sa tindi ng dinaranas nila na uhaw, sasaklolohan sila ng isang tubig na gaya ng langis na maputik na matindi ang init, na iihaw sa mga mukha nila dala ng tindi ng init nito. Kay sagwa bilang inumin ang inuming ito na isasaklolo sa kanila sapagkat ito ay hindi nakasasapat para sa uhaw bagkus nakadaragdag pa ito roon at hindi nakaapula ng liyab na pumapaso sa mga balat nila. Kay sagwa ang apoy bilang tuluyang tutuluyan nila at bilang pinanatilihang pananatilihan nila!
(30) Tunay na ang mga sumampalataya kay Allāh at gumawa ng mga gawang maayos samantalang nagpaganda nga sila ng mga gawa nila, ukol sa kanila ay isang gantimpalang dakila. Tunay na Kami ay hindi magsasayang sa pabuya ng sinumang nagpaganda ng gawa, bagkus maglulubos Kami sa kanila sa mga pabuya nila nang buo na hindi nababawasan.
(31) Ang mga nailalarawang iyon sa [pagtataglay ng] pananampalataya at paggawa ng mga gawaing maayos ay ukol sa kanila ang mga hardin ng pananatili, na mananatili sila sa mga iyon magpakailanman. Dumadaloy mula sa ilalim ng mga tuluyan nila ang mga matamis na ilog ng Paraiso. Gagayakan sila roon ng mga pulseras mula sa ginto at magdadamit sila ng mga kasuutang luntian mula sa manipis na sutla at makapal na sutla. Sasandig sila sa mga sopang ginayakan ng mga marikit na tabing. Kay ganda ang gantimpala bilang gantimpala sa kanila at kay ganda ang Paraiso bilang tuluyan at bilang pinanatilihang pananatilihan nila!
(32) Maglahad ka, O Sugo, ng isang paghahalintulad ng dalawang lalaki: isang tagatangging sumampalataya at isang mananampalataya. Nagtalaga Kami para sa tagatangging sumampalataya kabilang sa kanilang dalawa ng dalawang taniman ng mga ubas, nagpaligid Kami sa dalawang taniman ng mga punong-datiles, at nagpatubo Kami sa bakanteng bahagi ng kalatagan ng dalawang ito ng mga pananim.
(33) Saka namunga ang bawat taniman ng mga bunga nito na datiles, ubas, at pananim. Hindi nagkukulang ito roon ng anuman, bagkus nagbigay ito niyon nang sapat at lubos. Nagpadaloy Kami sa pagitan ng dalawang ito ng isang ilog para dumilig sa dalawang ito nang may kadalian.
(34) Nagkaroon ang may-ari ng dalawang taniman ng mga yaman at mga iba pang bunga kaya nagsabi siya sa kasamahan niyang mananampalataya habang siya ay nakikipag-usap dito upang magpasikat dito habang nalilinlang: "Ako ay higit na marami kaysa sa iyo sa mga yaman, higit na makapangyarihan sa impluwensiya, at higit na malakas sa angkan."
(35) Pumasok ang tagatangging sumampalataya sa taniman niya habang kasa-kasama ng mananampalataya upang ipakita rito iyon habang siya ay lumalabag sa katarungan sa sarili niya dahil sa kawalang-pananampalataya at paghanga [sa sarili]. Nagsabi ang tagatangging sumampalataya: "Hindi ako nagpapalagay na malilipol ang tanimang ito na nasasaksihan mo dahil sa ginawa ko para rito ng mga kadahilanan ng pananatili.
(36) Hindi ako nagpalagay na ang Pagbangon [ng mga patay] ay mangyayari. [Ang buhay na] ito ay isang buhay na nagpapatuloy lamang. Ipagpalagay na magaganap ito, kapag binuhay ako at ibinalik ako sa Panginoon ko ay talagang makatatagpo nga ako matapos ng pagkabuhay ng panunumbalikan ko na higit na mainam kaysa sa taniman kong ito sapagkat ang pagiging mayaman ko sa Mundo ay humihiling na ako ay maging mayaman matapos ng pagkabuhay."
(37) Nagsabi sa kanya ang kasamahan niyang mananampalataya habang ito ay umuulit sa kanya ng pangungusap: "Tumanggi ka bang sumampalataya sa lumikha sa ama mong si Adan mula sa alabok, pagkatapos lumikha sa iyo mismo mula sa punlay, pagkatapos gumawa sa iyo bilang isang taong lalaki, nagpaangkop sa mga bahagi ng katawan mo, at gumawa sa iyong buo? Ang nakakaya niyon sa kabuuan niyon ay nakakakaya sa pagbuhay muli sa iyo.
(38) Subalit ako ay hindi nagsasabi ng sabi mong ito. Nagsasabi lamang ako: 'Siya ay si Allāh – kaluwalhatian sa Kanya – na Panginoon ko, ang tagapagmabuting-loob ng mga biyaya Niya sa atin. Hindi ako nagtatambal sa Kanya ng isa man sa pagsamba.
(39) Bakit kaya – nang pumasok ka sa hardin mo – hindi ka nagsabi: 'Ang niloob ni Allāh [ay naganap]; walang lakas sa isa man malibang sa pamamagitan ni Allāh sapagkat Siya ay ang gumagawa ng niloloob Niya at Siya ay ang Malakas.' Kaya kung nangyaring nakikita mo ako na higit na maralita kaysa sa iyo at higit na kaunti sa mga anak,
(40) ako ay umaasa na magbigay sa akin si Allāh ng higit na mabuti kaysa sa taniman mo at magpadala Siya sa taniman mo ng isang pagdurusa mula sa langit para ang taniman mo ay maging isang lupang walang halaman, na madudulas diyan ang mga paa dahil sa kakinisan niyan;
(41) o maalis ang tubig niyan palubog sa lupa kaya hindi mo kakayanin ang umabot doon gamit ng isang kaparaanan. Kapag lumubog ang tubig niyan ay walang matitira para riyan."
(42) Nagkatotoo ang inasahan ng mananampalataya sapagkat pumaligid ang kapahamakan sa mga bunga ng taniman ng tagatangging sumampalataya. Kaya nagsimula ang tagatangging sumampalataya na nagbaling-baling ng mga kamay niya dahil sa tindi ng panghihinayang at pagsisisi dahil sa mga salaping iniukol niya sa pagpapatayo niyon at pagsasaayos niyon. Ang taniman ay gumuho sa mga panukod niyon na ginagapangan ng mga sanga ng ubas. Nagsasabi siya: "O kung sana ako ay sumampalataya sa Panginoon ko lamang at hindi nagtambal kasama sa Kanya ng isa man sa pagsamba!"
(43) Hindi nagkaroon ang tagatangging sumampalatayang ito ng isang pangkat na magtatanggol sa kanya laban sa pagdurusang dumapo sa kanya. Siya ay ang dating nagmamalaki ng pangkat niya. Hindi nangyaring siya ay nakapagsasanggalang sa pagpapahamak ni Allāh sa taniman niya.
(44) Sa katayuang iyon, ang pag-aadya ay ukol kay Allāh lamang. Siya – kaluwalhatian sa Kanya – ay pinakamabuti sa gantimpala sa mga katangkilik Niya kabilang sa mga mananampalataya sapagkat Siya ay nagpapaibayo para sa kanila ng gantimpala, at pinakamabuti sa kahihinatnan para sa kanila.
(45) Maglahad ka, O Sugo, para sa mga nalilinlang sa Mundo, ng isang paghahalintulad. Ang paghahalintulad sa Mundo sa paglalaho nito at bilis ng pagwawakas nito ay tulad ng tubig ng ulan na pinababa Namin mula sa langit. Tumubo sa pamamagitan ng tubig na ito ang halaman ng lupa at nahinog ito, saka ang halamang ito ay naging nagkadurug-durog na nagkalugsu-lugso. Tinatangay ng hangin ang mga bahagi nito patungo sa ibang mga dako kaya nanumbalik sa lupa gaya ng dati. Laging si Allāh sa bawat bagay ay Kumakaya: hindi Siya napawawalang-kakayahan ng anuman, saka nagbibigay-buhay Siya sa anumang niloob Niya at lumilipol Siya sa anumang niloob Niya.
(46) Ang yaman at ang mga anak ay kabilang sa ipinanggagayak sa buhay na pangmundo. Walang pakinabang sa yaman sa Kabilang-buhay maliban kung ginugol ito sa nagpapalugod kay Allāh. Ang mga gawa at ang mga salita na kinalulugdan sa ganang kay Allāh ay higit na mabuti sa gantimpala kaysa sa bawat anumang nasa Mundo na gayak. Ito ay higit na mabuting maaasahan ng tao dahil ang gayak sa Mundo ay maglalaho samantalang ang gantimpala sa mga gawa at mga salitang kinalulugdan sa ganang kay Allāh ay mananatili.
(47) [Banggitin mo] ang Araw na mag-aalis Kami ng mga bundok mula sa mga kinalalagyan ng mga ito. Makikita mo ang lupa na nakalantad dahil sa paglaho ng anumang nasa ibaba nito na mga bundok, mga punong-kahoy, at gusali. Magtitipon Kami ng lahat ng mga nilikha saka hindi Kami mag-iwan mula sa kanila ng isa man malibang bubuhayin Namin.
(48) Itatanghal ang mga tao sa Panginoon mo sa mga hanay para tumuos Siya sa kanila. Sasabihin sa kanila: "Talaga ngang pumunta kayo sa Amin bilang mga individuwal na mga nakayapak na mga nakahubad na mga di-tuli gaya ng nilikha Namin kayo sa unang pagkakataon. Bagkus nag-angkin kayo na kayo ay hindi bubuhaying muli at na Kami ay hindi gagawa para sa inyo ng isang panahon at isang pook na gaganti Kami sa inyo roon sa mga gawa ninyo."
(49) Ilalagay ang talaan ng mga gawa saka may kukuha ng talaan nito sa pamamagitan ng kanang kamay nito at may kukuha niyon sa pamamagitan ng kaliwang kamay nito. Makakikita ka, O tao, sa mga tagatangging sumampalataya na mga nangangamba dahil sa nasaad dito dahil sila ay nakaaalam sa inilahad nila rito na kawalang-pananampalataya at mga pagsuway. Magsasabi sila: "O kapahamakan namin at kasawian namin! Ano ang mayroon sa talaang ito na hindi nag-iiwan ng isang maliit ni isang malaki sa mga gawa namin malibang iningatan nito iyon at binilang nito iyon." Matatagpuan nila ang mga pagsuway na ginawa nila sa buhay nila sa Mundo na nakasulat at pinagtibay. Hindi lumalabag sa katarungan ang Panginoon mo, O Sugo, sa isa man, kaya hindi Siya nagpaparusa sa isa man nang walang pagkakasala at hindi Siya bumabawas sa tagatalima ng anuman mula sa pabuya ng pagtalima nito.
(50) Banggitin mo, O Sugo, noong nagsabi Kami sa mga anghel: "Magpatirapa kayo kay Adan ng patirapa ng pagbati," at nagpatirapa naman sila sa kabuuan nila sa kanya, bilang pagsunod sa utos ng Panginoon nila maliban kay Satanas; siya noon ay kabilang sa mga jinn at hindi nangyaring siya ay kabilang sa mga anghel. Tumanggi siya at nagmalaki sa pag-ayaw sa pagpapatirapa kaya lumabas siya sa pagtalima sa Panginoon niya. Kaya ba gagawa kayo, O mga tao, sa kanya at sa mga anak niya bilang mga katangkilik na tatangkilikin ninyo bukod pa sa Akin, samantalang sila ay mga kaaway para sa inyo? Papaanong nagagawa ninyo na ang mga katangkilik para sa inyo ay ang mga kaaway ninyo? Kaaba-aba at kapangit-pangit ng gawain ng mga tagalabag sa katarungan na ginawa nilang ang demonyo ay ang katangkilik para sa kanila bilang pamalit sa pagtangkilik kay Allāh – pagkataas-taas Siya!
(51) Itong mga ginawa ninyo bilang mga katangkilik bukod pa sa Akin ay mga aliping mga tulad ninyo. Hindi Ko sila pinasaksi sa paglikha sa mga langit ni sa paglikha sa lupa nang nilikha Ko ang mga ito. Bagkus hindi sila noon mga umiiral. Hindi Ko pinasaksi ang iba sa kanila sa paglikha sa iba pa sapagkat Ako ay ang Namumukod-tangi sa paglikha at pangangasiwa. Hindi nangyaring Ako ay gagawa sa mga tagapagpaligaw kabilang sa mga demonyo ng tao at jinn bilang mga katulong sapagkat Ako ay walang-pangangailangan sa mga katulong.
(52) Banggitin mo sa kanila, O Sugo, ang Araw ng Pagbangon kapag magsasabi si Allāh sa mga nagtambal sa Kanya sa Mundo: "Dumalangin kayo sa mga katambal sa Akin, na inangkin ninyo na sila ay mga katambal para sa Akin, nang sa gayon sila ay mag-adya sa inyo." Kaya dadalangin sila sa mga iyon ngunit hindi tutugon ang mga iyon sa panalangin nila at hindi mag-aadya sa kanila. Maglalagay Kami sa pagitan ng mga tagasamba at mga sinasamba ng isang pagkakapahamak na makikibahagi sila roon, ang Apoy ng Impiyerno.
(53) Mapagmamasdan ng mga tagapagtambal ang Apoy saka matitiyak nila nang lubusang katiyakan na sila ay mga babagsak doon at hindi sila makatatagpo palayo roon ng isang pook na lilihisan nila.
(54) Talaga ngang naglinaw Kami at nagsarisari Kami sa Qur’ān na ito na pinababa kay Muḥammad – ang basbas at ang pagbati ng kapayapaan ay sumakanya – ng marami sa mga uri ng mga paghahalimbawa upang magsaalaala sila at mapangaralan sila subalit ang tao – lalo na ang tagatangging sumampalataya – ay pinakamadalas na bagay sa paglalantad ng pakikipagtalo sa hindi katotohanan.
(55) Hindi humadlang sa pagitan ng mga tagatangging sumampalatayang nagmamatigas at ng pananampalataya sa inihatid niMuḥammad – basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan – mula sa Panginoon niya at hindi humadlang sa pagitan nila at ng paghiling ng kapatawaran mula kay Allāh para sa mga pagkakasala nila ang kakulangan ng paglilinaw sapagkat nailahad para sa kanila ang mga paghahalintulad sa Qur'ān at dumating sa kanila ang mga katwirang maliwanag. Pumigil lamang sa kanila ang paghiling nila – dahil sa kasutilan – ng pagpapabagsak sa kanila ng parusa sa mga kalipunang nauna at ang pagkakita sa parusa na ipinangako sa kanila.
(56) Hindi Kami nagpapadala ng ipinadadala Namin na mga sugo kundi bilang mga tagapagbalita ng nakagagalak sa mga alagad ng pananampalataya at pagtalima, at bilang mga tagapagpangamba sa mga alagad ng kawalang-pananampalataya at pagsuway. Wala silang pangingibabaw sa mga puso sa pagdala sa mga ito sa kapatnubayan. Nakikipag-alitan ang mga tumangging sumampalataya kay Allāh at sa mga sugo sa kabila ng kaliwanagan ng patunay sa kanila upang maalis nila sa pamamagitan ng kabulaanan nila ang katotohanang pinababa kay Muḥammad – basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan. Gumawa sila sa Qur'ān at sa anumang ipinangangamba sa kanila bilang katatawanan at bilang panunuya.
(57) Walang isang higit na matindi sa kawalang-katarungan kaysa sa sinumang napaalalahanan ng mga tanda ng Panginoon niya ngunit hindi siya umalintana sa nasaad dito na isang banta ng pagdurusa, umayaw siya na mapangaralan sa pamamagitan ng mga ito, at lumimot siya sa inihain niya sa buhay niya sa Mundo na kawalang-pananampalataya at mga pagsuway at hindi siya nagbalik-loob. Tunay na Kami ay naglagay sa mga puso ng mga ganito ang paglalarawan sa kanila ng mga panakip na pipigil sa mga ito sa pag-intindi sa Qur'ān, at [naglagay] sa mga tainga nila ng pagkabingi roon kaya hindi sila nakaririnig niyon ayon sa pagkarinig ng pagtanggap. Kung mag-aanyaya ka sa kanila sa patnubay ay hindi sila tutugon sa ipinaaanyaya mo sa kanila magpakailanman hanggat may nanatili sa mga puso nila na mga panakip at [may nanatili] sa mga tainga nila na pagkabingi.
(58) Upang hindi mag-asam-asam ang Propeta – basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan – sa pakikipagmadalian sa mga tagapagpasinungaling sa pagdurusa, nagsabi si Allāh sa kanya: "Ang Panginoon mo, O Propeta, ay ang Mapagpatawad sa mga pagkakasala ng mga lingkod Niyang mga nagbabalik-loob, ang may awa na sumakop sa bawat bagay." Bahagi ng awa Niya na Siya ay nagpapalugit sa mga suwail nang sa gayon sila ay magbabalik-loob sa Kanya. Ngunit kung sakaling Siya – pagkataas-taas Siya – ay magpaparusa sa mga taga-ayaw na ito, talaga sanang nag-apura Siya para sa kanila ng pagdurusa sa buhay na pangmundo subalit Siya ay Matimpiin, Maawain, na nag-antala sa kanila ng pagdurusa upang magbalik-loob sila. Bagkus may ukol sa kanila na isang pook at isang panahon na mga tinakdaan, na gagantihan sila sa mga iyon dahil sa kawalang-pananampalataya nila at pag-ayaw nila kung hindi sila nagbalik-loob. Hindi sila makatatagpo bukod pa rito ng isang madudulugan na dudulugan nila.
(59) Yaong mga pamayanang tumatangging sumampalataya na malapit sa inyo tulad ng mga pamayanan ng nina Hūd, Ṣāliḥ, at Shu`ayb, nagpahamak Kami sa kanila nang lumabag sila sa katarungan sa mga sarili nila dahil sa kawalang-pananampalataya at mga pagsuway at gumawa Kami para sa pagpapahamak sa kanila ng isang panahong tinakdaan.
(60) Banggitin mo, O Sugo, nang nagsabi si Moises – sumakanya ang pagbati ng kapayapaan – sa tagapaglingkod niyang si Josue na anak ni Nūn: "Hindi ako titigil maglakbay hanggang sa makarating ako sa pinagtatagpuan ng dalawang dagat o maglakbay nang isang matagal na panahon hanggang sa makatagpo ko ang lingkod na maayos para matuto ako mula sa kanya."
(61) Kaya naglakbay silang dalawa, saka noong nakarating silang dalawa sa pinagtatagpuan ng dalawang dagat ay nakalimot silang dalawa sa isda nilang dalawa na ginawa nilang dalawa bilang baon para sa kanilang dalawa kaya binuhay ni Allāh ang isda at gumawa ito ng isang daan sa dagat tulad ng lagusan na hindi nag-uugnay ang tubig doon.
(62) Kaya noong nakalagpas silang dalawa sa pook na iyon ay nagsabi si Moises – sumakanya ang pagbati ng kapayapaan – sa tagapaglingkod niya: "Dalhin mo sa atin ang pagkain ng umaga. Talaga ngang dumanas tayo mula sa paglalakbay nating ito ng isang matinding pagod."
(63) Nagsabi ang bata: "Nakita mo ba ang nangyari nang dumulog tayo sa bato sapagkat tunay na ako ay nakalimot na bumanggit sa iyo patungkol sa isda? Walang nagpalimot sa akin na bumanggit niyon sa iyo kundi ang demonyo. Nabuhay nga ang isda at gumawa iyon para sa sarili niyon ng isang daan sa dagat, na nag-uudyok sa pagtataka."
(64) Nagsabi si Moises sa tagapaglingkod niya: "Iyon ay ang dati na nating ninanais sapagkat iyon ay palatandaan ng pook ng maayos na lingkod." Kaya nanumbalik silang dalawa habang sinusundan nilang dalawa ang mga bakas ng mga paa nilang dalawa upang hindi silang dalawa mawala palayo sa daan hanggang sa nagwakas silang dalawa sa bato at mula roon patungo sa pinasukan ng isda.
(65) Kaya noong dumating silang dalawa sa pook ng pinaglahuan ng isda, nakatagpo silang dalawa roon ng isang lingkod kabilang sa mga lingkod Naming mga maayos. (Siya ay si Al-Khiḍr – sumakanya ang pagbati ng kapayapaan.) Nagbigay Kami sa kanya ng awa mula sa ganang Amin at nagturo Kami sa kanya mula sa ganang Amin ng kaalaman, na hindi nakababatid dito ang mga tao. Iyan ay ang nilaman ng kasaysayang ito.
(66) Nagsabi sa kanya si Moises sa pagpapakumbaba at pagkamabait: "Susunod kaya ako sa iyo para magturo ka sa akin mula sa itinuro sa iyo ni Allāh na kaalaman na isang paggabay tungo sa katotohanan?"
(67) Nagsabi si Al-Khiḍr: "Tunay na ikaw ay hindi kakaya sa pagtitiis sa makikita mula sa kaalaman ko dahil iyon ay hindi sumasang-ayon sa taglay mo na kaalaman.
(68) Papaano kang magtitiis sa makikita mo na mga gawain na hindi ka naman nakaaalam sa aspeto ng pagkatama kaugnay sa mga ito dahil ikaw ay hahatol sa mga ito sa abot ng kaalaman mo?"
(69) Nagsabi si Moises: "Matatagpuan mo ako, kung niloob ni Allāh, na isang magtitiis sa makikita ko mula sa iyo na mga gawain habang nanatili sa pagtalima sa iyo at hindi ako susuway sa iyo ng isang utos na ipag-uutos mo sa akin."
(70) Nagsabi si Al-Khiḍr kay Moises: "Kung susunod ka sa akin ay huwag kang magtanong sa akin tungkol sa isang bagay kabilang sa masasaksihan mo sa akin na isasagawa ko hanggang sa ako ay maging ang tagapasimula sa paglilinaw ng dahilan nito."
(71) Kaya noong napagkaisahan nilang dalawa iyon, humayo silang dalawa patungo sa baybayin ng dagat hanggang sa nakatagpo silang dalawa ng isang daong. Kaya sumakay silang dalawa roon nang walang upa bilang pagpaparangal kay Al-Khiḍr ngunit binutas ni Al-Khiḍr ang daong sa pamamagitan ng pagtuklap sa isa sa mga tabla nito. Kaya nagsabi sa kanya si Moises: "Binutas mo ba ang daong na nagpalulan sa atin ang may-ari nito sa loob nito nang walang upa, sa pag-asang lunurin mo ang may-ari nito? Talaga ngang gumawa ka ng isang bagay na sukdulan."
(72) Nagsabi si Al-Khiḍr kay Moises: "Hindi ba nagsabi ako tunay na ikaw ay hindi kakaya sa akin sa pagtitiis sa makikita mo mula sa akin?"
(73) Nagsabi si Moises – sumakanya ang pagbati ng kapayapaan – kay Al-Khiḍr : "Huwag kang manisi sa akin dahilan sa pagkaiwan ko sa pangako sa iyo dala ng pagkalimot, huwag kang gumipit sa akin, at huwag kang magpahigpit sa pagsama ko."
(74) Kaya humayo silang dalawa matapos ng pagbaba nilang dalawa mula sa daong para maglakad sa baybayin, saka nakakita silang dalawa ng isang batang lalaking hindi pa tumuntong sa pagbibinata, na naglalaro kasama ng mga batang lalaki. Pinatay iyon ni Al-Khiḍr kaya nagsabi sa kanya si Moises: "Pumatay ka ba ng isang kaluluwang malinis na hindi pa tumuntong sa pagbibinata nang walang anumang pagkakasala? Talaga ngang gumawa ka ng isang bagay na minamasama!"
(75) Nagsabi si Al-Khiḍr kay Moises – sumakanya ang pagbati ng kapayapaan: "Tunay na ako ay nagsabi na sa iyo, tunay na ikaw, O Moises, ay hindi makakakaya sa pagtitiis sa isasagawa kong anuman."
(76) Nagsabi si Moises – sumakanya ang pagbati ng kapayapaan: "Kung magtatanong pa ako tungkol sa isang bagay matapos ng pagkakataong ito ay humiwalay ka sa akin sapagkat nakarating ka sa punto na mapauumanhinan ka sa pag-iwan sa pakikisama sa akin dahil sa ako ay sumalungat sa utos mo nang dalawang ulit."
(77) Kaya naglakbay silang dalawa hanggang sa nang dumating silang dalawa sa mga naninirahan sa isang pamayanan ay humiling silang dalawa mula sa mga naninirahan doon ng pagkain ngunit tumanggi ang mga naninirahan sa pamayanan sa pagpapakain sa kanila at pagtupad sa tungkulin ng pagtanggap sa kanilang dalawa bilang panauhin. Saka nakatagpo silang dalawa sa pamayanan ng isang bakod na nakakiling na nalalapit nang bumagsak at malugso kaya ipinantay ito ni Al-Khiḍr hanggang sa tumuwid ito. Nagsabi si Moises – sumakanya ang pagbati ng kapayapaan – kay Al-Khiḍr: "Kung sakaling niloob mong kumuha ng upa sa pag-aayos nito ay talagang nakakuha ka nito para sa pangangailangan natin matapos ng pagtanggi nila sa pagtanggap sa atin bilang panauhin."
(78) Nagsabi si Al-Khiḍr kay Moises: "Ang pagtutol na ito sa hindi ko pagkuha ng isang upa sa pagtatayo ng bakod ay punto ng paghihiwalay sa pagitan natin. Magpapabatid ako sa iyo ng pakahulugan ng hindi mo nakayang tiisin kabilang sa nasaksihan mo sa akin na isinagawa ko.
(79) Hinggil sa daong na minasama mo sa akin ang pagbutas niyon, iyon ay pag-aari ng mga mahinang nagtatrabaho gamit iyon sa dagat, na hindi nakakakaya sa pagwawaksi niyon. Kaya nagnais ako na iyon ay maging napinsala sa pamamagitan ng ginawa ko roon upang hindi kamkamin iyon ng isang haring nasa harapan nila, na nangunguha ng bawat daong na maayos nang sapilitan mula sa mga may-ari nito at nag-iiwan ng bawat daong na napinsala.
(80) Hinggil sa batang lalaking minasama mo sa akin ang pagpatay sa kanya, ang mga magulang niya ay mga mananampalataya at siya naman sa kaalaman ni Allāh ay isang tagatangging sumampalataya. Kaya nangamba kami na kung nagbinata siya ay baka magdala siya sa kanilang dalawa sa kawalang-pananampalataya kay Allāh at pagmamalabis dahil sa kalabisan ng pag-ibig nilang dalawa sa kanya o dahil sa kalabisan ng pangangailangan nilang dalawa sa kanya.
(81) Kaya nagnais kami na tumumbas sa kanilang dalawa si Allāh ng isang anak na higit na mabuti kaysa sa kanya sa relihiyon, kaayusan, at kadalisayan mula sa mga pagkakasala, at higit na malapit sa awa sa mga magulang kaysa sa kanya.
(82) Tungkol sa bakod na inayos ko at minasama mo sa akin ang pag-ayos niyon, iyon ay pag-aari ng dalawang munting batang lalaki sa lungsod na pinuntahan natin, na namatay na ang ama nilang dalawa. Sa ilalim ng bakod ay may kayamanang nakalibing para sa kanilang dalawa. Ang ama ng dalawang batang ito noon ay maayos. Kaya nagnais ang Panginoon mo, O Moises, na tumuntong silang dalawa sa gulang ng kasapatang isip, na lumaki silang dalawa, at magpalabas silang dalawa ng kayamanan nilang dalawang nakalibing sa ilalim niyon, yayamang kung sakaling bumagsak ang bakod sa sandaling iyon ay talagang malalantad ang kayamanan nilang dalawa at sasailalim sa pagkawala. Ang pakanang ito ay isang awa mula sa Panginoon mo sa kanilang dalawa. Ang anumang ginawa ko mula sa pagpupunyagi ko, iyon ang paliwanag sa hindi mo kinaya ang pagtitiis doon."
(83) Nagtatanong sa iyo, O Sugo, ang mga tagapagtambal at ang mga Hudyo bilang mga sumusubok tungkol sa ulat sa may dalawang sungay. Sabihin mo: "Bibigkas ako sa inyo mula sa ulat sa kanya ng isang bahaging makapagsasaalang-alang kayo at makapag-aalaala kayo.
(84) Tunay na Kami ay nagbigay-kapangyarihan para sa kanya sa lupain at nagbigay sa kanya mula sa bawat bagay na nakasalalay rito ang hinihiling niya ng isang daang umaabot siya sa pamamagitan nito sa ninanais niya.
(85) Kaya tumanggap siya sa ibinigay Namin sa kanya na mga kaparaanan at mga paraan para makaabot sa hinihiling niya saka dumako siya sa kanluran.
(86) Naglakbay siya sa lupain, na hanggang sa nang makarating siya sa wakas ng lupain sa dako ng kanluran ng araw sa abot ng nakikita ng mata ay nakita niya ito na para bang ito ay lumulubog sa isang mainit na bukal na may putik na itim at nakatagpo siya sa malapit sa kanluran ng araw ng mga taong tagatangging sumampalataya. Nagsabi Kami sa kanya bilang paraan ng pagpapapili: O Dhul Qarnayn, maaari na magparusa ka sa mga ito sa pamamagitan ng pagpatay o sa pamamagitan ng iba pa at maaari na gumawa ka ng maganda sa kanila."
(87) Nagsabi si Dhulqarnayn: "Hinggil sa sinumang nagtambal kay Allāh at nagpumilit niyon matapos ng paanyaya namin dito tungo sa pagsamba kay Allāh, magpaparusa kami rito sa pamamagitan ng pagpatay sa Mundo. Pagkatapos pababalikin ito sa Panginoon nito sa Araw ng Pagbangon saka pagdurusahin Niya ito ng isang pagdurusang karumal-dumal.
(88) Hinggil sa sinumang sumampalataya kabilang sa kanila kay Allāh at gumawa ng gawang maayos, ukol dito ang Paraiso bilang ganti mula sa Panginoon nito dahil sa pananampalataya nito at gawa nitong maayos. Magsasabi kami rito mula sa utos namin nang may kabaitan at pagkabanayad."
(89) Pagkatapos sumunod siya sa isang daan na hindi ang daan niyang una habang dumadako sa dako ng sinisikatan ng araw.
(90) Naglakbay siya, na hanggang sa nang nakarating siya sa lugar na nililitawan ng araw sa abot ng nakikita ng mata ay nakatagpo siya sa araw na lumilitaw sa mga taong hindi Kami gumawa para sa kanila laban sa araw ng anumang magsasanggalang sa kanila gaya ng mga bahay at gaya ng mga lilim ng mga punong-kahoy.
(91) Gayon ang lagay ng may dalawang sungay at pumaligid nga ang kaalaman Namin sa mga detalye ng taglay niya na lakas at kapamahalaan.
(92) Pagkatapos sumunod siya sa isang daang hindi ang unang dalawang daan, na nakapahalang sa pagitan ng silangan at kanluran.
(93) Naglakbay siya hanggang sa nang nakarating siya sa bukana sa pagitan ng dalawang bundok saka nakatagpo siya sa bahagi ng dalawang ito ng mga taong hindi halos nakaiintindi ng pananalita ng iba pa sa kanila.
(94) Nagsabi sila: "O Dhulqarnayn, tunay na ang Gog at ang Magog (tumutukoy sila sa dalawang kalipunang malaki kabilang sa mga anak ni Adan) ay mga tagagulo sa lupain dahil sa isinasagawa nila na pagpatay at iba pa. Kaya magtatalaga kaya kami para sa iyo ng yaman para gumawa ka sa pagitan namin at nila ng isang pangharang?"
(95) Nasabi si Dhulqarnayn: "Ang anumang itinustos sa akin ng Panginoon ko na paghahari at kapamahalaan ay higit na mabuti para sa akin kaysa sa ibibigay ninyo sa akin na yaman; ngunit tulungan ninyo ako sa pamamagitan ng mga kalalakihan at mga kagamitan, gagawa ako sa pagitan ninyo at nila ng isang pangharang.
(96) Maghatid kayo ng mga piraso ng bakal." Kaya naghatid sila ng mga ito saka nagsimula siya na nagpapatayo sa pamamagitan ng mga ito sa pagitan ng dalawang bundok hanggang sa nang nagpantay siya sa dalawang ito sa pamamagitan ng pagpapatayo niya. Nagsabi siya sa mga manggagawa: "Magpaliyab kayo ng apoy sa mga pirasong ito." Hanggang sa nang namula ang mga piraso ng bakal ay nagsabi siya: "Maghatid kayo sa akin ng tanso, magbubuhos ako nito roon."
(97) Kaya hindi nakakaya ang Gog at ang Magog na pumaitaas doon dahil sa taas niyon at hindi sila nakakaya na bumutas roon mula sa ilalim niyon dahil sa katigasan niyon.
(98) Nagsabi si Dhulqarnayn: "Ang sagabal na ito ay isang awa mula sa Panginoon ko, na hahadlang sa Gog at Magog at sa panggugulo sa lupain at pipigil sa kanila roon; ngunit kapag dumating ang oras na tinakdaan ni Allāh para sa paglabas nila bago ng pagsapit ng Huling Sandali, gagawin Niya itong kapantay sa lupa. Laging ang pangako ni Allāh ng pagpapantay nito sa lupa at ng paglabas ng Gog at Magog ay matatag, walang pagsira rito."
(99) Mag-iiwan Kami sa iba sa mga nilikha sa hulihan ng panahon, na nagkakalituhan at nagkakahalu-halo sa iba pa. Iihip sa tambuli saka magtitipon Kami sa mga nilikha sa kabuuan nila para sa pagtutuos at pagganti.
(100) Magpapalitaw Kami sa Impiyerno para sa mga tagatangging sumampalataya sa isang pagpapalitaw na walang kalituhang kasama roon upang masaksihan nila iyon sa mata.
(101) Palilitawin iyon para sa mga tagatangging sumampalataya, na sila dati sa Mundo ay mga bulag sa pag-alaala kay Allāh dahil sa taglay ng mga mata nila na tabing na humahadlang doon. Sila dati ay hindi nakakakaya ng pagdinig sa mga tanda ni Allāh ayon sa pagkarinig ng pagtanggap.
(102) Kaya nagpalagay ba ang mga tumangging sumampalataya sa Akin na makagawa sila sa mga alipin Ko na mga anghel, mga sugo, at mga demonyo bilang mga sinasamba bukod pa sa Akin? Tunay na Kami ay naglaan sa Impiyerno para sa mga tagatangging sumampalataya bilang tahanan para sa pananatili nila.
(103) Sabihin mo, O Sugo: "Magpapabatid kaya kami sa inyo, O mga tao, hinggil sa pinakamabigat sa mga tao sa pagkalugi sa gawain niya?
(104) Ang mga makakikita sa Araw ng Pagbangon na ang pinagsumikapan nila na pinagsisikapan nila noon sa Mundo ay nawala na, habang sila ay nagpapalagay na sila ay mga tagagawa ng maganda sa pagsusumikap nila at makikinabang sa mga gawain nila samantalang ang reyalidad ay kasalungatan niyon.
(105) Ang mga iyon ay ang mga tumangging sumampalataya sa mga tanda ng Panginoon nila na nagpapatunay sa paniniwala sa kaisahan Niya at tumangging sumampalataya sa pakikipagkita sa Kanya kaya napawalang-saysay ang mga gawain nila dahil sa kawalang-pananampalataya nila sa mga iyon saka walang ukol sa kanila sa Araw ng Pagbangon na isang halaga sa ganang kay Allāh.
(106) Ang ganting iyon na inihanda para sa kanila ay Impiyerno dahil sa kawalang-pananampalataya nila kay Allāh at paggawa nila sa mga tanda Niyang pinababa sa mga sugo Niya bilang panunuya.
(107) Tunay na ang mga sumampalataya kay Allāh at gumawa ng mga gawang maayos ay magiging ukol sa kanila ang pinakamataas sa mga paraiso bilang tahanan para sa pagpaparangal sa kanila,
(108) bilang mga mamalagi sa mga iyon magpakailanman, na hindi sila hihiling palayo sa mga iyon ng isang paglilipat-lipat dahil walang nakawawangis sa mga iyon na isang ganti.
(109) Sabihin mo, O Sugo: "Tunay na ang mga salita ng Panginoon ko ay marami kaya kung sakaling ang dagat ay tinta para sa mga ito na ipanunulat, talaga sanang nagwakas ang tubig ng dagat bago magwakas ang mga salita Niya – kaluwalhatian sa Kanya. Kung sakaling nagdala kami ng [tinta na singdami ng] mga iba pang dagat, talaga sanang naubos ang mga ito."
(110) Sabihin mo, O Sugo: "Ako ay tao lamang tulad ninyo. Ikinakasi sa akin na ang sinasamba ninyo ayon sa karapatan ay sinasambang nag-iisang walang katambal sa Kanya. Siya ay si Allāh. Kaya ang sinumang nangyaring nangangamba sa pakikipagkita sa Panginoon niya ay gumawa siya ng gawang umaalinsunod sa batas ni Allāh bilang nagpapakawagas dito para sa Panginoon niya at huwag siyang magtambal sa pagsamba sa Panginoon Niya ng isa man."