(1) Alif. Lām. Rā'. Nauna na ang pagtatalakay sa mga ito at sa mga kapareho ng mga ito sa simula ng Kabanatang Al-Baqarah. Ang mga talatang ito na pinababa sa kabanatang ito ay bahagi ng mga talata ng Qur'ān na maliwanag sa anumang nilaman nito.
(2) Tunay na Kami ay nagpababa ng Qur’an sa wika ng mga Arabe, nang sa gayon kayo, O mga Arabe, ay makaiintindi sa mga kahulugan nito.
(3) Kami ay nagsasalaysay sa iyo, O Sugo, ng pinakamaganda sa mga salaysay dahil sa katapatan nito, kawastuhan ng mga pananalita nito, at retorika nito sa pamamagitan ng pagpapababa Namin sa iyo ng Qur’ān na ito. Tunay na ikaw dati bago pa ng pagpapababa nito ay kabilang sa mga nalilingat sa mga salaysay na ito: walang kaalaman sa iyo rito.
(4) Nagpapabatid Kami sa iyo, O Sugo, nang nagsabi si Jose sa ama niyang si Jacob: "O ama ko, tunay na ako ay nakakita sa panaginip ng labing-isang tala. Nakita ko ang araw at ang buwan; nakita ko ang lahat ng iyon na sa harap ko ay mga nakapatirapa." Ang panaginip na ito ay isang maagang balitang nakagagalak para kay Jose – sumakanya ang pagbati ng kapayapaan.
(5) Nagsabi si Jacob sa anak nitong si Jose: "O anak ko, huwag kang bumanggit ng panaginip mo sa mga kapatid mo para hindi sila makaintindi nito at hindi sila mainggit sa iyo para hindi sila magpakana sa iyo ng isang pakana dala ng isang pagkainggit mula sa kanila. Tunay na ang demonyo para sa tao ay isang kaaway na maliwanag ang pangangaway."
(6) Gaya ng pagkakita mo sa panaginip na iyon, pipiliin ka, O Jose, ng Panginoon mo, ituturo Niya sa iyo ang paghahayag sa mga panaginip, at lulubusin Niya ang biyaya Niya sa iyo sa pamamagitan ng pagkapropeta gaya ng paglubos Niya sa biyaya Niya sa dalawang ninuno mo, bago mo pa, na sina Abraham at Isaac. Tunay na ang Panginoon mo ay Maalam sa paglikha Niya, Marunong sa pangangasiwa Niya.
(7) Talaga ngang hinggil sa ulat kay Jose at sa ulat sa mga kapatid niya ay may mga maisasaalang-alang at mga pangaral para sa mga nagtatanong tungkol sa mga ulat sa kanila.
(8) Nang nagsabi ang mga kapatid nila sa gitna nila: "Talagang si Jose at ang kapatid niyang buo ay higit na kaibig-ibig sa ama natin kaysa sa atin samantalang tayo ay isang pangkat na may bilang, kaya papaanong nagtangi siya sa dalawa higit sa atin? Tunay na tayo ay talagang makapagtuturing sa kanya na nasa isang pagkakamaling malinaw nang nagtangi siya sa dalawa higit sa atin nang walang kadahilanang lumilitaw sa atin.
(9) Patayin ninyo si Jose o paglahuin ninyo siya sa isang malayong lupain, matatangi para sa inyo ang mukha ng ama ninyo para umibig siya sa inyo nang buong pag-ibig at kayo, matapos na maglalakas-loob kayo laban sa kanya ng pagpatay sa kanya o pagpapalaho sa kanya, ay magiging mga taong maayos kapag magbabalik-loob kayo mula sa pagkakasala ninyo."
(10) Nagsabi ang isa sa magkakapatid: "Huwag ninyong patayin si Jose; subalit itapon ninyo siya sa kailaliman ng balon, kukunin siya ng ilan sa mga manlalakbay na daraan sa kanya. Ito ay higit na magaan na pinsala kaysa sa pagpatay sa kanya, kung kayo ay mga desidido sa sinabi ninyo kaugnay sa kanya."
(11) Noong nagkaisa sila sa pagpapalayo sa kanya ay nagsabi sila sa ama nilang si Jacob: "O ama namin, ano ang mayroon sa iyo? Hindi mo kami ginagawa bilang mga katiwala kay Jose? Tunay na kami ay talagang mga nagmamalasakit para sa kanya. Aalagaan namin siya laban sa pipinsala sa kanya. Kami ay mga tagapayo sa kanya sa pag-iingat sa kanya at pag-aalaga sa kanya hanggang sa umuwi siya sa iyo nang ligtas. Kaya ano ang pumipigil sa iyo sa pagpapadala sa kanya kasama sa amin?
(12) Magpahintulot ka sa amin, dadalhin namin siya kasama sa amin bukas. Magtatamasa siya ng pagkain at magsasaya siya. Tunay na kami para sa kanya ay talagang mga tagapag-ingat laban sa bawat nakasasakit na dadapo sa kanya."
(13) Nagsabi si Jacob sa mga anak niya: "Tunay na ako ay talagang nalulungkot sa pag-alis ninyo kasama niya dahil ako ay hindi makatiis sa pagkahiwalay sa kanya at nangangamba para sa kanya na kainin siya ng lobo habang kayo ay mga nalilibang malayo sa kanya sa pagpapasasa at paglalaro."
(14) Nagsabi sila sa ama nila: "Talagang kung kinain ng lobo si Jose samantalang kami ay isang pangkat, tunay na kami sa kalagayang ito ay walang kabutihan sa amin sapagkat kami ay mga talunan yayamang hindi namin siya naipagtanggol sa lobo."
(15) Kaya ipinadala siya ni Jacob kasama sa kanila. Kaya noong nakaalis sila kasama niya at nagpasya sila na itapon siya sa ilalim ng balon, nagkasi Kami kay Jose sa kalagayang ito: "Talagang magpapabatid ka nga sa kanila hinggil sa pinaggagawa nilang ito samantalang sila ay hindi nakararamdam sa iyo sa sandali ng pagpapabatid mo sa kanila."
(16) Dumating ang mga kapatid ni Jose sa ama nila sa oras ng gabi na nag-iiyak-iyakan bilang pagsusulong sa panlalansi nila.
(17) Nagsabi sila: "O ama namin, tunay na kami ay umalis, na nag-uunahan sa pagtakbo at nagbabatuhan ng mga sibat. Iniwan namin si Jose sa tabi ng mga kasuutan namin at mga baon namin upang magbantay sa mga ito, saka kinain siya ng lobo. Ikaw ay hindi maniniwala sa amin kahit pa kami sa tunay na pangyayari ay mga tapat sa ipinabatid namin sa iyo."
(18) Nagbigay-diin sila sa ulat nila sa pamamagitan ng isang panggugulang sapagkat naghatid sila ng kamisa ni Jose na nabahiran ng dugo na hindi dugo niya, habang mga nagpapaakala na ito ay bakas ng pagkakain ng lobo sa kanya. Ngunit nakatalos si Jacob – sa pamamagitan ng isang pahiwatig na ang damit ay hindi nagkapunit-punit – sa kasinungalingan nila, kaya nagsabi siya sa kanila: "Ang nangyari ay hindi gaya ng ipinabatid ninyo, bagkus nang-akit sa inyo ang mga sarili ninyo sa isang masagwang bagay na ginawa ninyo. Kaya ang nauukol sa akin ay isang pagtitiis na marilag, na walang panghihinawa rito. Si Allāh ay ang hinihilingan ng tulong laban sa binabanggit ninyo na nangyari kay Jose."
(19) May dumating na isang karabang napararaan; saka nagpadala sila ng umiigib sa kanila ng tubig kaya naglugay ito ng timba nito sa balon. Kaya lumambitin si Jose sa lubid. Kaya noong nakakita sa kanya ang naglugay niyon ay nagsabi ito na nagagalak: "O balitang nakagagalak sa akin! Ito ay isang batang lalaki." Ikinubli siya ng tagaigib nila at ng ilan sa mga kasamahan nito sa nalalabi sa karaban, habang mga nag-aangkin na siya ay isang paninda na maititinda nila. Si Allāh ay Maalam sa ginagawa nila kay Jose na kawalang-dangal at pagbebenta: walang nakakukubli sa Kanya mula sa gawa nila na anuman.
(20) Ibinenta siya ng tagaigib at ng mga kasamahan nito sa Ehipto sa halagang katiting sapagkat ito ay mga dirham na madaling bilangin dahil sa kakauntian ng mga ito. Sila ay kabilang sa mga nagwawalang-halaga sa kanya dahil sa sigasig nila sa paghahangad nila sa pagwawaksi sa kanya nang mabilisan sapagkat nalaman nga nila mula sa kalagayan niya na siya ay hindi isang alipin. Nangamba sila para sa mga sarili nila mula sa mag-anak niya. Ito ay bahagi ng kalubusan ng awa ni Allāh sa kanya upang hindi siya manatili kasama sa kanila nang matagal.
(21) Nagsabi ang lalaking bumili sa kanya mula sa Ehipto sa maybahay nito: "Gumawa ka ng maganda sa kanya at magparangal ka sa pananatili niya kasama sa atin. Harinawa siya ay magpapakinabang sa atin sa pagsasagawa sa ilan sa kinakailangan natin, o gawin nating anak sa pamamagitan ng pag-ampon." Kung paanong nagligtas si Allāh kay Jose mula sa pagkakapatay, nagpalabas Siya rito mula sa balon, at nagpairog dito sa puso ng Makapangyarihan, nagbigay-kapangyarihan si Allāh para sa kanya sa Ehipto at upang magturo Siya sa kanya ng pagpapakahulugan ng mga panaginip. Si Allāh ay nananaig sa pinangyayari Niya sapagkat ang pinangyayari Niya ay matutupad, saka walang nakapipilit sa Kanya – kaluwalhatian sa Kanya – subalit ang karamihan sa mga tao – ang mga tagatangging sumampalataya – ay hindi nakaaalam niyon.
(22) Noong umabot si Jose sa edad ng kalakasan ng katawan ay nagbigay si Allāh sa kanya ng pagkaintindi at kaalaman. Tulad ng ganting ito na iginanti ni Allāh sa kanya, gaganti Siya sa mga tagagawa ng maganda sa pagsamba nila sa Kanya.
(23) Hiniling ng maybahay ng Makapangyarihan nang may lumanay at paggamit ng panggugulang kay Jose – sumakanya ang pagbati ng kapayapaan – na gumawa ng mahalay. Nagsara ito ng mga pinto bilang pagpapasidhi sa pagsasarilinan at nagsabi ito sa kanya: "Pumarito ka at halika ka sa akin!" Kaya nagsabi si Jose: "Nagpapasanggalang ako kay Allāh laban sa pag-anyaya mo sa akin! Tunay na ang amo ko ay gumawa ng maganda sa akin sa pagpapanatili sa akin sa piling niya kaya hindi ako magtataksil sa kanya sapagkat kung nagtaksil ako sa kanya, ako ay magiging isang tagalabag sa katarungan. Tunay na hindi nagtatamo ang mga tagalabag sa katarungan."
(24) Talaga ngang napaibig ang sarili nito sa paggawa ng mahalay; at sumagi sa sarili ni Jose mismo iyon, kung sakaling hindi siya nakakita ng mula sa mga tanda ni Allāh, na pumipigil sa kanya roon at naglalayo sa kanya. Ipinakita nga sa kanya ni Allāh iyon upang alisin sa kanya ang kasagwaan at ilayo siya sa pangangalunya at pagtataksil. Tunay na si Jose ay kabilang sa mga lingkod ni Allāh na mga pinili para sa pagkasugo at pagkapropeta.
(25) Nag-unahan silang dalawa patungo sa pintuan: si Jose upang magligtas siya sa sarili niya at ang babae upang pumigil ito sa kanya sa paglabas, saka humawak ito sa kamisa niya upang pumigil sa kanya sa paglabas kaya nakawarat ito roon mula sa likuran niyon. Nakatagpo silang dalawa sa asawa nito sa tabi ng pinto. Nagsabi ang maybahay ng Makapangyarihan sa Makapangyarihan habang nanggugulang: "Walang iba ang parusa sa sinumang naglayon sa maybahay mo, O Makapangyarihan, ng paggawa ng mahalay kundi ang pagkabilanggo o na pagdusahin ng isang pagdurusang nakasasakit."
(26) Nagsabi si Yusuf – sumakanya ang pagbati ng kapayapaan: "Siya ang humiling mula sa akin ng mahalay at hindi ako nagnais niyon mula sa kanya." May naudyukan na isang paslit kabilang sa kasambahay nito, saka sumaksi iyon sa pagsabi niyon: "Kung ang kamisa ni Yusuf ay nawarat mula sa harapan niyon, iyon ay isang kaugnay na patunay sa katapatan nito (babae) dahil ito ay nagtatanggol sa kanya ng sarili nito kaya siya ay sinungaling."
(27) Kung nangyaring ang kamisa niya ay nawarat mula sa likuran niyon, iyon ay isang kaugnay na patunay sa katapatan niya dahil ito noon ay nagtatangkang mang-akit sa kanya at siya naman ay tumatakas palayo rito, kaya ito ay sinungaling."
(28) Kaya noong nakasaksi ang Makapangyarihan na ang kamisa ni Jose – sumakanya ang pagbati ng kapayapaan – ay nawarat mula sa likuran nito, nagpatotoo ito sa katapatan ni Jose at nagsabi iyon: "Tunay na ang paninirang-puring ito na ipinanirang-puri mo sa kanya ay bahagi ng kabuuan ng pakana ninyo, O katipunan ng mga babae; tunay na ang panlalansi ninyo [na mga babae] ay panlalansing malakas.
(29) Nagsabi siya kay Jose: "O Jose, magwalang-bahala ka tungkol sa usaping ito at huwag kang bumanggit nito sa isa man. [Maybahay,] humiling ka ng kapatawaran sa kasalanan mo! Tunay na ikaw ay kabilang sa mga nagkakasala dahilan sa pagtatangkang mang-akit kay Jose palayo sa sarili niya."
(30) Lumaganap ang ulat hinggil sa kanya sa lungsod at may nagsabing isang pangkatin ng mga babae bilang pagmamasama: "Ang maybahay ng Makapangyarihan ay nag-anyaya ng alipin niya para sa sarili niya. Umabot ang pag-ibig doon sa pagkahumaling ng puso niya. Tunay na kami ay talagang nagtuturing sa kanya – dahilan sa pagtatangka niyang mang-akit doon at sa pag-ibig niya roon gayong iyon ay alipin niya – na nasa isang pagkaligaw na maliwanag."
(31) Kaya noong nakarinig ang maybahay ng Makapangyarihan sa pagmamasama nila rito at panlilibak nila rito, nagpadala ito sa kanila ng paanyaya sa kanila upang makita nila si Jose para humingi sila ng paumanhin dito. Naghanda ito para sa kanila ng isang lugar na may mga supa at mga unan. Nagbigay ito sa bawat isa mula sa mga babaing inanyayahan ng isang kutsilyong ipanghihiwa sa pagkain. Nagsabi ito kay Jose – sumakanya ang pagbati ng kapayapaan: "Lumabas ka sa kinaroroonan nila." Kaya noong nakatingin sila sa kanya ay dumakila sila sa kanya. Nagulat sila sa kakisigan niya at namangha sila sa ganda niya. Dahil sa tindi ng pagkamangha sa kanya, nasugatan nila ang mga kamay nila ng mga kutsilyong inihanda para sa paghiwa sa pagkain. Nagsabi sila: "Nagpawalang-kapintasan si Allāh! Ang binatang ito ay hindi isang mortal sapagkat ang taglay niya na kagandahan ay hindi nalaman sa mortal. Walang iba siya kundi isang anghel na marangal kabilang sa mga anghel na mararangal!"
(32) Nagsabi ang maybahay ng Makapangyarihan sa mga babae noong nakita nito ang dumapo sa kanila: "Ito ay ang binatang namintas kayo sa akin dahilan sa pag-ibig sa kanya. Talaga ngang umakit ako sa kanya at nanggulang ako sa pagpapalisya sa kanya ngunit tumanggi siya. Talagang kung hindi siya gagawa sa hinihiling ko mula sa kanya sa hinaharap ay talagang papasok nga siya sa bilangguan at talagang siya ay magiging kabilang nga sa mga kaaba-aba."
(33) Nagsabi si Jose – sumakanya ang pagbati ng kapayapaan: "O Panginoon ko, ang bilangguang ibinabanta niya sa akin ay higit na kaibig-ibig sa akin kaysa sa inaanyaya nila sa akin na paggawa ng mahalay. Kung hindi ka mag-aalis palayo sa akin ng panlalansi nila, kikiling ako sa kanila at ako ay magiging kabilang sa mga mangmang kung kumiling ako sa kanila at pumayag ako sa kanila sa ninanais nila mula sa akin."
(34) Kaya tumugon si Allāh sa dalangin niya, at nag-alis sa kanya ng panlalansi ng maybahay ng Makapangyarihan at panlalansi ng mga babae ng lungsod. Tunay na Siya – kaluwalhatian sa Kanya at pagkataas-taas Siya – ay ang Madinigin sa panalangin ni Jose at sa panalangin ng bawat dumadalangin, ang Maalam sa kalagayan niya at kalagayan ng iba pa sa kanya.
(35) Pagkatapos nangyaring bahagi ng pananaw ng Makapangyarihan at ng mga kalipi nito, noong nakasaksi sila sa mga patunay ng kawalang-sala niya, na magbilanggo sila sa kanya, upang hindi mabunyag ang iskandalo, hanggang sa isang yugtong hindi nalalaman.
(36) Kaya ibinilanggo nila siya at may pumasok kasama sa kanya na dalawang binata sa bilangguan. Nagsabi ang isa sa dalawang binata kay Jose: "Tunay na ako ay nakakita sa panaginip na ako ay pumipiga ng ubas upang maging alak." Nagsabi naman ang ikalawa: "Tunay na ako ay nakakita [sa panaginip] na ako ay nagpapasan sa ibabaw ng ulo ko ng tinapay, na kumakain ang mga ibon mula roon. Magpabatid ka sa amin, O Jose, ng pagpapaliwanag ng napanaginipan namin. Tunay na kami ay nakakikita sa iyo na kabilang sa mga alagad ng paggawa ng maganda."
(37) Nagsabi si Jose – sumakanya ang pagbati ng kapayapaan: "Walang pumupunta sa inyo na pagkaing ipinararating sa inyong dalawa mula sa hari o iba pa sa kanya malibang maglilinaw ako para sa inyong dalawa ng katotohanan niyon at katangian niyon bago pumunta ito sa inyong dalawa. Ang pagpapakahulugang iyon na ipaaalam ko ay kabilang sa itinuro sa akin ng Panginoon ko, hindi mula sa panghuhula ni mula sa astrolohiya. Tunay na ako ay nag-iwan sa relihiyon ng mga taong hindi sumasampalataya kay Allāh habang sila sa Kabilang-buhay ay mga tagatangging sumampalataya.
(38) Sumunod ako sa relihiyon ng mga ninuno kong sina Abraham, Isaac, at Jacob. Ito ay ang relihiyon ng paniniwala sa kaisahan ni Allāh. Hindi natutumpak para sa amin na magtambal kami kay Allāh ng iba pa sa Kanya. Siya ay ang namumukod-tangi sa kaisahan. Ang paniniwala sa kaisahan Niya at ang pananampalatayang iyon na ako at ang mga ninuno ko ay nakabatay ay bahagi ng kabutihang-loob ni Allāh sa amin, na nagtuon Siya sa amin doon, at bahagi ng kabutihang-loob Niya sa mga tao sa kalahatan nang nagpadala Siya sa kanila ng mga propeta dahil doon. Subalit ang higit na marami sa mga tao ay hindi nagpapasalamat kay Allāh sa mga biyaya Niya bagkus tumatangging sumampalataya sa Kanya.
(39) Pagkatapos kinausap ni Jose ang dalawang binata sa kulungan, na nagsasabi: "Ang pagsamba ba sa mga diyos na sarisari ay higit na mabuti o ang pagsamba kay Allāh, ang Nag-iisa, na walang katambal sa Kanya, ang Palalupig sa iba sa Kanya, na hindi nalulupig?"
(40) Wala kayong sinasamba bukod pa kay Allāh kundi mga pangalan sa hindi mga pinangalanan, na tinawag ninyo mismo at ng mga ninuno ninyo na mga diyos. Walang ukol sa mga ito na isang bahagi sa pagkadiyos. Hindi nagpababa si Allāh sa pagpapangalan ninyo sa mga ito ng katwirang nagpapatunay sa katumpakan ng mga ito. Walang iba ang paghahatol sa lahat ng mga nilikha kundi ukol kay Allāh lamang, hindi ukol sa mga pangalang ito na ipinangalan ninyo mismo at ng mga ninuno ninyo. Nag-utos si Allāh – kaluwalhatian sa Kanya – na pakaisahin ninyo Siya sa pagsamba at sumaway Siya na magtambal kayo kasama sa Kanya ng iba pa sa Kanya. Ang paniniwala sa kaisahang iyon ay ang Relihiyong tuwid na walang kabaluktutan dito, subalit ang higit na marami sa mga tao ay hindi nakaaalam niyon. Dahil doon, nagtatambal sila kay Allāh kaya sumasamba sila sa ilan sa mga nilikha Niya.
(41) O dalawang kapisan ko sa bilangguan, hinggil sa nanaginip na siya ay pumipiga ng ubas upang maging alak, tunay na siya ay lalabas mula sa kulungan at manunumbalik sa gawain niya para magpainom siya sa hari; at hinggil naman sa nanaginip na sa ibabaw ng ulo niya ay may tinapay na kumakain ang mga ibon mula roon, tunay na siya ay papatayin at bibitayin kaya kakain ang mga ibon mula sa karne ng ulo niya. Natapos ang usapin na humiling kayong dalawa ng habilin hinggil doon at nalubos sapagkat ito ay magaganap nang walang pasubali."
(42) Nagsabi si Jose sa natiyak niya na ito ay maliligtas mula sa dalawang ito – ang tagapagpainom ng hari: "Bumanggit ka ng kasaysayan ko at lagay ko sa piling ng hari, nang sa gayon siya ay magpalabas sa akin mula sa bilangguan," ngunit nagpalimot ang Demonyo sa tagapagpainom ng pagbanggit kay Jose sa piling ng hari, kaya nanatili si Jose sa bilangguan matapos niyon nang ilang taon.
(43) Nagsabi ang hari: "Tunay na ako ay nakakita sa panaginip ng pitong bakang matataba na kinakain ng pitong bakang payat at nakakita ng pitong uhay na luntian at pitong uhay na tuyot. O mga ginoo at mga maharlika, magpabatid kayo sa akin ng pagpapakahulugan sa panaginip kong ito kung nangyaring kayo ay mga nakaaalam ng pagpapakahulugan ng panaginip."
(44) Nagsabi sila: "Ang panaginip mo ay mga paghahalo ng mga napanaginipan. Ito ay hindi gayon kaya walang pagpapakahulugan dito. Hindi kami mga nakaaalam sa pagpapaliwanag ng mga napanaginipang nagkahalu-halo."
(45) Nagsabi ang tagapagpainom na naligtas mula sa dalawang binatang bilanggo, at nakaalaala kay Jose – sumakanya ang pagbati ng kapayapaan – at sa taglay niya na kaalaman sa pagpapakahulugan sa panaginip, matapos ng isang yugto: "Ako ay magpapabatid sa inyo hinggil sa pagpapakahulugan sa napanaginipan ng hari matapos ng pagtatanong sa may kaalaman sa pagpapakahulugan nito. Kaya magpadala ka sa akin, O hari, kay Jose upang magpakahulugan siya sa panaginip mo."
(46) Kaya noong nakarating kay Jose ang nakaligtas ay nagsabi ito sa kanya: "O Jose, O pagkatapat-tapat, magpabatid ka sa amin tungkol sa pagpapakahulugan sa nanaginip ng pitong bakang matataba na kinain ng pitong bakang payat, at nanaginip ng pitong uhay na luntian at nanaginip ng pitong uhay na tuyot, nang sa gayon ako ay babalik tungo sa hari at mga nasa piling niya, nang sa gayon sila ay makaaalam ng paghahayag sa panaginip ng hari at makaaalam sa kalamangan mo at kalagayan mo."
(47) Nagsabi si Jose – sumakanya ang pagbati ng kapayapaan – habang naghahayag sa panaginip na ito: "Magtatanim kayo nang pitong taong nagkakasunuran nang dibdiban, saka ang anumang aanihin ninyo sa bawat taon mula sa pitong taong iyon ay iwan ninyo sa mga uhay nito bilang paghahadlang dito laban sa pagkabulok, maliban sa kaunti mula sa kakailanganin ninyong mga butil para kainin.
(48) Pagkatapos may darating – matapos na ng pitong taon na mataba na iyon na nagtanim kayo sa mga iyon – na pitong taong tagtuyot, na kakain ang mga tao sa mga iyon ng bawat inani sa mga taon na mataba, maliban sa kaunti mula sa iniingatan ninyo na bahagi ng magiging punla.
(49) Pagkatapos may darating – matapos ng mga taon na tagtuyot na iyon – na isang taon na bababa doon ang mga ulan, tutubo ang mga pananim, at pipiga doon ang mga tao ng kakailanganin para pigain gaya ng ubas, oliba, at tubo.
(50) Nagsabi ang Hari sa mga tagatulong nito noong umabot dito ang paghahayag ni Jose sa panaginip nito: "Palabasin ninyo siya mula sa bilangguan at dalhin ninyo siya sa akin." Ngunit noong dumating kay Jose ang sugo ng hari ay nagsabi siya rito: "Bumalik ka tungo sa amo mong hari saka tanungin mo siya tungkol sa kasaysayan ng mga babaing sumugat sa mga kamay nila upang lumitaw ang kawalang-sala ko bago ng paglabas mula sa bilangguan. Tunay na ang Panginoon ko, sa ginawa nila sa akin na pagtatangkang mang-akit, ay Maalam: walang nakakukubli sa Kanya na anuman doon."
(51) Nagsabi ang hari habang nakikipag-usap sa mga babae: "Ano ang pumapatungkol sa inyo nang humiling kayo kay Yusuf sa pamamagitan ng isang panlalalang upang gumawa siya ng mahalay sa inyo?" Nagsabi ang mga babae bilang sagot sa hari: "Malayo kay Allāh na si Yusuf ay maging pinaghihinalaan. Sumpa man kay Allāh, hindi kami nakaalam sa kanya ng anumang kasagwaan." Kaya sa sandaling iyon ay nagsabi ang maybahay ng Makapangyarihan habang umaamin sa ginawa nito: "Ngayon ay lumitaw ang katotohanan. Ako ay nagtangka na mang-akit sa kanya at hindi siya nagtangka na mang-akit sa akin. Tunay na siya ay kabilang sa mga tapat sa anumang inangkin niya na kawalang-sala niya sa ipinaratang ko sa kanya."
(52) Nagsabi ang maybahay ng Makapangyarihan: "Upang malaman ni Jose nang umamin ako na ako ay ang nagtangkang umakit sa kanya at na siya ay tapat, na ako ay hindi gumawa-gawa laban sa kanya sa pagkaliban niya sapagkat luminaw para sa akin mula sa nangyari na si Allāh ay hindi nagtutuon sa sinumang nagsisinungaling at nanlalansi."
(53) Nagpatuloy ang maybahay ng Makapangyarihan sa pagsasalita nito, na nagsasabi: "Hindi ako nagpapawalang-kinalaman ng sarili ko sa pagnanais ng kasagwaan at hindi ako nagnais niyon ng pagbibigay-matuwid sa sarili ko dahil ang gawi ng kaluluwang pantao ay ang kadalasan ng pag-uutos ng kasagwaan dahil sa pagkahilig nito sa ninanasa nito at sa kahirapan ng pagpigil nito roon, maliban sa kinaawaan ni Allāh na mga kaluluwa sapagkat nagsanggalang Siya sa mga ito laban sa pag-uutos ng kasagwaan. Tunay na ang Panginoon ko ay Mapagpatawad sa sinumang nagbalik-loob kabilang sa mga lingkod Niya, Maawain sa kanila."
(54) Nagsabi ang hari sa mga tagatulong nito noong luminaw para rito ang kawalang-sala ni Yusuf at ang pagkakaalam ng maybahay: "Maghatid kayo sa kanya sa akin, magtatalaga ako sa kanya bilang natatangi para sa sarili ko." Kaya inihatid nila siya sa hari. Kaya noong nakausap siya nito at luminaw para rito ang kaalaman niya at ang pagkaunawa niya, nagsabi ito sa kanya: "Tunay na ikaw, O Yusuf, sa araw na ito sa ganang amin ay naging isang may katungkulan at reputasyon at isang pinagtitiwalaan."
(55) Nagsabi si Jose sa hari: "Magpamahala ka sa akin sa pag-iingat ng mga imbakan ng yaman at mga pagkain sa Lupain ng Ehipto sapagkat tunay na ako ay isang tagaingat-yamang mapagkakatiwalaan, at may kaalaman at pagkatalos sa pinamamahalaan ko."
(56) Kung paanong nagmagandang-loob Kami kay Jose ng pagkawalang-sala at paglaya sa pagkakulong, nagmagandang-loob Kami sa kanya ng pagbibigay-kapangyarihan para sa kanya sa Ehipto. Nanunuluyan siya at naninirahan siya sa alinmang lugar na niloob niya. Nagbibigay Kami mula sa awa Namin sa Mundo sa sinumang niloloob Namin kabilang sa mga lingkod Namin. Hindi Kami nagwawala ng gantimpala sa mga tagagawa ng maganda, bagkus magtutumbas Kami sa kanila nito nang ganap nang hindi kinukulangan.
(57) Talagang ang gantimpala ni Allāh na inihanda Niya sa Kabilang-buhay ay higit na mabuti kaysa sa gantimpala ng Mundo para sa mga sumampalataya kay Allāh at sila noon ay nangingilag magkasala sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-uutos Niya at pag-iwas sa mga sinasaway Niya.
(58) Sumapit ang mga kapatid ni Jose sa Lupain ng Ehipto na may dalang paninda nila. Saka pumasok sila sa kanya, saka nakakilala siya na sila ay mga kapatid niya samantalang hindi sila nakakilala na siya ay kapatid nila, dahil sa tagal ng panahon at pagbabago ng anyo niya dahil siya noon ay isang bata nang itinapon nila sa balon.
(59) Noong nakapagbigay siya sa kanila ng hiniling nila na panlaang pagkain at baon ay nagsabi siya, matapos na nagpabatid sila sa kanya na mayroon silang isang kapatid sa ama nila na iniwan nila sa piling ng ama nito: "Dalhin ninyo sa akin ang kapatid ninyo mula sa ama ninyo, magdaragdag ako sa inyo ng isang pasan ng kamelyo. Hindi ba ninyo nakikita na ako ay nagpapakumpleto ng pagtatakal at hindi kumukulang nito, at ako ay pinakamabuti sa mga tagatanggap ng panauhin?
(60) Ngunit kung hindi kayo maghahatid sa kanya sa akin, lilinaw ang pagsisinungaling ninyo sa pag-aangkin ninyo na mayroon kayong isang kapatid mula sa ama ninyo, kaya hindi ako magtatakal sa inyo ng pagkain at huwag kayong lumapit sa bayan ko."
(61) Kaya sumagot sa kanya ang mga kapatid niya, na mga nagsasabi: "Hihilingin namin siya sa ama namin at pagsusumikapan namin iyon. Tunay na kami ay talagang mga gagawa ng ipinag-utos mo sa amin nang walang pagpapakulang."
(62) Nagsabi si Jose sa mga manggagawa niya: "Isauli ninyo ang paninda [na ipinambayad] ng mga ito sa kanila upang malaman nila sa sandali ng pagkabalik nila na tayo ay hindi bumili ng mga ito mula sa kanila." Ito ay pipilit sa kanila sa pagbalik muli, na kasama nila ang kapatid nila, upang makapagpatunay sila kay Jose ng katapatan nila at tumanggap siya mula sa kanila ng paninda nila.
(63) Kaya noong bumalik sila sa ama nila at nagsalaysay roon ng nangyaring pagpaparangal ni Jose sa kanila ay nagsabi sila: "O ama namin, ipagkakait sa amin ang pagtatakal kung hindi namin dadalhin ang kapatid namin kasama namin kaya ipadala mo po siya kasama namin sapagkat tunay na kung ikaw ay magpapadala sa kanya kasama namin, tatakalan kami ng pagkain. Tunay na kami ay nangangako sa iyo ng pag-iingat sa kanya hanggang sa bumalik siya sa iyo nang ligtas."
(64) Nagsabi sa kanila ang ama nila: "Ipagkakatiwala ko kaya siya sa inyo malibang [napipilitan] kung paanong ipinagkatiwala ko sa inyo ang kapatid niyang buo, si Jose, bago pa niyan? Ipinagkatiwala ko na sa inyo si Jose at nangako naman kayo na mag-iingat sa kanya ngunit hindi kayo tumupad sa ipinangako ninyo kaya wala nang pagtitiwala sa ganang akin sa pangako ninyo ng pag-iingat sa kanya. Ang pagtitiwala ko ay nasa kay Allāh lamang sapagkat Siya ay ang pinakamabuti sa mga tagapag-ingat para sa sinumang ninais Niyang pag-ingatan at ang pinakamaawain sa mga naaawa sa sinumang ninais Niyang kaawaan."
(65) Noong nagbukas sila ng mga sisidlan ng pagkain nila na dinala nila ay nakatagpo sila sa halaga nito na isinauli sa kanila. Kaya nagsabi sila sa ama nila: "Alin pang bagay ang mahihiling namin sa makapangyarihang ito matapos ng pagpaparangal na ito? Ito ay ang halaga ng pagkain namin, na isinauli ng makapangyarihan bilang pagmamagandang-loob mula sa kanya sa amin. Makapagdudulot kami ng pagkain para sa mag-anak namin. Makapag-iingat kami sa kapatid namin laban sa pinangangambahan mo para sa kanya. Madaragdagan kami ng isang takal [na pasan] ng kamelyo dahilan sa pagsasama sa kanya sapagkat ang pagdaragdag ng isang takal [na pasan] ng kamelyo ay isang bagay na madali sa ganang makapangyarihan."
(66) Nagsabi sa kanila ang ama nila: "Hindi ako magpapadala sa kanya kasama sa inyo hanggang sa magbigay kayo sa akin ng isang pangako kay Allāh, na nagtitiyak na talagang magsasauli kayo sa kanya sa akin, maliban kung may pumaligid na kapahamakan sa inyo sa kalahatan, walang natira sa inyo na isa man, at hindi ninyo nakaya na magtanggol sa kanya ni magbalik." Kaya noong nagbigay sila sa kanya ng pangako kay Allāh na tumitiyak niyon ay nagsabi siya: "Si Allāh ay Saksi sa anumang sinasabi natin sapagkat nakasasapat sa atin ang pagsaksi Niya."
(67) Nagsabi sa kanila ang ama nila habang nagtatagubilin sa kanila: "Huwag kayong magsipasok sa Ehipto mula sa pintong nag-iisa na mga magkakasama, subalit magsipasok kayo mula sa mga pintong magkakaiba-iba sapagkat iyon ay higit na ligtas laban sa paglalahat sa inyo ng isa sa kapinsalaan kung nagnais ito niyon sa inyo. Hindi ako nagsasabi sa inyo niyon upang magtulak ako palayo sa inyo ng isang kapinsalaang ninais ni Allāh sa inyo at hindi upang magdulot ako para sa inyo ng isang kapakinabangang hindi ninais ni Allāh sapagkat ang pagtatadhana ay walang iba kundi ang pagtatadhana ni Allāh at ang pag-uutos ay walang iba kundi ang pag-uutos Niya. Sa Kanya lamang ako nanalig sa lahat ng mga nauukol sa akin at sa Kanya lamang ay manalig ang mga nananalig sa mga nauukol sa kanila."
(68) Kaya lumisan sila at kasama sa kanila ang kapatid na buo ni Jose. Noong nakapasok sila mula sa mga pintuang magkakaiba-iba, gaya ng ipinag-utos sa kanila ng ama nila, hindi nangyaring nakapagtanggol sa kanila ang pagpasok nila mula sa mga pintong magkakaiba-iba laban sa anumang kabilang sa itinakda ni Allāh sa kanila. Iyon lamang ay bahagi ng awa ni Jacob sa mga anak niya, na inihayag niya at itinagubilin niya sa kanila. Siya ay nakaaalam na walang pagtatadhana maliban sa pagtatadhana ni Allāh sapagkat siya ay nakaaalam sa itinuro ni Allāh sa kanya na pananampalataya sa pagtatakda at paggawa ng mga kadahilanan, subalit ang higit na marami sa mga tao ay hindi nakaaalam niyon.
(69) Noong nakapasok ang mga kapatid ni Jose kay Jose at kasama nila ang kapatid niyang buo, inilapit niya sa kanya ang kapatid niyang buo at nagsabi siya rito nang palihim: "Tunay na ako ay ang kapatid mong buo, si Jose, kaya huwag kang malungkot sa dating pinaggagawa ng mga kapatid mo na mga gawaing salawahan gaya ng pananakit, paghihinanakit sa atin, at pagtapon nila sa akin sa balon."
(70) Kaya noong nakapag-utos si Jose sa mga tagapaglingkod niya ng pagkarga ng pagkain sa mga kamelyo ng mga kapatid niya, inilagay niya ang pantakal ng hari na ipinantatakal sa pagkain para sa mga mamimili ng pagkain sa lalagyan ng kapatid niyang buo nang walang kaalaman nila upang magtagumpay sa pagpapanatili rito kasama sa kanya. Noong nakalisan sila pauwi sa mag-anak nila ay may nanawagang isang tagapanawagang nakasunod sa bakas nila: "O mga may-ari ng mga kamelyong kinargahan ng mga panustos, tunay na kayo ay talagang mga magnanakaw."
(71) Nagsabi ang mga kapatid ni Jose at lumapit sila sa tagapanawagang nakasunod sa bakas nila at sa kasama niyon na mga kasamahan niyon: "Ano ang nawala mula sa inyo upang magparatang kayo sa amin ng pagnanakaw."
(72) Nagsabi ang tagapanawagan at ang kasama niyang mga kasamahan niya sa mga kapatid ni Jose: "Naglaho sa amin ang salop ng hari na ipinantatakal. Ukol sa sinumang makapaghahatid ng salop ng hari bago ng pagsisiyasat ay isang kabayaran, na [pagkaing] isang pasan ng kamelyo, at ako ay tagapaggarantiya para sa kanya niyon."
(73) Nagsabi sa mga iyon ang mga kapatid ni Jose: "Sumpa man kay Allāh, talaga ngang nalaman ninyo ang kawalang-kinalaman namin at ang kawalang-sala namin gaya ng nakita ninyo mula sa mga kalagayan namin, at na kami ay hindi dumating sa Lupain ng Ehipto upang magtiwali roon. Hindi kami sa tanang buhay namin naging mga magnanakaw."
(74) Nagsabi ang tagapanawagan at ang mga kasamahan niya: "Kaya ano ang ganti sa sinumang nagnakaw niyon sa ganang inyo kung kayo ay naging mga sinungaling sa pag-aangkin ninyo ng kawalang-sala sa pagnanakaw?"
(75) Nagsabi sa mga iyon ang mga kapatid ni Jose: "Ang ganti sa magnanakaw sa ganang amin ay na ang sinumang natagpuan ang ninakaw sa lalagyan niya ay magsusuko ng sarili niya sa ninakawan upang alipinin siya. Ang tulad ng ganting ito sa pamamagitan ng pang-aalipin ay iginaganti namin sa mga magnanakaw."
(76) Kaya nagpabalik ang mga iyon sa kanila kay Jose para sa pagsisiyasat sa mga sisidlan nila. Nagsimula siya sa pagsisiyasat sa mga sisidlan ng mga kapatid niyang hindi buo bago ng pagsisiyasat sa sisidlan ng kapatid niyang buo bilang pagtatakip sa panlalalang. Pagkatapos siniyasat niya ang sisidlan ng kapatid niyang buo at inilabas ang salop ng hari mula roon. Kung paanong nagpakana si Allāh para kay Jose sa pamamagitan ng pagpapanukala ng paglalagay ng salop sa lalagyan ng kapatid niya, nagpakana pa para sa kanya ng iba pang bagay: na magpataw sa mga kapatid niya ayon sa parusa ng bayan nila sa pamamagitan ng pang-aalipin sa magnanakaw. Ang bagay na ito ay hindi maisasakatuparan kung sakaling nagsagawa ng parusa ng hari para sa magnanakaw, na paghahagupit at pagpapamulta, malibang lumuob si Allāh ng iba pang panukala sapagkat Siya ay Nakakakaya niyon. Nag-aangat si Allāh sa mga ranggo ng mga niloloob Niya kabilang sa mga lingkod Niya kung paanong nag-angat Siya sa ranggo ni Jose. Sa ibabaw ng bawat nagtataglay ng kaalaman ay may isang higit na maalam kaysa sa kanya at sa ibabaw ng kaalaman ng lahat ay ang kaalaman ni Allāh na nakaaalam sa bawat bagay.
(77) Nagsabi ang mga kapatid ni Jose: "Kung nagnakaw siya ay walang kataka-taka sapagkat nagnakaw na ang isang kapatid niyang buo bago ng pagnanakaw niya mismo." Tumutukoy sila kay Jose – sumakanya ang pagbati ng kapayapaan – ngunit nagkubli si Jose ng pagkasakit ng damdamin niya sa pinagsasabi nilang ito at hindi siya naglantad nito sa kanila. Nagsabi siya sa kanila sa sarili niya: "Ang taglay ninyong inggit at paggagawa ng kasagwaan na nauna na mula sa inyo ay ang kasamaan mismo sa kalagayang ito. Si Allāh –pagkataas-taas Siya – ay higit na maalam sa paggawa-gawang ito [ng kasinungalingan] na namumutawi mula sa inyo."
(78) Nagsabi ang mga kapatid ni Jose kay Jose: "O makapangyarihan, tunay na siya ay may isang amang matandang labis sa edad, na umiibig sa kanya nang higit, kaya dumakip ka po ng isa sa amin bilang pamalit sa kanya. Tunay na kami ay nakakikita sa iyo kabilang sa mga tagagawa ng maganda sa pakikitungo sa amin at pakikitungo sa iba pa sa amin, kaya gumawa ka po ng maganda sa amin sa pamamagitan niyon."
(79) Nagsabi si Jose – sumakanya ang pagbati ng kapayapaan: "[Humihiling ako ng] pagkupkop ni Allāh, na lumabag kami sa katarungan sa isang walang-sala dahil sa krimen ng isang tagalabag sa katarungan, para manghuli kami ng iba pa sa sinumang makatatagpo kami ng salop ng hari sa sisidlan niya; tunay na kami, kung gagawa kami niyon, ay talagang mga tagalabag sa katarungan, yayamang magpaparusa kami sa isang walang-sala at mag-iiwan kami sa isang may-sala."
(80) Kaya noong nawalan sila ng pag-asa sa pagtugon ni Jose sa hiling nila, nagsarilinan sila palayo sa mga tao para magsanggunian. Nagsabi ang kapatid nilang matanda: "Nagpapaalaala ako sa inyo na ang ama ninyo ay tumanggap sa inyo ng pangako kay Allāh, na nagbibigay-diin na magsauli kayo sa kanya ng anak niya malibang pumalibot sa inyo ang hindi ninyo nakakayang pigilin. Bago pa niyon, nagwalang-bahala nga kayo kaugnay kay Jose at hindi kayo tumupad sa pangako ninyo sa ama ninyo kaugnay kay Jose. Kaya hindi ako mag-iiwan sa Lupain ng Ehipto hanggang sa magpahintulot sa akin ang ama ko na bumalik sa kanya o humusga si Allāh sa akin ng pagkuha sa kapatid ko. Si Allāh ay ang pinakambuti sa mga tagahusga sapagkat Siya ay humuhusga ayon sa katotohanan at katarungan."
(81) Nagsabi ang kapatid na matanda: "Manumbalik kayo sa ama ninyo saka sabihin ninyo sa kanya: 'Tunay na ang anak mo ay nagnakaw, kaya inalipin siya ng makapangyarihan ng Ehipto bilang kaparusahan sa kanya sa pagnanakaw niya. Wala kaming ipinabatid kundi ayon sa nalaman namin mula sa pagkasaksi namin sa salop na inilabas mula sa sisidlan niya. Hindi kami nagkaroon ng kaalaman na siya ay nagnanakaw. Kung sakaling nalaman namin iyon ay hindi sana kami nakipagkasunduan sa iyo ng pagsasauli sa kanya.
(82) Upang makapagpatunay ka sa katapatan namin, magtanong ka po, O ama namin, sa mga mamamayan ng Ehipto na kami dati ay naroon at magtanong ka po sa mga kasamahan sa karaban na pumunta kami kasama ng mga iyon, magpapabatid sila sa iyo ng ipinabatid namin sa iyo. Tunay na kami ay totohanang talagang mga tapat sa ipinabatid namin sa iyo hinggil sa kanya na pagnanakaw niya.'"
(83) Nagsabi sa kanila ang ama nila: "Ang usapin ay hindi gaya ng binanggit ninyo na pangyayaring siya ay nagnakaw, bagkus humalina sa inyo ang mga sarili ninyo na manlansi kayo sa kanya kung paanong nanlansi kayo sa kapatid niyang si Jose bago pa niyan. Kaya ang pagtitiis ko ay isang pagtitiis na marilag: walang hinaing dito kundi kay Allāh. Sana si Allāh ay magsauli sa kanila sa akin sa kalahatan: si Jose at ang kapatid niyang buo, at ang matandang kapatid nilang dalawa. Tunay na Siya – kaluwalhatian sa Kanya – ay ang Maalam sa kalagayan ko, ang Marunong sa pangangasiwa Niya sa nauukol sa akin."
(84) Lumayo siya na umaayaw sa kanila at nagsabi: "Ah, ang tindi ng lungkot ko dahil kay Jose!" Ang kaitiman ng mga mata niya ay naging kaputian dahil sa dalas ng pag-iyak niya dahil kay Jose sapagkat siya ay puno ng kalungkutan at pag-aalala. Nagkukubli siya ng lungkot niya sa mga tao.
(85) Nagsabi ang mga kapatid ni Jose sa ama nila: "Sumpa man kay Allāh, hindi ka tumitigil, O ama namin, na umaalaala kay Jose at nagdurusa dahil sa kanya hanggang sa tumindi sa iyo ang karamdaman o mapahamak ka talaga."
(86) Nagsabi sa kanila ang ama nila: "Hindi ako naghihinaing ng dumapo sa akin na pagkahapis at lungkot kundi kay Allāh lamang at nakaaalam ako mula sa kabaitan ni Allāh, paggawa Niya ng maganda, pagtugon Niya sa nagigipit, at ganti Niya sa nagdurusa ng hindi ninyo nalalaman mismo."
(87) Nagsabi sa kanila ang ama nila: "O mga anak ko, umalis kayo saka umalam kayo ng mga ulat hinggil kay Jose at sa kapatid niya. Huwag kayong mawalan ng pag-asa sa pagpapaginhawa ni Allāh at pag-aaliw Niya sa mga lingkod Niya; tunay na walang nawawalan ng pag-asa sa pagpapaginhawa Niya at pag-aaliw Niya kundi ang mga taong tagatangging sumampalataya dahil sila ay hindi nakababatid sa pagkadakila ng kakayahan Niya at pagkakubli ng pagmamabuting-loob Niya sa mga lingkod Niya."
(88) Kaya sumunod sila sa utos ng ama nila at umalis sila para maghanap kay Jose at sa kapatid niya. Kaya noong nakapasok sila kay Jose ay nagsabi sila: "Dumapo sa amin ang kagipitan at ang karalitaan. Nagdala kami ng panindang hamak na kakarampot, ngunit magtakal ka po para sa amin ng pagtatakal na lubus-lubos gaya ng pagtatakal mo noon para sa amin bago pa nito. Magkawanggawa ka po sa amin sa pamamagitan ng pagdaragdag doon o pagpipikit-mata sa [kalidad ng] paninda naming hamak; tunay na si Allāh ay gumaganti sa mga tagapagkawanggawa ayon sa pinakamagandang ganti."
(89) Kaya noong nakarinig siya sa pananalita nila ay nagsampatiya siya sa kanila dala ng awa sa kanila. Nagpakilala siya sa kanila ng sarili niya. Nagsabi siya: "Nakaalam nga kayo sa ginawa ninyo kay Jose at sa kapatid niya nang kayo ay mga mangmang sa kahihinatnan ng ginawa ninyo sa kanilang dalawa?"
(90) Nagulat sila at nagsabi sila: "Tunay na ikaw ba ay ikaw si Jose?" Nagsabi sa kanila si Jose: "Oo; ako si Jose at itong nakikita ninyo kasama ko ay ang kapatid kong buo. Nagmagandang-loob nga si Allāh sa amin sa pamamagitan ng pagpapalaya mula sa dating lagay namin at sa pamamagitan ng pag-aangat ng katayuan. Tunay na ang sinumang mangingilag magkasala kay Allāh sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-uutos Niya at pag-iwas sa mga sinasaway Niya, at magtitiis sa pagsubok, tunay na ang gawa niya ay bahagi ng paggawa ng maganda at si Allāh ay hindi magwawala sa pabuya sa mga tagagawa ng maganda, bagkus nangangalaga Siya nito para sa kanila."
(91) Nagsabi sa kanya ang mga kapatid niya, na mga humihingi ng paumanhin dahil sa pinaggagawa nila sa kanya: "Sumpa man kay Allāh, talaga ngang nagtangi sa iyo si Allāh higit sa amin dahil sa ibinigay Niya sa iyo na mga katangian ng kalubusan. Talaga ngang kami noon kaugnay sa pinaggagawa namin sa iyo ay mga tagagawa ng masagwa, na mga tagalabag sa katarungan."
(92) Kaya tinanggap ni Jose ang paghingi nila ng paumanhin at nagsabi siya: "Walang paninisi sa inyo sa araw na ito na humihiling ng pagpaparusa sa inyo, ni pambabatikos. Humihiling ako kay Allāh na magpatawad Siya sa inyo. Siya – kaluwalhatian sa Kanya – ay ang pinakamaawain sa mga naaawa."
(93) Kaya ibinigay ni Jose sa kanila ang kamisa niya noong naipaalam nila sa kanya ang kinahantungan ng paningin ng ama niya at nagsabi siya: "Umalis kayo kalakip ng kamisa kong ito saka ihagis ninyo sa mukha ng ama ko, manunumbalik para sa kanya ang paningin niya. Dalhin ninyo sa akin ang mga mag-anak ninyo sa kabuuan nila."
(94) Noong nakalabas ang karaban paalis ng Ehipto at humiwalay ito sa kabihasnan mula roon ay nagsabi si Jacob – sumakanya ang pagbati ng kapayapaan – sa mga anak niya at sinumang nasa piling niya sa lupain niya: "Tunay na ako ay talagang nakaamoy ng amoy ni Jose, kung sakaling hindi kayo nagtuturing ng pagkamangmang sa akin at nag-uugnay sa akin sa pagkahukluban sa pamamagitan ng pagsabi ninyo: Ito ay matandang hukluban, na nagsasabi ng hindi niya nalalaman."
(95) Nagsabi ang mga nasa piling niya kabilang sa mga anak niya: "Sumpa man kay Allāh, tunay na ikaw ay hindi natitigil sa naunang pagkahibang mo sa pumapatungkol sa kalagayan ni Jose sa ganang iyo at sa posibilidad ng pagkakita sa kanya sa muli."
(96) Kaya noong nakarating ang tagapag-ulat ng magpapatuwa kay Jacob, ipinukol nito ang kamisa ni Jose sa mukha niya kaya siya ay naging nakakikita. Sa sandaling iyon ay nagsabi siya sa mga anak niya: "Hindi ba nagsabi ako sa inyo na tunay na ako ay nakaaalam mula sa kabaitan ni Allāh at paggawa Niya ng maganda ng hindi ninyo nalalaman mismo?"
(97) Nagsabi ang mga anak niya sa ama nilang si Jacob – sumakanya ang pagbati ng kapayapaan – na mga humihingi ng paumanhin sa ginawa nila kay Jose at sa kapatid nito: "O ama namin, humiling ka po mula kay Allāh ng kapatawaran para sa mga pagkakasala naming nauna; tunay na kami dati ay mga nagkakasala, na mga gumawa ng masagwa sa ginawa namin kay Jose at sa kapatid niyang buo."
(98) Nagsabi sa kanila ang ama nila: "Hihiling ako para sa inyo ng kapatawaran mula sa Panginoon ko; tunay na Siya ay ang Mapagpatawad sa mga pagkakasala ng mga nagbabalik-loob kabilang sa mga lingkod Niya, ang Maawain sa kanila."
(99) Lumabas si Jacob at ang mag-anak nito mula sa lupain nito habang mga nagsasadya kay Jose sa Ehipto. Kaya noong nakapasok sila kay Jose, pinatuloy niya sa kanya ang ama niya at ang ina niya at nagsabi siya sa mga kapatid niya at mag-anak nila: "Magsipasok kayo sa Ehipto ayon sa kalooban ni Allāh, na mga natitiwasay; walang tatama sa inyo rito na pananakit."
(100) Nagpaupo si Yusuf sa mga magulang niya sa supa na inuupuan niya at bumati sa kanya ang mga magulang niya at ang mga kapatid niyang labing-isa sa pamamagitan ng pagpapatirapa. Ito ay isang pagpapatirapa ng pagpaparangal, hindi ng isang pagsamba, bilang pagsasakatotohanan sa utos ni Allāh gaya ng sa mga panaginip. Dahil dito, nagsabi si Yusuf – sumakanya ang pagbati ng kapayapaan – sa ama niya: "Ang pagbating ito sa pamamagitan ng pagpapatirapa sa akin mula sa inyo ay ang pagpapakahulugan sa panaginip kong nakita ko bago pa niyan at isinalaysay ko sa iyo. Ginawa ngang totoo ito ng Panginoon ko dahil sa pagkaganap nito. Gumawa nga ng maganda sa akin ang Panginoon ko nang nagpalabas Siya sa akin mula sa pagkabilanggo at nang naghatid Siya sa inyo mula sa ilang nang matapos na nanggulo ang demonyo sa pagitan ko at ng mga kapatid ko. Tunay na ang Panginoon ko ay Mabait sa pangangasiwa Niya sa anumang niloloob Niya. Tunay na Siya ay ang Maalam sa mga kalagayan ng mga lingkod Niya, ang Marunong sa pangangasiwa Niya."
(101) Pagkatapos dumalangin si Jose sa Panginoon niya saka nagsabi: "O Panginoon ko, nagbigay Ka nga sa akin ng paghahari sa Ehipto at nagturo Ka sa akin ng pagpapahayag ng mga panaginip. O Tagalikha ng mga langit at lupa at Tagapagpasimula ng mga ito nang walang naunang pagkakatulad, Ikaw ay ang tumatangkilik sa lahat ng mga nauukol sa akin sa buhay na pangmundo at ang tumatangkilik sa lahat ng mga ito sa Kabilang-buhay. Kunin Mo ako sa sandali ng pagwawakas ng taning ko bilang Muslim at isama Mo ako sa mga propetang maayos kabilang sa mga ninuno ko at iba pa sa kanila sa Kataas-taasang Firdaws ng Paraiso."
(102) Ang nabanggit na iyon mula sa kasaysayan ni Jose at ng mga kapatid niya ay ikinakasi Namin sa iyo, O Sugo. Hindi ka nagkaroon ng kaalaman doon yayamang hindi ka noon naroon sa piling ng mga kapatid ni Jose nang nagpasya sila ng pagtapon sa kanya sa kailaliman ng balon at nagpakana sila ng ipinakana nilang panlalalang, subalit Kami ay nagkasi sa iyo niyon.
(103) Ang higit na marami sa mga tao ay hindi mga mananampalataya, kahit pa man nagkaloob ka, O Sugo, ng buong pagsisikap upang sumampalataya sila. Kaya huwag masawi ang sarili mo para sa kanila dahil sa mga panghihinayang.
(104) Kung sakaling nakapag-unawa sila ay talaga sanang sumampalataya sila sa iyo dahil ikaw ay hindi humiling mula sa kanila ng gantimpala, O Sugo, dahil sa Qur'ān ni dahil sa nag-aanyaya ka sa kanila sapagkat walang iba ang Qur'ān kundi isang pagpapaalaala para sa lahat ng mga tao.
(105) Marami ang mga tandang nagpapatunay sa kaisahan Niya – kaluwalhatian sa Kanya – na nakakalat sa mga langit at sa lupa, na dumaraan sila sa mga iyon samantalang sila sa pagmumuni-muni sa mga iyon ay mga tagaayaw, na hindi pumapansin sa mga iyon.
(106) Hindi sumasampalataya ang higit na marami sa mga tao kay Allāh na Siya ay ang Tagalikha, ang Palatustos, ang Tagapagbigay-buhay, ang Tagapagbigay-kamatayan malibang habang sila ay sumasamba kasama sa Kanya ng iba pa sa Kanya gaya ng mga anito at mga diyus-diyusan, at nag-aangkin na mayroon Siyang anak – kaluwalhatian sa Kanya.
(107) Kaya natiwasay ba ang mga tagapagtambal na ito na pumunta sa kanila ang isang kaparusahan sa Mundo na maglulubog sa kanila at lulukob sa kanila, na hindi nila nakakakayang itulak iyon, o na pumunta sa kanila ang Huling Sandali nang biglaan samantalang sila ay hindi nakadarama sa pagpunta nito para makapaghanda sila para rito, kaya dahil doon hindi sila sumampalataya?
(108) Sabihin mo, O Sugo, sa sinumang inaanyayahan mo: "Ito ay daan ko na nag-aanyaya ako sa mga tao tungo rito. Ayon sa katwirang maliwanag, nag-aanyaya tungo roon ako at nag-aanyaya tungo roon ang sinumang sumunod sa akin, napatnubayan sa patnubay ko, at nagsabuhay sa kalakaran ko. Kaluwalhatian kay Allāh higit sa anumang iniugnay sa Kanya kabilang sa anumang hindi nababagay sa kapitaganan sa Kanya o sumasalungat sa kalubusan Niya. Hindi ako kabilang sa mga tagapagtambal kay Allāh, bagkus ako ay kabilang sa mga naniniwala sa kaisahan Niya – kaluwalhatian sa Kanya."
(109) Hindi Kami nagpadala bago mo pa, O Sugo, kundi ng mga lalaki kabilang sa mga tao, hindi mga anghel. Nagkakasi Kami sa kanila kung paanong nagkakasi Kami sa iyo, kabilang sa mga naninirahan sa mga lungsod, hindi kabilang sa mga naninirahan sa mga ilang. Ngunit nagpasinungaling sa kanila ang mga kalipunan nila kaya nagpahamak Kami sa mga iyon. Kaya hindi ba naglakbay ang mga tagapagpasinungaling na ito sa iyo sa lupa para magmuni-muni sila kung papaano ang naging wakas ng mga tagapagpasinungaling kabilang sa nauna pa sa kanila para magsaalang-alang sila sa mga iyon? Ang anumang nasa tahanan sa Kabilang-buhay ay higit na mabuti para sa mga nangilag magkasala kay Allāh sa Mundo. Kaya hindi ba kayo nakapag-uunawa na iyon ay higit na mabuti para mangilag kayong magkasala kay Allāh sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-uutos Niya, na ang pinakamabigat sa mga ito ay ang pananampalataya, at ng pag-iwas sa mga sinasaway Niya, na ang pinakamalaki sa mga ito ay ang pagtatambal kay Allāh?
(110) Ang mga sugong ito na isinusugo Namin ay nagpalugit Kami sa mga kaaway nila at hindi Kami nagmamadali sa mga iyon ng kaparusahan bilang pagpapain sa mga iyon. Hanggang sa nang naantala ang pagpapahamak sa mga iyon, nawalan ng pag-asa ang mga sugo sa kapahamakan ng mga iyon, at nakatiyak ang mga tagatangging sumampalataya na ang mga sugo nila ay nagsinungaling sa kanila sa ipinangako ng mga ito sa kanila na parusa para sa mga tagapagpasinungaling at pagliligtas sa mga mananampalataya, dumating naman ang pag-aadya Namin para sa mga sugo Namin. Nailigtas ang mga sugo at ang mga mananampalataya mula sa kapahamakan na magaganap sa mga tagapagpasinungaling. Hindi napipigil ang pagpaparusa Namin sa mga taong salarin kapag magbababa Kami nito sa kanila.
(111) Talaga ngang sa mga kasaysayan ng mga sugo, mga kasaysayan ng mga kalipunan nila, at sa kasaysayan ni Jose at ng mga kapatid niya ay may naging pangaral na napangangaralan sa pamamagitan nito ang mga may isip na malusog. Ang Qur'ān na naglalaman niyon ay hindi naging isang pananalitang nilikha-likhang ipinagsinungaling laban kay Allāh. Bagkus ito ay naging isang pagpapatotoo para sa mga kasulatang makalangit na ibinaba mula sa ganang kay Allāh, isang pagdedetalye para sa bawat nangangailangan ng pagdedetalye na mga patakaran at mga batas, isang paggagabay para sa bawat mabuti, at isang awa para sa mga taong sumasampalataya rito sapagkat sila ay nakikinabang sa anumang narito.