(1) Bumasa ka, O Sugo, ng ikinakasi ni Allāh sa iyo, na nagpapasimula sa ngalan ng Panginoon mo na lumikha sa lahat ng mga nilikha,
(2) lumikha sa tao mula sa isang piraso ng dugong namuo matapos na ito dati ay isang patak.
(3) Bumasa ka, O Sugo, ng ikinakasi ni Allāh sa iyo samantalang ang Panginoon mo ay ang Napakamapagbigay, na walang nakapapantay sa pagkamapagbigay Niya na isang mapagbigay sapagkat Siya ay ang marami ang kagalantehan at ang paggawa ng mabuti.
(4) na nagturo ng pagsasatitik at pagsulat sa pamamagitan ng panulat,
(5) nagturo sa tao ng hindi dati nito nalaman.
(6) Sa katotohanan, tunay na ang taong masamang-loob tulad ni Abū Jahl ay talagang lumampas sa hangganan sa paglabag sa mga hangganan ni Allāh.
(7) dahilan sa nakakita siya sa sarili niya na nakasapat dahil sa taglay niya na impluwensiya at yaman.
(8) Tunay na tungo sa Panginoon mo, O tao, ang pagbabalik sa Araw ng Pagbangon para gumanti Siya sa bawat ayon sa magiging karapat-dapat dito.
(9) Nakakita ka ba ng higit na kataka-taka kaysa sa nauukol kay Abū Jahl na sumasaway
(10) sa lingkod Naming si Muḥammad – sumakanya ang basbas at ang pagbati ng kapayapaan – kapag nagdasal siya sa tabi ng Ka`bah?
(11) Nakakita ka ba kung itong sinasaway ay nasa isang patnubay at isang pagkatalos mula sa Panginoon niya,
(12) o nag-uutos noon ng pangingilag magkasala kay Allāh sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-uutos Niya at pag-iwas sa mga sinasaway Niya? Sinasaway ba ang sinumang ito ang pumapatungkol sa kanya?
(13) Nakakita ka ba kung nagpasinungaling sa inihatid ng Sugo ang tagasaway na ito o umayaw siya roon? Hindi ba siya natatakot kay Allāh?
(14) Hindi ba nakaalam ang tagasaway ng lingkod na iyan sa pagdarasal na si Allāh ay nakakikita sa ginagawa nito, na walang nakakukubli sa Kanya mula roon na anuman?
(15) Ang usapin ay hindi gaya ng ginuniguni ng mangmang na ito! Talagang kung hindi siya nagpigil sa pananakit niya sa lingkod Namin at pagpapasinungaling niya rito ay talagang dadaklot nga Kami sa kanya habang hinihila patungo sa apoy sa pamamagitan ng unahan ng ulo niya nang may karahasan.
(16) Ang nagmamay-ari ng bumbunang iyon ay nagsisinungaling sa sabi, nagkakamali sa gawa.
(17) Kaya tumawag siya – kapag dinadaklot siya sa unahan ng ulo niya patungo sa Apoy – sa mga kasamahan niya at mga tao ng umpukan niya upang magpatulong sa kanila upang sumagip sila sa kanya mula sa pagdurusa.
(18) Tatawag Kami mismo sa mga tanod ng Impiyerno na mga anghel na mababagsik, na hindi sumusuway sa Amin sa ipinag-utos sa kanila at gumagawa sa ipinag-uutos sa kanila. Kaya tumingin siya sa kung alin sa dalawang pangkat ang higit na malakas at higit na nakakakaya.
(19) Ang usapin ay hindi gaya ng hinaka-haka ng tagalabag sa katarungan na ito na magparating siya sa iyo ng isang kasagwaan. Kaya huwag kang tumalima sa kanya sa isang pag-uutos ni isang pagsaway, magpatirapa ka kay Allāh, at lumapit ka sa Kanya sa pamamagitan ng mga pagtalima sapagkat ang mga ito ay nakapagpapalapit sa Kanya.